Part 37 - Gising Na

511 22 1
                                    

Isang magaspang at mamasa-masang bagay ang dumila sa buong katawan ni Minggay mula sa kanyang ulo pababa sa kanyang mga paa. Hinihimod-himod na pala siya ng demonyong may tatlong ulo ng aso. Hindi siya makakilos dahil sa lapot at lagkit ng laway nito na ipinaligo sa kanya.

"Huwag!"

Isang panaginip.

Napabangon siya nang 'di oras. Una niyang nakita si Nana Conrada na nakaupo malapit sa may pinto. Hinahalo-halo nito ang isang mangkok ng mainit na sopas.

"Mukhang gising ka na nga," bati ng matanda sa kanya. "Nagluto ako ng sopas para magkalaman naman 'yang tiyan mo. Halos buong araw ka na kasing tulog."

Nasa loob sila ng kanyang silid. Sa labas ng bintana, kulay kahel na ang langit at kaunting minuto pa tuluyan na itong kakainin ng dilim.

"Si Serberus..." Nagsipagtayuan ang mga balahibo ni Minggay sa braso at batok pagkabanggit niya sa pangalan na iyon. Napangiwi siya nang isandal ang likod sa headboard ng higaan.

"Siya ba? Nasa taas. Sa ipinagbabawal na silid." Inilagay ni Nana Connrada ang sopas sa tray at dinala iyon kay Minggay. Hindi niya iyon kinuha dahil nananakit pa ang buo niyang katawan kaya't ipinatong na lang ito ng kasambahay sa kama katabi niya.

"Ipinagbabawal na silid? Pero... sunog na po 'yun, Nana. Nabuhusan ko po kasi ng gaas 'yun galing du'n sa mga lampara tapos kumalat pa nga ang apoy du'n. W-wala na ako masyadong maalala. Ang alam ko nasusunog na 'yung kuwarto tapos hindi na ako makahinga tapos nakatulog na po yata ako. Teka, si Father Eman! Ano pong nangyari sa kanya?"

"Patay na siya, Minggay," diretsong sabi sa kanya ng matanda. "Hindi ko alam kung ano ang nangyari sa inyo du'n pero nadatnan ko ang sunog na bangkay niya roon. Nasa sa'yo kung sasabihin mo sa 'kin ang totoo, pero hindi ko ugali ang mangialam sa mga gawain ng mga pari dito simula dati pa."

"Ibig niyo pong sabihin alam niyo na dati pa ang mga nangyayari dito sa Casa. Alam niyo na po ang tungkol du'n sa santo sa likod ng pinto sa taas?" May halong tampo ang tinuran ni Minggay.  Dumistansya siya agad kay Nana Conrada. Hindi lang likod niya ang sumakit kundi kasama na rin ang kanyang dibdib dahil sa kataksilang kanyang natuklasan. "Nana, p-papatayin mo rin ba ako para ialay kay Serberus?"

Nangilid na naman ang mga luha ni Minggay at nangatal ang mga ngipin sa sobrang panginginig dala ng labis-labis na galit. Naalala niya ang kahindik-hindik na tunay na anyo ng demonyo. Ang tatlong ulo ng aso na may matatalim at naninilaw na mga pangil. Ang mga mahahaba at matatalas nitong mga kuko na kayang humiwa ng bakal. Mga tengang tayong-tayo na kayang marining ang pinakamaliliit na galaw at ang mga matang hindi kumukurap at kayang makita sa malayo maski ang langgam na gumagapang sa kanyang balat.

Muling nagsisisigaw si Minggay kahit malat na ang kanyang lalamunan. Ngayong lang talaga lumulubog sa kanyang isip at kaluluwa ang kamatayan na muntik na niyang danasin. "Layuan mo ako, Nana. Ang sakit-sakit lang po na akala ko mabuti kang tao. Pare-pareho kayo. Sino pa? Ilan pa ang kaya niyong patayin para lang sa sinasamba ninyong halimaw! Sina Mary Beth at Lila, kayo rin ang pumatay! Alam na alam ko po, Nana. Sila ang nagligtas sa akin du'n sa itaas. Mas masahol pa kayo kay Serberus!"

Natameme saglit si Nana Conrada. Tama naman talaga kasi ang sinabi ni Minggay. Subalit humingi pa rin siya ng kapatawaran at pang-unawa sa trahedyang nangyari.

"Ano? Anong kapatawaran? Kayo ba naawa kina Mary Beth at Lila habang ginigilitan siya ni Father Tonyo o ni Father Eman sa leeg? Tinulungan niyo ba sila habang sinasaksak sila sa dibdib? Na-i-imagine ko pa lang po Nana 'yung hirap na pinagdaanan nila habang pinapatay, parang hinahalukay na ang sikmura ko."

"Wala na tayong magagawa sa mga bagay na 'yan, Minggay. Wala sa atin ang may kagustuhan n'yan, pero kailangan dahil nakasalalay sa mga pari ang kaligtasan ng santinakpan."

