Part 12 - Panyo

592 24 0
                                    

Dahil nga hindi basta-basta puwedeng umakyat sa second floor, mas pinili na lang puntahan nila Minggay at Lila si Nana Conrada sa kanyang tulugan sa likod-bahay. Ikinuwento nila sa matanda ang tungkol sa pagkawala ni Mary Beth. Tuluyan na nilang nakalimutan ang tungkol sa taong naka-suot ng pang-pari na pumapasok sa kanilang kuwarto.

"Hinanap niyo na ba sa paligid? Baka nariyan lang 'yun. Sa kasilyas sinilip niyo na ba?" Tanong ng pupungas-pungas pang kasambahay.

"Opo, Nana. Nilibot na namin kuwarto niya pati buong bahay puwera na lang second floor kasi nga bawal kami umakyat doon. Pero Nana, hinanap na namin siya sa buong bahay saka sa paligid sa labas, pero wala pa rin siya," alalang sabi ni Lila na may hawak-hawak pang flashlight.

"Sige na't aakyatin ko sa taas sina Father Tonyo. Kami na mag-uusap. Pumasok na kayo sa mga kuwarto niyo." Kinuha sandali ng matanda ang balabal at pumasok ito sa loob ng Casa Del Los Benditos.

Inihatid pa siya ng dalawa sa may hagdan. "Balitaan mo kami, Nana," pakiusap pa ni Minggay bago sila itinaboy mg matanda para matulog.

Niyaya naman ni Minggay si Lila kung gusto nitong sa kuwarto muna niya ito matulog at sumama naman si Lila.

Sa kama, habang inaayos ni Minggay ang mga unan at kumot, may napansin siya sa ulo ni Lila. May suot-suot itong kulay pink na headband na may disenyong maliit na laso sa gilid. "Hindi mo ba huhubarin 'yan? Masakit kaya 'yan kapag nadiin sa anit mo."

"Hindi naman. Sanay na ako. Saka lagi ko talaga suot 'to kapag natutulog o kaya minsan sinusuot ko rin sa tuwing nalulungkot ako. Bigay 'to sa akin ni ate. Pakiramdam ko kasi katabi ko lang din siya kapag suot ko 'to?" May lungkot sa boses ni Lila.

"Eh, nasa'n na ba ate mo?"

"Hindi ko alam. Basta iniwan na lang ako d'yan sa labas -- sa tapat ng simbahan. Sabi niya babalikan niya ako, pero hindi na siya nagpakita. Dalawang araw ko siyang hinintay hanggang sa nakita ako ni Father Tonyo at pinatuloy ako dito. Pero oras na bumalik si ate sasama na agad ako at alam kong babalik siya." Sumigla nang bahagya ang tono ni Lila.

"Huwag kang mag-alala babalik 'yun. Malay mo sinundo pala siya ni Mary Beth para dalhin dito," biro ni Minggay.

"Sira ka talaga," natatawang sabi ni Lila. "Eh, ikaw ano naman ang nangyari sa'yo?"

At si Minggay naman ang nagkuwento. Sinabi lang niya ang tungkol doon sa tangka niyang pagnanakaw sa korona ng Mahal Na Birhen. Hindi na niya isinama ang tungkol kina Caloy at sa buong pamilya niya.

"Baliw ka talaga. Buti si Father Tonyo ang nakakita sa'yo at hindi si Father Eman kundi... Naku!"

"Oo nga eh, buti na lang talaga," buntong-hininga ni Minggay. "Tara tulog na tayo."

+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+

Kinaumagahan, ipinatawag sila ni Father Tonyo at Father Eman sa meeting room. Pinaupo sila ni Father Tonyo sa dulo ng pahabang lamesa habang siya at si Father Eman naman ang nasa kabila. Naka de-kuwatro si Father Tonyo na parang padre de pamilyang naka-puwesto sa head table habang nasa kanan niya ang nakatayong si Father Eman.

"Ibinalita sa amin ni Nana Conrada kagabi ang tungkol kay Mary Beth. Kaninang madaling araw, hinalughog namin ni Nana Conrada ang buong bahay, pero katulad niyo, hindi rin namin siya nakita. Hanggang sa napilitan na rin kaming istorbohin itong si Father Eman at ito ang kanyang natagpuan."

