Part 24 - Hardin

512 22 2
                                    

"Anong balak mo?" Bungad na tanong ni Father Eman kay Father Tonyo. Mataas na ang sikat ng araw pero patuloy pa rin sa pagtatanim ng mga gumamela si Father Tonyo sa hardin. Paborito niyang pampalipas-oras ang pag-aalaga at pagpaparami ng mga halamang namumulaklak. Nagtatanim din siya kapag nakararamdam ng stress o 'di naman kaya ay kalungkutan.

Tumigil si Father Tonyo sa pagbubungkal ng lupa. "Anong balak? Balak saan?"

"Balak "kanino" pala. Anong binabalak mo kay Minggay? Ba't nakita ko siyang bumababa galing sa taas? - sa second floor." Umupo si Father Eman sa bench at binigyan ng sulyap ang puno ng balayong sa kanyang kanan. Matutuwa siguro si Father Greg kapag nakita niyang hitik na hitik na sa maliliit na pink na mga bulaklak ang halamang itinanim nito lampas dalawang taon na ang nakararaan.

"Kay Minggay? Hindi ko alam ang sinasabi mo," dahilan ni Father Tonyo. "Galing siya sa taas dahil baka... ano... baka naglinis lang siya ng hagdan. Teka, ano bang gusto mong palabasin?" Napalakas na ang boses nito.

"Ssssssh! 'Wag ka ngang maingay d'yan. Katapat lang nitong garden 'yung kuwarto niya," saway ni Father Eman sa kausap. Sabay nilang tinignan ang bintana ng kuwarto ni Minggay. Bukas ang mga ito pero wala naman silang nakitang nakadungaw sa kanila rito.

Nagpatuloy si Father Tonyo sa mas mahinahon at mas mahinang boses, "So ano ba kasi ang gusto mong sabihin sa akin about her? About us?"

"Come on! Tayo-tayo na nga lang dito, pati tayo maglolokohan pa rin? Baka 'di mo alam, I've been noticing you lately. Nakikita ko kung pa'no mo siya tingnan. Kung pa'no mo siya pakitunguhan. Huwag mong sabihing may pagnanasa ka sa isang 14 year old na bata? If that's the case, then you are disgusting," tuya ni Father Eman.

"Anong pinagsasabi mo? Tinulungan ko lang ang bata. Nakita ko siyang umiiyak kanina. Ayaw niyang sabihin sa akin kung bakit and then I introduce her to... to Saint Serberus," pag-amin ni Father Tonyo. "Baka matulungan siya."

Napamulagat si Father Eman. "What the hell! Gano'n lang 'yun? Nakiusap ako sa'yo in the past, halos lumuhod at magmakaawa ako sa'yo na pagbigyan mo akong maka-hiling sa... sa... demon..." napigilan pa ni Father Eman ang sarili. "...I mean, sa santong iyon and you turn me down. Handa akong ibigay lahat ng dugo ko sa katawan mapagbigyan lang akong makagawa ng isang kahilingan sa kanya. And then nakita mo lang si Minggay na umiiyak for some unknown reason and you let her make a wish kay Saint Serberus? Iba nga naman nagagawa ng pagnanasa."

"Stop accusing me ng mga kababuyan, Father Eman," mariing saad ni Father Tonyo. "If I let you make a wish kay Saint Serberus, anong hihilingin mo? Buhayin niya ang asawa't anak mo na matagal ng patay? Never, Father Eman. Hinding-hindi na sila babalik."

"And how would you know? Ikaw ba ang may kapangyarihan? Ikaw ba si Saint Serberus?"

"I know dahil ako ang may hawak ng susi at hindi ikaw. And I'm here to tell you na ang rason kung bakit nawalan ka ng pamilya ay dahil iniwan mo sila. Let me repeat: iniwan mo sila at hinding-hindi na sila babalik sa'yo!" Halos umabot na sa tenga ang ngiti ni Father Tonyo. Alam niyang naitarak niya na parang palaso ang mga salitang kanyang binitawan sa puso ni Father Eman. Nakita niyang manlumo ito sa kanyang harapan. Mistulang gumuhong gusali.

Napakuyom ng kamao si Father Eman pagkakita ng nakakalokong ngiti sa kanya ni Father Tonyo. "Bawiin mo ang sinabi mo. Bawiin mo!"

