Part 16 - Library

515 19 0
                                    

Sabado. Walang klase si Mr. Aragon at lahat bundat pa sa nagdaang piging. Pero naalala rin ni Minggay na ngayon ang kaarawan ni Caloy. Nami-miss na niya ang kapatid niya at wala siyang regalo dito kahit man lang kahit ano. Kahit birthday card. Gumawa siya kahapon ng isa pero binalewala lang ito ni Father Tonyo at ngayon, malungkot na nakapatong lang ito sa kanyang lamesa. Ni hindi man lang ito nabasa ng pinagbigyan niya.

Kinuha niya ang card at binura ang pangalan na nakalagay doon. Tinabunan niya iyon ng tinta ng ballpen at ginuhutan na lang ng mga bulaklak at paro-paro para hindi mahalata. Tapos pinalitan niya ng Caloy ang pangalan ni Father Tonyo na nakasulat.

Naligo siya at nagbihis. Dahil sa hindi pa gising ang dalawang pari, nagpaalam na lang siya kay Nana Conrada na may bibisitahing kaibigan sa bayan.

Pero ang totoo, pupuntahan niya si Caloy para makita at maibigay ang card sa kanya. Hindi niya alam kung paano niya ito makakasama nang hindi sila nahuhuli ni Mama Linda, pero kailangan niyang subukan.

Nilakad niya mula simbahan papunta sa kanilang bahay. Wala rin kasi siyang pambayad sa pamasahe ng tricycle. Ingat na ingat siyang may makakita sa kanyang kakilala o kapitbahay sa daan kaya nagsuot siya ng hoodie jacket na ginamit niyang pantakip ng ulo kahit na tirik na tirik ang araw.

Nadaanan niya ang puno ng Banaba, ang paborito niyang puno, at kinamusta ito. Sa isip ni Minggay, binati naman siya nito pabalik sa pamamagitan ng pagpapahangin sa kanya ng mga bulaklak nito papunta sa kanya. Gumaan kahit papaano ang kanyang pakiramdam at saka siya nagpatuloy.

Hanggang sa narating na niya ang kanilang bahay. Ang lugar kung saan siya nagkamalay at lumaki. Doon lang siya nagtago sa katapat nitong poste dahil ayaw niyang makita siya ni Mama Linda.

Si Mama Linda na nakaupo sa labas ng bahay ng kapitbahay at kumakain ng tasty bread na may peanut butter at strawberry jam na palaman samantalang ang mga anak niya ay nakatunganga lang sa loob at gutom na gutom.

Natanaw ni Minggay si Caloy sa bukas na pinto. Payat na payat at ginagawang playground ang mukha at labi nito ng mga nagliliparang langaw. Awang-awa si Minggay. Kung puwede nga lang itakas niya ang kapatid at dalhin siya sa simbahan. Nanikip bigla ang dibdib ni Minggay at nabitawan niya ang birthday card na hawak-hawak. Nanakbo siya pabalik sa kaibigang puno ng Banaba at doon naglabas ng sama ng loob.

"Tangkad, tulungan mo naman sana mga kapatid ko. Bakit naman gano'n mga itsura nila, lalo na si Caloy?" iyak siya nang iyak. "Mga buto't balat na. Parang hindi sila inaalagaan ni Mama Linda."

"Ate..."

Napalingon si Minggay nang 'di oras. Kilalang-kilala niya ang boses na iyon ni Caloy. Sa kamay nito, ang nilipad na birthday card.

"Caloy!" Dinaluhong niya ng mahigpit na mahigpit na yakap ang kanilang bunso. "Happy birthday, bunso! Salamat Tangkad, dinala mo siya sa akin."

"Bakit ka naiyak?" Tanong ng kapatid sa kanyang ate. Alam ni Caloy na sa lugar na ito naglalagi madalas noon si Minggay kaya nang nawala siya, araw-araw na binibisita ni Caloy ang puno para tingnan kung naroon ang kanyang ate Minggay.

"Wala.. wala 'to. Masaya lang si ate," napahagulgol na naman siya. "Lab na lab ka ni ate. Kumain ka na ba?"

"Hindi pa," matamlay na sabi ni Caloy.

"Tara kain tayo," aya ni Minggay.

