Part 21 - Platito

491 25 0
                                    

Tarantang pinihit ni Minggay ang doorknob pero hindi niya magawang buksan ang pinto dahil panay ang dulas ng kanyang mga kamay dala ng pawis. Napaka-init ng silid na tila ba may nag-iihaw ng barbecue sa harap niya.

"Minggay! Sandali lang. Anong problema?" Pagtataka ni Father Tonyo.

"Father, gusto ko na pong lumabas. Please po, Father. Parang awa niyo na po," pakiusap ni Minggay na gusto ng umiyak.

"Bakit? Alin? Dahil ba sa istatwa? Anong... Hindi kita maintindihan," sinusubukan ng pari na maging mahinahon. Ayaw na niyang dumagdag sa panic ni Minggay.

"Kamukha po niya 'yung pumapasok sa kuwarto namin ni Lila. Siya po 'yun. Ayan po. Tingnan niyo po 'yung sapatos. Katulad na katulad nu'ng nakita namin." Huminto muna si Minggay sa ginagawa at hinarap si Father Tonyo.

"Ano bang sinasabi mo? Alin? 'Eto ba?" Pinuntahan ng pari ang istatwa at kinatok-katok ang paa ng rebulto. Nagtunog kahon ito na walang laman sa loob. "Paano makakapasok or better yet, pa'no gagalaw 'to Minggay? Eh kahoy 'to. Ayan, tignan mo. Nililok lang sa kahoy 'tong si Saint Serberus. Wala naman 'tong buhay."

"Hindi. Siya po talaga 'yun, eh. Please po, Father. Gusto ko na lumabas. Pakiusap po." Alam ni Minggay sa sarili niya na kahit siya nagmumukha ng katawa-tawa sa mga pinagsasasabi niya. Paano nga naman gagalaw ang isang rebulto? Pero hindi rin siya puwedeng magkamali dahil sa sapatos. Kaparehong-kapareho iyon ng kung sinumang pangahas na pumupuslit sa kanila.

"Naku, halika nga ritong bata ka. Tara, tignan mo," nakalahad ang kamay ni Father Tonyo. Iniimbitahan siyang lumapit.

Wala naman siyang mapagpipilian. Hindi naman din siya makalabas din ng silid. Dagdag pa ang nakangiting mukha ni Father Tonyo na walang bakas ng ni katiting na pawis sa kabila ng mala-oven sa init na paligid. Tiwala siya sa pari. Huminga nang malalim si Minggay at sinunod ang paanyaya sa kanya. "Ayan. Ganyan nga. Halika, hawakan mo nga 'to."

Hinawakan ni Father ang kanang kamay ni Minggay at iginiya ito sa santo. "Hawakan mo tapos sabihin mo ulit sa akin lahat ng mga sinabi mo kanina. Sabihin mo kung siya nga talaga ang tinutukoy mo. Sabihin mo kung gumagalaw ba ang isang bagay na gawa sa kahoy."

Bagaman nag-aalangan na may kahalong takot, kinapa-kapa ni Minggay palibot ang istatwa mula sa sapatos nito hanggang sa may bandang hita.

Kahoy nga.

Katulad lang din ng mga santong naka-display sa simbahan. Inukit na kahoy para mag-anyong paring santo. Kinatok-katok din ito ni Minggay gaya ng ginawa ni Father Tonyo.

"Oh, ano? Naniniwala ka na?" Natatawang sabi sa kanya ni Father Tonyo.

Hindi makatingin nang diretso si Minggay. Napahiya siya sa ginawa. "Pero bakit nandito siya sa taas? Bakit wala po siya roon sa simbahan mismo?"

"E, kasi nga sobra naming iniingatan 'yang santong 'yan. Kasing tanda ng santo itong simbahan - ibig sabihin mga seventeen hundreds pa ang istatwa. Panahon pa ng Kastila. Mas matanda lang siguro nang kaunti 'yung istatwa ng Nazareno sa Quiapo. Antigo na 'yan kaya madaling ma-damage. Kaya kami dito sa simbahan, hindi namin 'yan nilalabas at baka pag-interesan pa ng iba," pabirong napakindat si Father kay Minggay. Hindi tuloy niya alam kung binibiro o pinaparinggan siya ng pari.

Napatingala si Minggay sa santo. Naroon pa rin talaga ang pakiramdam ni Minggay na anumang sandali ay yuyuko ito at titingnan din siya. Isa pa, hindi naman mukhang antigo ang santo. Mas mukha pa ngang luma 'yung mga nakalantad sa simbahan. "Eh, ano po 'yung sinasabi niyo  kanina na espesyal sa kanya?"