"And why should I? Walang nagsabi sa akin na ikaw na pala ngayon ang mas nakatataas sa atin. I said what I said and walang kahit na sino ang puwedeng mag-utos sa akin na bawiin iyon," maaskad na tinignan ni Father Tonyo si Father Eman mula ulo hanggang paa. "You're pathetic."

"Bawiin mo sabi eh!" Naka-tiim bagang si Father Eman. Kung nakakasunog lang sana ang mga matatalim niyang mga titig dito, malamang matagal nang natusta si Father Tonyo.

"Ang pamilya mo ay matagal ng patay at mananatili silang patay magpakailanman. Let them go and let them rest and you will be hap..." Naputol ang pagsasalita ni Father Tonyo nang bigla siyang daluhungin ni Father Eman.

"Malibog kang pari ka! Ang dapat sa'yo mamatay!" Umimbabaw si Father Eman kay Tonyo. Gigil na gigil na pinagsusuntok at pinagkakalmot ng nauna ang isa pang pari. Gusto niyang dukutin ang mga mata nito at ipakain sa kanya. Hindi siya makapapayag na bastusin at lapastanganin ni Father Tonyo ang alaala ng kanyang pamilya. Subalit ang lahat ng atake niya ay nawalan ng bisa. Ang karamihan kasi sa mga ito ay hindi tumatama at walang puwersang kasama. Paano ba naman kasi naglasing siya buong magdamag noong nagdaang gabi kaya't medyo hilo at inaantok pa siya.

At doon nakahanap ng pagkakataon si Father Tonyo. Sinalag niya ang huling suntok ni Father Eman at siya naman ang nagpakawala ng isang malakas na sipa sa tiyan. Kumunekta ito at namilipit ang kalaban sa sobrang sakit. Isinuka pa nga nito ang lahat ng kinain niyang pulutan. "Huwag mo na akong sasaktan ulit. Mas malala pa d'yan ang aabutin mo sa 'kin."

Pagod na pagod si Father Eman at gayon din naman si Father Tonyo sa salpukan nila. Napahiga silang dalawa sa lupa at ginawa nilang kama ang mga lantang dahon at nabaling sanga galing sa mga nakapaligid na halaman.

Umiiyak si Father Eman at hindi niya matukoy kung bakit o kung saan ito nanggagaling. "Ano bang nangyari sa atin, Father Tonyo? Bakit tayo umabot sa ganitong sitwasyon? Ang gusto ko lang naman ay magsimula muli at makalimot. Pero mukhang pati 'yon ipagdadamot pa sa 'kin ng Diyos."

"Huwag mong sisihin ang Diyos. Hindi siya ang pumatay sa mag-ina mo.  Sisihin mo ang mga magnanakaw na nanloob sa kanila," sagot ni Father Tonyo na nananakit pa ang mga panga at pisngi dahil sa mga suntok na natanggap niya mula kay Father Eman.

"Pagod na akong mabuhay, Father Tonyo," may pagsukong sabi ni Father Eman. Nitong mga huling araw, hindi na rin kaya solusyunan ng alak ang sakit na kanyang pinapasan. "Ikaw ba Father Tonyo, hindi ka ba napapagod sa ginagawa mo?"

"Hindi," mabilis na sagot ni Father Tonyo sa kanya.

Dumating bigla si Nana Conrada. Naabutan niya ang dalawang pari na payapang nakabulagta sa lupa. "Kain na po kayo mga Father," aya sa kanila ng kasambahay. "Nakahanda na ang tanghalian." At pagkatapos, umalis ito na parang wala lang ang kanyang nakita. Na parang normal na lang ang mga ganoong eksena sa kanya.

"Mamaya na ulit tayo mag-away, Father Eman. Kumain na muna tayo. Nagugutom na ako." Bumangon si Father Tonyo at ini-unat niya ang kamay sa nakahigang kasamahan.

"Sige. Pero hindi pa tayo tapos, Father Tonyo." Inabot ni Eman ang kamay ni Tonyo at saka siya nito hinatak patayo.

Sabay silang nagpagpag muna ng sutana at tinungo ang kusina para kumain.











Ang Santo Sa Likod Ng Pinto Book 1 (COMPLETED)Where stories live. Discover now