Part 31 - Hagdan

482 21 1
                                    

"Tama na! Tama na, Papa! Hindi na po ako uulit" Nakaluhod na si inspector Fuentes. May hinahawi ang mga kamay nito kahit wala namang humahawak o dumadampi sa kanya. Nakikiusap siya at nagmamakaawa sa isang taong siya lang ang nakakita. "Sorry na po, Papa!"

"A-anong nangyayari sa'yo? Ate Rose! Ate Rose!" Nag-aalalang hinawakan ni Inspector Marasigan sa magkabilang balikat ang kasamahan at saka ito marahang niyugyog. "Ate Rose! Ate Rose! Huy!"

Humingi siya ng tulong sa mga pari. Maging sila ay gulat at nagtataka rin sa ikinikilos ni Inspector Fuentes. "Father, may tubig ba kayo d'yan? Pampakalma lang sa kanya."

Agad na inutusan ni Father Tonyo si Nana Conrada na kumuha ng isang baso nito sa kanyang mini-ref. Nagmamadaling bumalik ang kasambahay na bitbit hindi lang isang baso kundi ang buong pitsel ng tubig at saka iniabot ang mga iyon kay inspector Marasigan. "Heto Ate Rose, inom ka muna. Sige na."

"Tama na Papa. Tama na po, please." Tinabig ni Inspector Fuentes ang basong may lamang tubig. Sumambulat ito pagtama sa pader. Nabasa ang sahig at kumalat ang mga bubog ng baso kung saan-saan.

"Ate Rose, ako 'to - si Rod. Ano bang nangyayari sa'yo?" Nakaluhod na rin siya sa harapan ni Inspector Fuentes. Pinipilit niyang iharap ang mukha ni Inspector Fuentes papunta sa kanya. Nagbabakasakaling makikilala siya nito.

Ngunit mga sampal at kalmot lang ang inabot niya rito. "'Wag na wag mo akong hahawakan! Hindi mo na ako magagalaw. Malaki na ako. Kaya na kitang labanan! Hindi na ako ang batang kaya mong gahasain nang paulit-ulit tulad noon!"

"Ha? A-ano bang sinasabi mo? Anong gahasa?" Umusod pa palapit si Inspector Marasigan sa kasamahan. "Hindi kita maintindihan."

"Lumayo ka sabi eh!" At nagpakawala ng isang malakas na tadyak si Inspector Fuentes. Nasapul nito ang pinaka-sentrong dibdib ni Rod. Kumawala ang lahat ng hangin niya sa baga. Napasalampak siya sa sahig at pansamantala siyang nahirapan sa paghinga.

Napatulala lang sina Father Eman at Nana Conrada sa nangyayaring eksena sa kanilang harapan. Tila tinahi ang kanilang mga bibig at ipinako sila sa kanilang kinatatayuan. Hindi sila sigurado kung aawat ba o hahayaan na lang nila ang mga ito. Samantalang tahimik lang na pinagmamasdan ni Father Tonyo ang dalawang pulis. Ang mga labi niya, naka-arko sa isang matamis na ngiti. Hindi nito maitago ang saya sa mga nakikita.

"Sige ganyan nga. Magpatayan kayo," pabulong na sabi ni Father Tonyo, pero narinig iyon ni Father Eman.

"Anong sabi mo?" Napakunot ng noo si Father Eman sa kanya subalit hindi siya pinansin ni Father Tonyo.

Patuloy sa pagtangis si Inspector Fuentes. Nakaimbabaw na ito kay Inspector Marasigan. Pinagpapalo at pinagkakalmot niya si Rod at balak pang abutin ang mga mata nito. Nagmistula itong mabangis na tigreng nasukol. Sinasalag-salag lang ni Rod ang bawat pag-atake. "Hindi na akong batang kilala mo noon. Hindi mo na akong kayang saktan, Papa! Kaya na kitang labanan!"

"Anong Papa? Hindi ako ang Papa mo! Ate Rose, ano ba! Tumigil ka na! Nababaliw ka na ba?" Iritableng sabi ni Rod. Itinulak niya nang malakas ang umaatake. Dahil sa maliit na babae lang si Inspector Fuentes, para itong laruan na lumipad sa isang sulok.

At doon na nga nagsimulang magpatay-sindi na kagaya ng christmas lights ang mga lamparang nakalapag sa sahig. "Paanong?..."