"Mapaghimala 'yan si Saint Serberus," mabilis na sagot ni Father Tonyo. "Halos lahat nga ng dinasal ko d'yan, binigay niya sa akin. Nakikita mo 'tong mga singsing, pulseras, at relo ko? Sa kanya lahat 'yan nanggaling. Pati na 'yung mga sasakyan ko - 'yung BMW, ipinagdasal ko 'yun sa kanya. Ngayon, nagagamit ko na."

"Talaga po ba?"

"Oo naman. Ipagkakaloob niya lahat ng naisin mo basta taimtim mo lang na hihilingin sa kanya. At s'yempre dapat mag-aalay ka," paliwanag sa kanya. Dumukot si Father Tonyo ng panyo sa bulsa at saka iyon idinampi-dampi sa namamawis niyang noo.

"Alay? Anong klaseng alay? Pagkain po ba? 'Yung katulad ng ginagawa ng mga intsik. May dati po akong kakilala na intsik na mahilig mag-alay ng prutas at biko doon sa mga diyos nila. Tapos nagsisindi rin sila ng insenso. 'Yung kulay pula na parang walis tingting na mabango kapag sinindihan." Si Ming, 'yung dating kapitbahay nilang Intsik noon na mahilig mag-abot sa kanila ng siopao at hopia ang tinutukoy ni Minggay. Kaya lang lumipat na ito sa Divisoria.

"Oo, alam ko 'yang sinasabi mo, pero hindi 'yang ganyang klase ng alay ang tinutukoy ko."

Napakunot noo si Minggay. "Eh anong klaseng alay po pala?"

"Dugo," tipid na sagot ni Father Tonyo.

"Anong klaseng dugo po ba? Dugo ng manok o dugo ng baboy... Baka?... Kambing?" Ngayon lang nakarinig si Minggay ng santong inaalayan ng dugo.

Diretsong tiningnan ni Father Tonyo si Minggay sa mga mata. "Wala sa mga binanggit mo. Ang gusto ni Saint Serberus ay dugo ng tao."

Hindi naging komportable si Minggay sa tinuran ng kasama. "Father naman. 'Wag naman po kayong magbibiro nang ganyan."

Nagpahid ulit ng pawis si Father Tonyo bago ito nagpatuloy. "Seryoso ako. Gusto ni Saint Serberus ay dugo ng tao. Hindi naman kailangang marami. Kahit mga patak-patak lang, puwede na sa kanya 'yun. Tignan mo 'tong daliri ko, puro peklat na 'yan kasi d'yan ako kumukuha ng iaalay sa kanyang dugo," ibinulatlat ni Father ang kanyang mga kamay kay Minggay, likod at harap, para ipakita ang sinasabi niyang mga peklat. Pero binawi rin ito agad ulit ng pari kahit na hindi pa ito na-i-inspekyon ni Minggay nang maigi.

May dinampot ang pari sa paanan ng pedestal na tinutungtungan ni Saint Serberus. Isang blade at maliit na platito - 'yung ginagamit na lagayan ng sawsawan. "Gusto mong subukan? Gamit 'tong blade, hihiwa lang tayo nang maliit sa daliri mo at pagkatapos patutuluin lang natin dito sa platito. Konting dugo lang naman. 'Pag ginawa mo 'yun, sus! maniwala ka sa 'kin. Tutuparin ni Saint Serberus ang wish mo."

May suspetsa pa rin si Minggay. "Sino po nagturo sa inyo nang gano'n?"

Nag-isip-isip kunwari ang pari. "Alam mo ang totoo n'yan parang ginawa na lang nang mas nauna sa aking mga pari ang tradisyong 'yan. Pinasa-pasa lang tapos isang araw sinubukan ko kasi sabi ko wala namang mawawala sa akin eh. Ayun, epektib naman. Wala pa naman akong hiniling na 'di niya ibinigay. Kaya ano, tara! Subukan natin sa'yo."

Matamang tinitignan ni Minggay ang mukha ni Father Tonyo. Wala siyang mabakas na biro o pagkukunwari sa mga perpektong mata nito. Dama niya ang sinseridad ng kausap. "Sige po, Father."

"Akin na kamay mo," marahang utos nito kay Minggay.

At inabot ng dalaga ang kamay sa pari. Pinitas naman ni Father Tonyo ang hintuturo ni Minggay at sa isang mabilis na kumpas ng blade, sinugatan niya ito.

Napakagat labi si Minggay at mula sa kanyang hintuturo, dumaloy ang marami at napakapula niyang dugo papunta sa platito.














Ang Santo Sa Likod Ng Pinto Book 1 (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon