[ 37 ]
Sherlyn's POV
Ilang araw ng nasa ICU si Nichole at si Paul naman ay kakalipat lang kahapon sa isang private room pero wala pa rin ni isa sa kanila ang nagkakamalay na. Sa bawat araw na hindi pa rin sila nagkakamalay, halos parang paunti-unti na rin akong namamatay sa takot at kaba.
"Sherlyn, hija. Mabuti pa umuwi ka muna. Ako muna magbabantay rito kay Paul."
"Okay lang po, Manang. Dito na lang po ako. Baka gumising po si Paul, gusto ko nandito lang ako."
"Tama si Manang Pilar, Sherlyn. Hindi ka pa umuuwi simula noong dumating tayo sa ospital. Tara na, ihahatid na kita."
"Ayos lang talaga ako dito, Kael."
"Huwag na matigas ang ulo. Sige ka, baka nga nandito ka paggising niyang best friend ko pero hindi ka naman niya makilala. Tingnan mo nga iyang mata mo, ang lalim na ng eyebags mo. Eh kahit nga ako baka hindi ka na makilala sa mga susunod pa na araw."
Ngumiti na lang ako.
Kahit paano rin naman kasi si Kael ang nagpapagaan ng atmosphere sa paligid dahil palagi niyang pilit na pinapangiti pa rin kaming lahat, kahit na sa gitna ng pare-pareho naming pag-aalala sa dalawa.
Sa huli ay napilit na rin ako ni Kael at siya na nga ang naghatid sa akin.
Nakarating kami sa tapat ng apartment ko. Napahinga ako nang malalim. Ito rin kasi ang isa sa dahilan kung bakit ayaw ko muna bumalik dito.
Naaalala ko na naman iyong nangyari noong gabing iyon dito mismo sa harap ng gate na ito.
Tumulo na naman ang mga luha ko. Inalalayan na lang ako ni Kael hanggang sa loob ng apartment ko.
"Sige na Kael, okay na talaga ako."
"Tsk. Wala naman akong sinabing hindi ka okay ahh?"
Natawa naman ako.
Oo nga naman. Hindi rin naman kasi siya nagsasalita simula noong bumaba kami sa sasakyan.
"Sige na matulog ka na. Kakapuyat mo sa ospital, kung anu-ano na sinasabi mo. Dito lang ako sa sala."
Pilit na nakangiting tumango naman ako.
"Salamat, Kael."
"Huwag ka mag-alala, sisingilin ko naman 'yung best friend ko paggising niya."
Kael's POV
Tumayo ako sa sofa at sinilip ko si Sherlyn sa loob ng kwarto niya. Napahinga ako nang malalim ng makita kong nakatulog na siya.
Sa totoo lang pinipilit ko lang rin na lakasan ang loob ko. Ayaw kong ipakitang natatakot din ako para kina Nichole at Paul ngayon.
Masakit na makitang parehong nasa delikadong kalagayan ang matalik na kaibigan mo pero sa tuwing nakikita ko si Sherlyn na pinapatatag ang sarili, sino ba naman ako para sumuko?
I know kung gaano mas mahirap ang situation ni Sherlyn.
Dahan-dahan akong lumabas when I heard my phone ringing.
"Yes, Tito?"
[How is she?]
"She's already sleeping."
I heard him sighed.
[Sige mabuti naman. Kael?]
"Yes, Tito?"
[Ikaw muna bahala sa kanya, huh. Hindi nila dapat nararanasan ito. She needs a friend now. She needs you.]
"Don't worry, Tito. I know the three of them. Malalampasan rin nila ito."
Sherlyn's POV
Nagising ako na masakit ang ulo.
Kinuha ko ang cellphone ko para tingnan ang oras. Ilang oras na rin pala akong nakatulog. Lumabas ako ng kwarto para hanapin kung nasaan si Kael.
Nasa sofa siya at nakatulog na rin.
Pumasok ako uli sa kwarto para kuhanan siya ng kumot at pagkatapos ay naligo na rin ako.
Pagkatapos ko magbihis at pagkalabas ko ng kwarto ay nadatnan ko na siyang nakaupo at hinihintay ako.
"Kanina ka pa gising?"
"Medyo. Naligo na rin ako tutal nandito na rin naman ako sa bahay."
Tumango naman siya.
"Since ready ka na naman, sa labas na tayo kumain at pagkatapos ay babalik na tayo uli sa ospital. Is that okay?"
Ngumiti naman ako.
Pagkatapos nga namin kumain ay bumalik na kami uli sa ospital. Dinaanan muna namin si Nichole na nasa ICU pa rin saka pumunta na ako sa kwarto ni Paul. Nagpaiwan na si Kael doon para magbantay.
"Manang, kamusta na po dito?"
"Kagagaling lang ng doctor dito kanina para tingnan siya."
"A-Ano daw pong sabi?"
Napahinga naman nang malalim si Manang Pilar na ikinakaba ko.
"Kahit daw sila hindi rin alam kung bakit hindi pa rin nagkakamalay si Paul."
Napaiyak ako at agad naman akong niyakap ni Manang Pilar.
"Hija, kausap-kausapin mo lang siya. Sigurado akong gigising din siya kapag narinig niyang kinakausap mo siya. Lakasan mo pa ang loob mo."
"M-Manang Pilar... natatakot po ako... hindi ba po wala na sina Tito at Tita... paano po kung kaya hindi pa rin siya gumigising kasi... kasi..."
Hindi ko na maituloy ang sinasabi ko dahil ayaw kong isipin iyon. Pilit naman akong pinapatahan ni Manang Pilar.
"Sherlyn, hindi mangyayari iyang iniisip mo. Sigurado akong mahal na mahal ka ng alaga ko at iyon dapat ang panghahawakan mo."
Tumango ako at umupo sa tabi ng higaan ni Paul. Iniwan muna kaming dalawa ni Manang Pilar.
Tiningnan ko siya.
"Uy, Paul naman... gumising ka na please. Pakiramdam ko kaunti na lang din, hindi ko na kakayanin. Ilang araw ka ng natutulog diyan. Naririnig mo naman ako, di ba? Mahal na mahal kita, Paul ehh. Kaya sige na, please... bumalik ka na sa akin."
Nagising ako nang maramdaman kong may tumatapik sa akin. Agad akong napabalikwas habang dala-dala ang pag-aakalang si Paul na ang gumigising sa akin.
Si Onel pala.
Gulat akong tumingin at tinatantya kung siya ba talaga ang nasa harap ko.
"Laki ng pinayat mo, Espren ahh."
Kahit nakangiti niyang sinabi iyon, kita ko ang labis na lungkot din sa mukha niya. Agad ko siyang niyakap. Sobrang namiss ko siya.
"Pa'no mo nalaman dito, Espren?"
"Alam ko na lahat ng nangyari, Esp." malungkot na sabi niya.
Hindi ko maiwasang mapakagat sa labi ko.
Guilty ako. Simula bata pa kami ay hindi kami nagsisikreto sa isa't isa ni Onel, pero ngayon ang dami kong hindi nasabi sa kanya.
"I'm so sorry, Esp" maluha-luha kong sabi sa kanya.
He just smiled and patted my head.
"Naiintindihan ko. Pero last na ito, huh. Huwag mong sarilinin lahat."
Niyakap ko siya nang mahigpit.
"Siyanga pala Esp, kasama ko rin sina Mamang at Papang ngayon dito."
Biglang lumaki ang mga mata ko sa narinig ko. Dala rin ng pagkagulat dahil hindi ko ineexpect na nandito rin pala sila. Sabay din sa pagpasok sa isip ko ang sinabi ni Papa na matatalik na magkakaibigan pala sila.
Hindi ko ito napaghandaan.
"K-Kasama? Nasaan na sila?"
"Kausap ang Papa mo, Espren."