May dinukot na nakatuping papel si Father Eman sa kanyang bulsa. Lumapit siya kina Eman at Minggay para iabot ito. Isang liham galing kay Mary Beth.

"Nakita ko 'yan sa sahig noong katukin ako ni Father Tonyo. Nilusot siguro ni Mary Beth sa ilalim ng pinto ko habang natutulog ako," paliwanag ni Father Eman.

Binasa ng dalawa ang liham.

Dear Father Tonyo and Father Eman,

Gusto ko lang pong sabihin na nagpapasalamat ako sa 2 months and three weeks na stay ko po dito sa Casa. Maraming salamat po at pinatira niyo po ako dito nang libre at binigyan ng makakain. Salamat din po at binigyan niyo rin po kami ng tutor ni Lila, si Mr. Aragon. Pakisabi na lang po sa kanya na hindi ko makakalimutan kabaitan niya sa akin.

Maraming salamat sa pag-aalaga ninyo sa amin nila Lila at kasama na rin si Minggay. Sumulat po ako para sabihin na gusto ko na pong magpaalam sa inyo. Balak ko pong pumunta na ng Maynila para makapaghanap ng trabaho at makapag-ipon para makapunta na sa Jedah. Gusto ko po kasing hanapin doon si Papa. Sana po ay maunawaan niyo po ang aking desisyon.

Gumagalang,

Mary Beth

Habang binabasa ni Lila ang sulat, may napansing siyang hindi tama. Una, ang sulat kamay sa liham. Hindi ganoon magsulat si Mary Beth. Napakaganda ng dikit-dikit ni Mary Beth hindi tulad ng binasa nila ngayon na parang isinulat ng estudyanteng nasa grade three pa lang. Isa pa, paanong naglayas si Mary Beth samantalang nakita pa nila ni Minggay ang lahat ng mga damit nito sa aparador noong kalkalin nila ang kuwarto nito.

Ipinaalam naman ni Lila ang mga agam-agam na iyon kina Father Eman at Father Tonyo.

"Ayun ba? Unahin natin 'yung sa mga damit. Ilang beses na sa akin nabanggit ni Mary Beth noon na may kamag-anak siya sa Maynila at may mga damit siya roong naiwan dati pa kaya siguro hindi na niya dinala 'yung mga damit niya dito. At 'yung sa sulat naman, umamin sa amin 'yung anak ni Manong Jerry, 'yung hardinero natin, na siya ang nagsulat ng liham. Inutusan lang daw siya ni Mary Beth kagabi lang pagkatapos mag-hapunan. Binayaran lang siya ng limang piso. Siguro nagmamadali siya makaalis kaya ganu'n." Seryosong nakatingin sa kanila si Father Tonyo habang nagsasalita na para bang nakikiusap na paniwalaan nila ang kanyang paliwanag.

Mukha namang bumenta iyon sa dalawang bata.

"Father, hindi po ba siya nag-iwan ng adderess niya sa Maynila. Baka kasi puwede namin siyang dalawin doon kung sakali." Itinupi ni Minggay ang liham at saka ibinigay pabalik kay Father Eman.

"Wala siyang iniwang address niya sa Maynila. Pero naniniwala ako na balang araw babalik din siya rito para dalawin tayo," anang Father Tonyo. "Sige na't mag-almusal na muna kayo. Kami ni Father Eman ay may aasikasuhin muna."

Pinagbuksan sila ng pinto ni Father Eman para makalabas. Kumaripas na si Minggay sa kusina, marahil sabik nang kumain, nang mapansin ni Lila ang kulay asul na panyo sa paanan ni Father Eman. Parang nakita na niya sa kung saan ang panyo subalit hindi niya maalala. Dinampot niya ito at iniabot, "Father, nahulog po."

"Ah, salamat," at saka nagmamadaling isinuksok ng pari ang panyo sa kanyang bulsa.

Pagkasara ng pinto, may naramdaman siyang mamasa-masa sa kanyang mga daliri.

Kulay pula ito.

Parang... parang dugo.

Ang Santo Sa Likod Ng Pinto Book 1 (COMPLETED)Where stories live. Discover now