Nagpunta sila ng bakery. Balak niyang bilhan man lang ng makakain ang kapatid para sa kanyang kaarawan. Kaya lang wala rin siyang pera, pero dahil isa siyang magaling na kawatan noon, naisipan na niyang mangupit.

Inupo niya si Caloy sa bangketa at sinabihan itong maghintay roon. Pagkatapos, lumapit siya sa tinderang nakabantay.

"Ate, magkano po 'tong pan de coco?" Bungad ni Minggay.

"Piso isa," sagot ng tindera.

"Eh 'yun pong palaman na peanut butter sa likod niyo, magkano?" Nakanguso siya sa garapon nito na nakapatong sa istante sa likod.

"Alin? ito bang maliit o malaki? anang tindera.

Habang hindi nakatingin ang bantay, inilusot ni Minggay ang kamay sa gilid ng display rack kung saan nakabuyangyang sa lahat ang iba't ibang klase ng tindang tinapay. At dahil walang harang na salamin ang gilid nito, madaling nakabingwit si Minggay ng tatlong pan de coco. Agad niya itong ipinasok sa kanyang naka tuck-in na t-shirt.

"Ay hindi po pala, miss. 'Yung liver spread na lang po. Ayun po. Magkano po 'yan?" Tinuturo niya ito kunwari.

"Ah, anong brand? Ito bang Smiling liver spread or itong Sunshine liver spread?" Habang nakadukwang ang ale, dumukot pa ulit si Minggay sa display rack ng apat na ensaymada na nakalagay sa ilalim ng pan de coco. Isinilid niya ang mga iyon sa kanyang magkabilang bulsa.

"Ay ate, hindi na lang po ako bibili. Kulang po yata dala kong pera," paalam ni Minggay at saka ito dali-daling naglakad palayo. Dinaanan niya ang kapatid na nilalaro ang mga kiti-kiti sa kanal. "Caloy, tara na. Bilis!"

Pagdating sa may kalsada, naghanap siya ng plastic bag. Mabuti na lang at may naglalako ng mangga at doon siya nanghingi. Isinilid niya roon ang mga kinupit na tinapay at saka ibinigay ito kay Caloy. "Ito, pa-birthday ko na sa'yo ha. Bigyan mo rin mga kapatid mo roon. Hati-hati kayo, pero magbukod ka na agad ng dalawa para sa'yo. Huwag mong ipapakita kay Mama Linda 'yan ha. Huwag mo ring sasabihin sa kanya na nagkasama tayo, okay ba?"

Nakangiting tumango naman si Caloy.

"Saan mo next gusto pumunta?" Naglalakad-lakad silang dalawa sa gilid ng kalsada. Hindi alam ni Minggay kung saan dadalhin ang kapatid para ipasyal. Kung sa parke ba o sa plaza? Ang problema, hindi puwede roon. Kilala na sila sa mga lugar na 'yon dahil doon ang puwesto nilang magkakapatid kapag sila ay namamalimos.

May bombilyang biglang umilaw sa kanyang utak.

"Gusto mo ba punta tayong library?" Tanong ulit ni Minggay kay Caloy. Alam kasi niyang matalino at mahilig magbasa si Caloy kahit musmos pa lang. Hindi talaga alam ni Minggay kung sino ang nagturo sa kanya at kung saan ito natuto. Basta nagulat na lang silang lahat nang isang araw basahan sila nito ng dyaryo.

"Sige ate," sabik na sagot ni Caloy.

Nilakad nila ulit ang daan papuntang public library na matatagpuan sa likod ng barangay hall. Doon, libre ang pumasok at magbasa ang kahit na sino. Bawal nga lang mag-uwi ng libro.

Palukso-lukso pa si Caloy papasok sa pinto ng aklatan. Pagbukas, binati sila ng malaking litrato ng isang lalaki na nakasabit sa dingding.

Nakasuot ito ng krusipiho. Malamlam ang mga mata nito at matangos ang ilong na tila binudburan ng mga pekas. Ang mga buhok nito, may halo ng uban. Hindi ito nakangiti sa larawan, pero hindi rin naman ito mukhang masungit.

Kilala niya ang mukha ng lalaking nakasabit. Nakikita niya ito halos araw-araw sa meeting room sa tuwing maglilinis siya doon.

Mukha iyon ni Father Greg.











Ang Santo Sa Likod Ng Pinto Book 1 (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon