Part 18 - Belo

516 23 1
                                    

"Ano bang sinasabi mo?" Tanong ni Father Eman kay Minggay. Napatakbo sila ni Father Tonyo sa kanyang kuwarto nang marinig nila ang napakalakas niyang sigaw.

"Minggay, may nararamdaman ka ba? Masakit ba ang ulo mo o nilalamig ka?" Ipinatong ni Father Tonyo ang palad sa noo ni Minggay. "Hindi ka naman mainit."

"Pero kitang-kita ko po. Si Mary Beth po talaga 'yung nasa picture. May kasama po siyang lalaki. Tapos... tapos..." hindi na niya alam ang sasabihin. Naaawa siya na kinikilabutan sa tuwing nagre-replay ang imaheng iyon ng kaibigan sa isip niya.

"Pero anong nakakatakot dito? Kami lang 'to ni Father Tonyo kasama si Father Greg. Mga two years ago pa yata 'to kinunan." Halos halikan na ni Father Eman ang larawan. Sinusuri niyang maigi kung ano, sino o saan ba 'yung sinasabi ni Minggay na nakakatakot sa litrato. Pero wala talaga siyang makita.

"Tignan niyo po 'yung pinto sa background, Father. May kamay po d'yan. Tapos yung sapatos... yung sapatos po na kulay pula, 'Yung.... 'yung.. may-ari po n'yan laging pumapasok sa kuwarto namin ni Lila," pasinghap-singhap si Minggay habang nagpapaliwanag.

"Anong sapatos? Anong pumapasok sa kuwarto? Hindi kita maintindihan," dumiretso nang upo si Father Tonyo.

"Hindi pa po namin nakukuwento sa inyo, pero meron pong pumapasok sa kuwarto namin ni Lila tuwing madaling araw. Nakasuot po siya ng pang-pari katulad ng suot niyo ni Father Eman. Tapos ang sapatos niya po kulay pula. Noong two days ago po yata 'yun, hinila pa nga po nu'n si Lila hanggang sa may hagdan," tumigil na sa pag-iyak si Minggay at pinahid ang mga luha niya sa suot na t-shirt.

"Nakita mo ba kung sino 'yun? Namukhaan mo ba?" Susog pa ni Father Tonyo.

"Hindi po. Lagi po akong nagigising kapag palabas na siya ng kuwarto ko. Pero noong una akala po namin ni Lila, ikaw po 'yun. Pero wala naman po kayong pulang sapatos 'di ba?" Napatingin si Minggay kay Father Eman.

"Eh mas lalo naman ako. Lahat ng sapatos ko kulay itim," dipensa ni Father Eman. Panay ang iling nito ng ulo.

"Pero parang imposible naman ang sinasabi mo, Minggay. Una, wala nga kaming sapatos ni Father Eman na kulay pula. Pangalawa, hinding-hindi kami pumapasok sa kuwarto ng iba nang walang paalam. Hindi magandang ugali ang gano'n. At pinakahuli sa lahat, tsini-check ko lahat ng pinto at bintana dito kung naka-lock ba nang tama bago ako umakyat sa taas. Kung may nakapasok man dito, siguro naman malalaman namin 'yon kasi siguradong wasak or binaklas na 'yung pinto or bintana natin dito, 'di ba?" Mahinahong sabi ni Father Tonyo.

"Pero 'yon po ang totoo. Iyon po talaga ang nangyari," pagpupumilit ni Minggay.

"Heto picture. Ituro mo sa amin kung saan d'yan yung nakakatakot na gumagalaw na sinasabi mo," iniabot ni Father Eman ang litrato at kinuha naman iyon ni Minggay na may halo pa ring takot.

Nagbalik na ulit sa dati ang larawan. Ang imahe na naroon ay sina Father Greg, Tonyo at Eman. Wala na ang mahiwagang kamay at ang pulang sapatos sa may pinto. Wala na rin ang patay na si Mary Beth at ang lalaking nakasuot ng sutana na may hawak na rosaryo at bibliya.

"Father kasi... Ano... Ganito po kasi 'yun..." Hindi niya maibulalas ang mga gusto niyang sabihin. Maski siya naguguluhan.

"O siya... siya... tama na 'yan. Baka nananaginip ka lang kasi kanina. Mabuti pa't uminom ka na muna ng gatas bago matulog. 'Wag mo na ring kalimutan magdasal kaya." Pagkabanggit ni Father Tonyo ng "gatas", pumasok agad si Nana Conrada sa kuwarto na may dalang isang baso nito at ibinigay iyon kay Minggay.

"Isa pa, umalis ka raw kanina sabi ni Nana. Sa'n ka ba nagpunta? Sa'n mo nga ba nakuha yang picture na 'yan?"

"Ummmm... Sa library. Sa library talaga ako galing kasi... Ummm... Yung kaklase ko noon nagpasama roon para mag-research sa assignment niya." Ininom ni Minggay ang gatas dahil hindi siya makatingin nang diretso kina Father Tonyo at Eman. Si Nana Conrada, lumabas agad pagka-abot ng gatas.

"Ah, gano'n ba? Sinong kaklase? Baka puwede mong imbitahan dito. Gusto namin siyang makilala," saad ni Father Tonyo.

"Ay, hindi na po, Father. Lumipat na po siya sa Maynila. Nandito lang po siya para bisitahin lang din Tita niya," palusot ni Minggay. Minsan namamangha na rin siya sa sarili dahil sa bilis niyang makapag-isip ng mga kasinungalingan.

"Sige... Sige.. tulog ka na. Itong litrato kukunin ko na ha at nang madagdag 'to sa mga remembrance ko kay Father Greg. Pahinga ka na d'yan. Patayin ko pa ba ang ilaw or hindi na?" Paalam ni Father Tonyo. Si Father Eman nauna nang umakyat sa taas.

"Iwan niyo na lang po muna," mahinang sagot ni Minggay.

"Okay. Good night,"

"Good night din po, Father." At pagkaraan lang ng limang minuto, mahimbing din siyang nakatulog.

Marahil sa sobrang pagod ni Minggay sa buong araw, ni hindi na nga niya naramdaman ang pagpasok muli ng lalaking naka-sutana at kulay pulang sapatos pagsapit ng alas dos 'y medya ng madaling araw. Naglalaway ito at takam na takam siyang pinagmamasdan habang nananaginip.

+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+

Maagang naglinis ng simbahan sina Minggay at Lila kinabukasan dahil araw ng Linggo at siguradong dagsa ang mga tao.

Nilampaso nila ang sahig at pinunasan ang altar at lahat ng istatwa ng mga santo roon. Pagkatapos, inalis din nila ang mga tunaw na kandila at lantang bulaklak. Tinuruan pa nga ni Lila si Minggay ng technique kung paano gagawin 'yon nang mas mabilis at natapos naman sila ng sakto sa oras.

"Una na ako. Maliligo pa ako. Alam mo naman matagal talaga ako maligo. Baka kagalitan na naman ako ni Nana Conrada," paalam ni Lila.

"Sige, ako na magbabalik nitong mga walis sa likod. Bilisan mo ha. Next pa ako sa'yo," habilin ni Minggay.

Paglabas ng simbahan bitbit ang mga kagamitang pang-linis, may narinig si Minggay sa kanyang likuran.

"Mamamalimos lang po, ineng. Pangkain namin ng mga bata," garalgal ang boses ng babae. Nakaupo siya sa hagdan. Nakatakip ng maruming tela ang ulo nito na parang isang belo. Ang damit nito ay gutay-gutay at nanlilimahid dahil sa natuyong grasa.

"Nanay, wala po akong pera. Pasensya na po. Kung gusto niyo po kukuha na lang ako ng tinapay sa loob para po sa inyo." Lumapit si Minggay sa pulubing ale. Parang kasing may naramdaman siyang pamilyar dito.

"Sige na, ineng. Kahit konting pangkain lang. Ito ipapakita ko sa'yo larawan ng mga anak ko para malaman mo na hindi ako nagsisinungaling." May kinuha siya sa bag at inabot iyon kay Minggay.

Nagsalubong ang kilay ni Minggay at dumagundong ang kabog ng kanyang dibdib. Hawak-hawak niya ang larawan nilang magkakapatid na kinunan pa sa plaza noong nakaraang taon.

"Pa'no mo nagawang tiisin kami?" Sabi ng pulubi sabay hila sa braso ni Minggay. Hinawakan siya nito nang mahigpit at saka tinanggal ang belong tumatabing sa kanyang mukha.

"Huwag mo nang isiping tumakas kung hindi pare-pareho tayong mapapahamak. Umupo ka sa tabi ko!" Utos na may kasamang pagbabanta sa kanya ni Mama Linda.

Ang Santo Sa Likod Ng Pinto Book 1 (COMPLETED)Where stories live. Discover now