At doon na ikinuwento ni Nana Conrada ang lahat ng nalalaman niya tungkol kay Serberus at sa pintong nasa likod nito. Ipinagtapat niya na naroon ang lagusan ng impyerno at wala talagang nakaaalam kung paano ito nagsimula. Na kailangan itong bantayan ni Serberus dahil kung hindi, makakatakas ang lahat ng mga masasamang kaluluwa sa impyerno para maghasik ng lagim sa buong mundo. Na nag-anyong istatwang santo si Serberus upang itago ang sarili sa madla. Na dati ay sapat na dito ang kumain ng bangkay ng tao, pero noong simulang makatikim ito ng sariwang dugo, hinanap-hanap na niya ito at natatakot ang mga pari na kung hindi nila mapagbibigyan ang kanyang kagustuhan, baka iwanan ni Serberus ang lagusan at hayaan na lang niyang magunaw tayo. Na dahilan kung bakit sumula noon kailangan nang mag-alay ng bantay ng buhay na tao. Na sa bawat pag-aalay ay may katumbas itong gantimpala.

Hindi inaalis ni Minggay ang pagkakatitig sa matanda habang nagkukuwento ito. Wala pa rin siyang tiwala rito sa kabila ng lahat ng mga sinabi nito sa kanya. Pakiramdam nga ni Minggay na para bang gumaganap lang siya sa isang horror na pelikula at sila ang mga tauhan. Sa madaling salita, hindi siya makapaniwalang totoo ang lahat ng kanyang narinig.

"Halika, umakyat tayo sa taas. Silipin natin si Serberus," nakalahad ang kamay ng matanda. Hinihintay na abutin iyon ni Minggay.

"Ayoko po, Nana. Please po." Itinaas niya hanggang sa baba ang talukbong na kumot para magtago.

Idinantay ni Nana Conrada ang kulubot nitong mga kamay sa hita ni Minggay. Marahan niyang hinaplos-haplos ang takot na takot na dalaga. "Huwag kang mag-alala, nandito ako. Kakampi mo ako, Minggay. Hindi ako kaaway."

May kung ano sa boses ng matanda ang nagpakalma sa kalooban niya. Maliban na lang sa pinaglihiman siya nito, kung tutuusin ay wala naman talaga sa kanyang ginawang masama si Nana Conrada. Ito pa nga ang parang nagsilbing "lola" at nag-aruga sa kanila nila ni Mary Beth at Lila.

Kinalaunan, pumayag na din si Minggay at dahil sa nananakit pa ang likod at halatang naghihina, inakay ni Nana Conrada ang dalaga paakyat sa ipinagbabawal na silid. Bago pumasok doon, huminto muna sila sa magkatapat na pintuan ng mga katabing kuwarto ng dalawang pari. "Nasaan na sila Father Tonyo at Eman? Ano na po ang mga nangyari sa mga pulis?"

"Huwag mo na munang isipin ang mga 'yon. Kami na ni Manong Jerry mo ang nag-asikaso du'n." Hinawakan at saka pinihit na ng matanda ang doorknob. "Hinahanap ka na niya."

May takot pa rin sa puso ni Minggay. Pero hindi niya maunawaan kung bakit parang may nag-iiba sa kaloob-looban niya. Ang takot, dahan-dahang nang napapalitan ng tiwala. Tila may tinig na palakas nang palakas ang tumatawag sa kanya at hindi niya ito mahindian.

Nanibago si Minggay pagpasok sa ipinagbabawal na silid. Inasahan kasi niyang natupok na ng apoy ang kalahati nito. Pero ni isa, wala siyang makitang bakas ng sira o pagka-sunog dito. Ang mga kahoy na sahig at dingding, maayos at makintab pa rin. Ang mga lampara, nakakalat at nakasindi pa rin sa lapag. Mistulang mga bituin sa madalim at mainit na kuwarto.

"Ayan siya, Minggay. Ayan si Serberus," naka-nguso si Nana Conrada sa santong nakatungtong sa pedestal. Bumalik ito sa dati nitong anyo. Isang pari na nakasuot ng sutana at may kulay pulang mga sapatos. Sa pagkakataong iyon, iba na naman ang ayos nito. Nakatungo ito sa kanila at magkalapat ang kanyang mga kamay sa na para bang magsisimula na itong magdasal. Direktang nakatingin ang malamlam nitong mga mata kay Minggay.

Siya ba ang tinitingnan o si Nana Conrada? O baka silang dalawa.

Isang mahabang rosaryo na sumasayad hanggang sa paa ang nakapulupot sa baywang ng demonyong rebulto.

Awtomatikong napatago sa likod ng kasambahay si Minggay. Ginawa niyang kalasag si Nana kung sakaling gumalaw ulit ang istatwa. Hinila naman siya ng matanda at saka iprinisinta siya kay Saint Serberus. "Ito na po si Minggay."

"Nana, lumabas na po tayo, please," pakiusap ni Minggay. Hindi siya makatingin sa rebulto sa takot na bigla itong magsalita.

Hindi siya pinansin ng matanda at nagpatuloy ito sa kanyang sinasabi. "Inihaharap ko po sa inyo si Minggay. Ang bago po ninyong kanang-kamay."

Napalingon siya kay Nana Conrada. Isang malaking tandang pananong ang nakaguhit sa kanyang mukha. "Ano pong kanang-kamay?"

"Mapalad ka. Ikaw ang kanyang pinili." Nakangiti lang si Nana sa kanya sabay turo nito sa isang ginintuang kuwintas na may pendant na susi. Walang kamuwang-muwang si Minggay na kanina pa pala ito nakasabit sa kanyang leeg.













Ang Santo Sa Likod Ng Pinto Book 1 (COMPLETED)Where stories live. Discover now