Lalo pang nanlaki ang mga mata ni Inspector Marasigan nang makitang tila unti-unting gumagalaw ang ulo ng rebultong nakatayo sa gitna nilang lahat. Dahan-dahan itong yumuyuko para tingnan siya.

Hindi siya makapaniwala sa kanyang nakikita. Kumurap-kurap pa siya para siguraduhing hindi iyon isang ilusyon lang. Na hindi ito isang bangungot. Napaatras pa siya nang nginitian siya ng istatwa. "Ang rebulto gumagalaw!" Sigaw niya sa iba pang naroon subalit tiningnan lang siya ng mga ito na para bang siya pa ang nawawala sa katinuan.

"Lumayo ka sa akin! Tigilan mo na ako!" Umiiyak na sigaw ni Inspector Fuentes at saka ito tumakbo palabas ng silid. Napukaw naman nito ang atensyon ng kasamahang pulis at sinundan siya nito.

Naabutan siya ni Inspector Rod Marasigan sa baba ng hagdan. Hinatak niya ito sa braso. "Wait lang!"

"Bitawan mo sabi ako. Ano ba!" Kumawala si Inspector Rosemarie Fuentes at binunot ang kanyang baril sa holster. "Sige, kumilos ka!"

Huminto si Inspector Marasigan. Awtomatikong itinaas niya ang mga kamay. Tanda na hindi siya manlalaban. "Ate Rosie, ano ba? Ako 'to, Rod Marasigan. 'Yung kasamahan mo sa trabaho. Ibaba mo na 'yang baril at baka makalabit mo pa 'yan."

"Binaboy mo ako. Ang tagal kong hindi sinabi kay Mama lahat ng mga kawalang-hiyaang ginawa mo sa 'kin. Tiniis ko lahat 'yon." Panay ang agos ng luha sa mga mata ng babaeng pulis at humalo ito sa kanyang uhog.

"Ano bang pinagsasabi mo!" sagot sa kanya ni Rod. "Ilapag mo na 'yan."

Sa puntong iyon wala na si Minggay sa kanyang pinagtataguan. Nadatnan siya ng mga pulis na nakatayo sa pasilyo papunta sa kusina. Tulad ni Inspector Marasigan, hindi rin nakakilos si Minggay nang makita niyang nakatutok ang baril ni Inspector Fuentes sa kasamahan. Napatakip siya ng bibig sa sobrang takot.

"Ibaba mo 'yang baril, please," pakiusap ni Father Eman na biglang lumitaw mula sa tuktok ng hagdan. Iniwanan nito sina Father Tonyo at Nana Conrada sa silid kasama ang santo.

Pero parang hindi sila naririnig ni Inspector Fuentes. Sa halip, nilingon nito si Minggay at nag-iwan siya ng maikling salita sa dalaga. "Sana hindi mo na lang ako dinala dito. Sana hindi ko na lang ulit nakita si Papa."

At ipinutok niya ang baril. Kumalat ang amoy ng pulbura sa hangin. Natumba si Inspector Rod Marasigan. Naka-imprenta sa mga dilat na mga mata nito ang pagkagulat bago ito bumagsak sa makintab na sahig ng Casa Del Los Benditos. Tila ba hindi makapaniwalang binaril siya ng kaibigan.

"Pero naisihan ko siya," natawa si Inspector Fuentes sa sinabi habang nakamasid sa wala ng buhay na katawan ni Rod. "Dahil hinding-hindi na niya ako masasaktan."

Ipinasok ni Fuentes ang dulo ng baril sa kanyang bibig. Tumingala siya sa kisame at saka niya kinalabit ang gatilyo. Napatalon sina Father Eman at Minggay sa lakas ng putok nito.

Nagtalsikan ang piraso ng mga bungo at utak ni Inspector Rosemarie Fuentes sa iba't-ibang parte ng bahay. Mayroong dumikit sa dingding, sa hagdan, sa sahig. Nabuwal siya na parang punong nilagare at humalo ang tumatagas niyang dugo sa dugo ni Inspector Marasigan.

Doon na nagsisisigaw si Minggay. Sigaw na halos ikapatid na ng mga litid niya sa leeg.

Sigaw na magpapabulwak sa sikmura ng sinuman.











Ang Santo Sa Likod Ng Pinto Book 1 (COMPLETED)Where stories live. Discover now