Part 28 - Pasilyo

499 23 2
                                    

"Minggay, are you listening?" Kinatok ni Mr. Aragon ang kanyang desk. Naputol ang kanyang pagmumuni-muni.

"Yes po. Sorry po, sir." Inayos niya ang pag-upo at sinubukang ayusin ang nagusot na uniporme. Nakapangalumbaba na siya simula pa lang ng klase habang panay ang sulyap niya sa bakanteng silya nila Mary Beth at Lila.

"Please try to concentrate better. I might give an exam tomorrow," paalala ni Mr. Aragon. Noong sinabi ni Minggay na wala na si Lila rito dalawang araw na ang nakalilipas, ni hindi man lang niya ito nakitaan ng kahit na katiting na reaksyon. Walang tanong, walang pagtataka, walang pag-aalala . Ni hindi man lang nga nito napansin na wala na si Lila kung hindi pa sa kanya binanggit iyon ni Minggay. O baka naman kasi sinabihan na rin siya ng mga pari.

Ewan.

"Opo sir. Ummmm, Sir, hindi po ba kayo nagtataka kung bakit parang isa-isa kaming nawawala rito? Hindi po ba kayo nag-aalala na baka isang araw mawala na rin ako - baka umuwi na ako sa pinanggalingan ko tapos wala na kayong trabaho kasi wala na po kayong tuturuan," kaswal lang ang tanong ni Minggay. Binasa niya nang tatlong beses ang librong hawak pero wala talagang pumapasok sa kanyang kokote. Ang isip niya nagpapabalik-balik sa headband ni Lila na nakatago sa ilalim ng kanyang kutson.

"Hindi naman ako nag-aalala na mawala ang kahit na sino sa inyo. Trabaho ko ang magturo at hindi ang bantayan ko. Hindi ko rin naman kayo kaano-ano.  And I'm sure na kahit na mawala pa kayong lahat, makakahanap at makakahanap din ang mga pari ng mga bagong aampunin," malamig na tugon ni Mr. Aragon. Ang mga mata nito blangko habang nagsasalita.

Nasaktan si Minggay sa sinabi ng guro, pero hindi na niya iyon pinahalata. Siguro nga tama ito na ang mga katulad nila ay mga bagay lang na puwedeng palitan.

+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+

Natapos ang klase nila ni Mr. Aragon bandang alas dos 'y medya ng hapon. "Sir, una na po ako. Bukas po ulit," paalam ni Minggay.

Mas maaga itong natapos ng trenta minutos sa nakagawian. Iniwan ni Minggay ang tutor na nakatulala gaya ng madalas na nangyayari sa tuwing malapit na magtapos ang klase. Mistula itong laruan na parang nawalan ng baterya. Basta na lang ito hihinto sa kung anumang ginagawa at tititig sa kawalan nang mahigit isang oras. At saka lang ito muling gagalaw kapag kinatok na siya ng isa sa mga pari. Nasanay na siya sa ganitong ugali ng kanyang maestro.

Tinago na muna ni Minggay ang mga gamit pang-eskwela sa aparador sa kanyang kuwarto at saka siya dumiretso sa likod-bahay para kunin naman ang mga gagamiting pang-linis. Medyo kumirot nang kaunti ang kanyang dibdib nang matanto niyang siya na lang pala talaga mag-isa ang magdadala ng mga dustpan, walis, mop, bunot, basahan, floor wax, balde ng tubig, at pang-tistis ng tunaw na kandila. Wala na ang kanyang bruhang alalay na madalas niyang kaharutan.

Napabuntong hininga si Minggay. "Sana dalawin niyo naman ako dito. Ang lungkot pala sa Casa. Ako lang 'yung bata," pabulong na hiling ni Minggay kina Lila at Mary Beth.

Inunang linisin ni Minggay ang altar. Pinunasan niya iyon ng basahan at pinasadahan na rin ng mop ang paligid nito. Isinunod niya ang sacristy at kinuha ang mga damit at slacks na pantalon na naiwang nakakalat sa sahig doon nila Father Tonyo at Eman para ipalaba kay Nana Conrada.

Si Nana Conrada.

Pumasok na naman sa isip ni Minggay ang imahe ng matanda noong gabing iyon habang pababa ito ng hagdan bitbit ang puting kumot kung saan nahulog ang headband ni Lila.

Umiling-iling si Minggay. Focus! Mamaya na ang isyu ng headband. Kailangan muna niyang tapusin ang ginagagawa kaya dumiretso siya sa pasilyo ng mga santo at isa-isa niyang pinagtatanggal ang mga lantang bulaklak na nakasabit sa mga ito at pinag-tutuklap ang mga kandilang natunaw sa paanan ng bawat pedestal.

Nahapo si Minggay. Dalawang oras din ang lumipas bago niya natapos linisin at ayusin ang mahigit tatlumpung santo na naka-guwardya sa pasilyo. Buti naman. Kailangan niyang pagurin ang sarili para makalimutan ang gumugulo sa kanyang kalooban.

Sunod na kinuha naman niya ang walis at floor wax. Plano niyang pakintabin nang husto ang sahig ng pasilyo hanggang sa puntong puwede nang manalamin dito ang mga parokyano. Hindi pa siya nakuntento, tatlong beses niyang pinasadahan ng bunot ang kahabaan nito. Bakat na ang isang malaking mapa ng pawis sa kanyang likod.

"Whew! Nakakapagod pala. Balik na kayo dito Mary Beth at Lila. Please." Huminto muna siya para huminga at magpatuyo ng pawis. Umupo muna siya sa isang tabi at pinagmasdan ang pinakintab niyang sahig. Nabilib siya sa sarili.

Pero kahit anong pagpapaka-pagod ang kanyang gawin, hindi pa rin niya mawaksi sa isip si Lila at ang biglaan nitong pag-alis.

At syempre ang headband.

May kumukutkot ng kanyang konsensya. May hindi tama sa mga nangyayari. Si Mary Beth, ang second floor, tapos ang biglaan at kakatwang ikinikilos ni Mr. Aragon at ngayon nga si Lila. Hindi pa kasali d'yan ang problema niya sa Mama Linda at mga kapatid niya.

Kung ganito kagulo lang din ang mangayayari, sana pala nananahimik na lang siya sa bahay nila at bumalik sa pagbebenta ng shahu. Sana natutuhan na lang niyang maging suwail sa magulang.

Nang matuyuan na ng pawis, naligo na si Minggay para tanggalin ang lagkit at dumi na kumapit sa kanyang katawan. Nagbihis siya ng maluwang na damit pagkatapos at saka siya humilata sa kama.

Doon niya naramdaman ang nakabibinging katahimikan ng buong Casa Del Los Benditos. Mga ganitong oras kasi, kakatukin na siya ni Lila para ayaing mag-merienda kahit magtatakip-silim na. Magpapasama ito sa bakery para bumili ng pianono.

"Lila, totoo bang umalis ka na? Ba't di ka man lang nagpaalam kasi." Nakatingin siya sa kisame. Ang headband ng kaibigan, dama niyang nakaumbok sa ilalim ng kanyang ulo.

Kinuha ni Minggay ang headband na nakatago sa kutson. Bakas ang natuyong pulang-pula na likido, lalo na sa may bandang laso. Hindi siya puwedeng magkamali. Dugo ito. Hindi ito floor wax tulad ng ipinipilit niyang idahilan noon sa panyo ni Mary Beth.

"Minggay, tulungan mo ako," isang napakalamyos na tinig, pero may halo itong hinagpis. Napabalikwas siya ng bangon at napalingon agad siya sa may pinto kung saan nanggagaling ang boses sa pag-aakalang naroon si Lila at nakangiti sa kanya. Boses niya iyon, siguradong-sigurado siya.

"Lila?" Pero wala si Lila. Guni-guni lang pala. Isang kathang isip na nilikha ng kanyang puso para punan ang kanyang pangungulila.

Hanggang sa hindi na niya matiis. May kutob siyang ayaw talaga mawala. Ayaw siyang iwan.

Kaya't bukas ng hapon, pupunta siya sa pulis para humingi ng tulong.












Ang Santo Sa Likod Ng Pinto Book 1 (COMPLETED)Where stories live. Discover now