Class Picture Series 5 - Find...

By JasmineEsperanzaPHR

4.4K 82 1

Kasabay ng pagbabakasyon ni Elisa, sinubukan din niyang puntahan ang lugar na ayon sa journal ng kanyang lolo... More

Finding Treasure... Finding Love - Part 1
Finding Treasure... Finding Love - Part 2
Finding Treasure... Finding Love - Part 3
Finding Treasure... Finding Love - Part 4
Finding Treasure... Finding Love - Part 5
Finding Treasure... Finding Love - Part 6
Finding Treasure... Finding Love - Part 7
Finding Treasure... Finding Love - Part 8
Finding Treasure... Finding Love - Part 9
Finding Treasure... Finding Love - Part 10
Finding Treasure... Finding Love - Part 11
Finding Treasure... Finding Love - Part 12
Finding Treasure... Finding Love - Part 14
Finding Treasure... Finding Love - Part 15
Finding Treasure... Finding Love - Part 16
Finding Treasure... Finding Love - Part 17
Finding Treasure... Finding Love - Part 18

Finding Treasure... Finding Love - Part 13

170 4 0
By JasmineEsperanzaPHR


MATAAS na ang sikat ng araw nang magising si Elisa kinabukasan. Hindi siya makapaniwala na mahimbing siyang nakatulog. Sanay siyang gumising nang maaga kahit na puyat nang nagdaang gabi. Pero hindi nagsisinungaling ang kanyang relo, alas-diyes na ng umaga.

Nahagip ng mga mata niya ang damit-pambabae at tuwalyang nakapatong sa mesita. Mayroon ding bagong toothbrush at underwear doon. Parang gusto niyang mapahiya pero mas hinahatak siya ng katawan na magpunta sa banyo. Kahapon pa nakadikit sa balat niya ang damit na pinawisan at napuno ng alikabok.

Hindi na gaanong makirot ang kanyang paa. Lumipas na rin ang pamamaga niyon. Narating niya ang banyo sa palapag na iyon nang bahagya na lang umiika. Sinauna ang banyo pero ang mahalaga ay malinis iyon at may tumutulong tubig mula sa gripo. Nang masimulan niyang maligo at maginhawahan ang katawan, pakiramdam niya ay ayaw na niyang lumabas doon. Halos isang oras siyang nagbabad sa banyo.

"Akala ko, nalunod ka na sa loob," nakangiting bati ni Art sa kanya. Nasa sala ito ng palapag na iyon, halatang hinihintay siya. "Malapit na ang tanghalian."

"Napasarap ang tulog ko," aniya.

"I can't blame you. Iba ang hangin dito. Para kang ipinaghehele kapag natutulog. Kumusta ang paa mo? Naitatapak mo na pala."

"Medyo makirot pa pero okay na rin. Ayoko lang puwersahin sa pagtapak kaya paika akong lumakad."

"Gusto mong buhatin uli kita papunta sa komedor?"

Mabilis siyang umiling. "Kaya ko na, Art."

Lumapit sa kanya ang binata. "Baka delikadong mapuwersa nang husto ang paa mo."

"Pero—"

Wala nang nagawa ang "pero" ni Elisa dahil pinangko na siya nito. Pagdating nila sa komedor ay nakahanda na ang pagkain—almusal at tanghalian.

"Take your choice," anito. "Nagluto ako ng almusal para sa dalawa kanina. Kaya lang, hindi naman kita magising dahil parang ang sarap ng tulog mo."

"Don't tell me, nakanganga pa ako?" biro niya.

Lumuwang ang ngiti nito. "Medyo."

"Hindi nga?" biglang na-conscious na tanong ni Elisa.

Natawa si Art. "No, I was just kidding. Kain na tayo. Mamasyal tayo sa paligid pagkatapos."

"Art, salamat nga pala dito sa damit. Saan mo kinuha ito?"

"Sumaglit ako sa Magno kanina, namalengke at bumili na rin niyan. Tinantiya ko na lang ang sukat mo."

"Magkano ito?"

"Babayaran mo? Huwag na. Sabihin na lang natin na bahagi iyan ng pagiging hospitable ko bilang host mo."

"Sobra-sobra na ito, Art. Pagkakain, puwede bang ihatid mo ako sa Magno? Babalik na ako sa Claveria."

Gumuhit ang pagtutol sa hitsura nito. "Aalis ka na?"

"Dapat lang, hindi ba? Kahit itinatanggi mo, alam kong nakakaabala ako sa iyo."

"Sinabi ko na sa iyong hindi, eh. Medyo makulit ka rin, 'no," nakangiting sabi ni Art pero agad ding sumeryoso. "Well, kung talagang gusto mo nang umalis, hindi kita pipigilan. Pero sa Claveria na kita ihahatid, sa resort na tinutuluyan mo."

"Malayo iyon at—"

"At nakakahiya na naman? Elsie, forget it, okay? We're friends now, aren't we?"

Friends. Hindi kaya puwedeng higit pa roon? Tuwing nagtatama ang kanilang mga mata, tuwing nababasa niya ang pagdurusa sa mga matang iyon ay may isang bahagi sa puso ni Elisa na parang gustong gamutin iyon. At hindi niya matukoy kung simpleng atraksiyon lang ba rito ang dahilan niyon.

"Ayaw mo yatang maging friends tayo, eh."

"Bakit naman hindi?" mabilis na sagot niya. "Of course, we're friends now."

*****

LAGPAS na ng tanghali nang makarating sina Elisa at Art sa Claveria. Ang receptionist na si Bernadette ang sumalubong kay Elisa. Nagulat pa ito nang makilala siya.

"Ma'am, kayo pala iyan. Siya ba ang sinasabi ninyong kaibigang hinanap ninyo sa San Luis?" tanong nito na bahagyang tiningala si Art.

"Oo," sagot na lang niya para hindi na magpaliwanag pa. "Ano ba ang masarap na hapunan?"

"Marami po. Kung ano ang gusto ninyo, iluluto namin."

"Okay. Medyo maaga pa naman. Mayamaya na lang nang kaunti." Bumaling siya kay Art. "Hindi ka naman busy ngayon, 'di ba?"

Umiling ito. "Bakit?"

"Dito ka na maghapunan. Ako naman ang magti-treat sa iyo para makabawi ako."

"Sa isang kondisyon," nakangiting sabi nito.

"What?"

"Mag-merienda muna tayo. Basta kasi nagmaneho ako, nagugutom agad ako, eh."

Natawa siya. "Iyon lang pala. Magpaluto na lang tayo ng short order. Masarap silang magluto dito, eh."

"Sinabi mo, eh."

Tinawag niya si Bernadette.

Naupo sila at hinintay ang order sa isang umbrella kiosk na nakaharap sa dagat. May mangilan-ngilang nagtatampisaw sa dagat. Pinanood nila ang mga iyon.

"Marunong ka bang lumangoy, Elsie?"

Nakangiting umiling siya. "Hopeless case ako pagdating sa paglangoy. Marami nang nagturo sa akin pero hindi ako natuto."

Parang hindi makapaniwala si Art. "Bakit nandito ka sa resort? Ano ang balak mong gawin dito kung hindi ka naman makakalusong sa dagat?"

"Sobra ka naman. Makakalusong naman ako kung sa makakalusong. Hindi nga lang ako pupunta sa malalim."

"Champion swimmer ako noong college. Gusto mo, turuan kita?"

"Baka masira ang pagiging champion mo sa akin. Isa pa, nagpapagaling pa ako ng paa, 'di ba? Baka makasama kung lulusong ako sa dagat."

"Sa ibang araw, puwede na siguro?"

"Siguro."

"Hanggang kailan ka pala rito?"

"Next week maybe. Depende kung makakatagal pa ako rito."

"Ano ba ang purpose ng bakasyon mo?"

Hindi agad nakasagot si Elisa. Aaminin ba niyang gusto niyang makalimutan si Miguel kaya siya naroroon?

"Sino si Miguel?" tanong nito nang hindi pa rin siya sumagot. "Iyon ang pangalang binanggit mo kahapon bago ka nawalan ng malay. Sino siya? Special someone?"

Umiling siya. "No. K-kaibigan ko lang siya. Co-teacher at kaklase ko noong high school. M-magkahawig kayo sa biglang tingin. Pero nang matitigan kita, hindi naman pala kayo masyadong magkamukha."

Tumango lang si Art. Hindi niya sigurado kung naniwala ito sa paliwanag niya. "Co-teacher. Meaning, teacher ka pala?"

Tumango siya. "Sa high school. Christmas break kaya naisip kong samantalahin na ang pagbabakasyon. Itinatanong mo kung ano ang purpose ng bakasyon ko, 'di ba? Nothing. Gusto ko lang maranasang lumayo nang mag-isa. Halos buong buhay ko, sa Sierra Carmela umikot. Good thing na pinayagan ako ng parents ko."

"Ilang araw na nga lang pala at Pasko na. Saan ka magpa-Pasko?"

"Wala akong plano. Siguro dito na lang din. Sayang naman ang mahabang biyahe papunta rito kung uuwi agad ako. Isa pa, nag-e-enjoy naman ako rito nang ganito lang. Pabasa-basa ng libro, nanonood sa mga naliligo sa dagat."

"Ako, pangalawang Pasko ko na sa villa. Last year, mag-isa ko lang pinalipas ang Pasko. This year, wala rin akong balak na bumalik sa Maynila. Naiintindihan naman ni Mama na mas gusto kong mag-isa, lalo at may okasyon."

"Wala ka bang trabaho?"

"May family business kami. Stable naman kaya nagagawa kong iwan nang ilang linggo o kahit isang buwan. Active pa rin naman si Mama sa business kaya tino-tolerate niya ang pagha-hibernate ko sa villa. Pero sinabi na rin niya sa akin na kapag nag-retire siya, kailangan ko nang tumutok sa negosyo. Of course, alam ko rin naman iyon."

Sandaling nahinto ang kuwentuhan nila nang isilbi sa kanila ang bagong lutong pansit bihon at malamig na soft drinks.

"I have an idea, Elsie. Kung okay lang sa iyo, susunduin kita rito bukas. Sinabi ko sa iyo kanina na ipapasyal kita sa villa. Hindi iyon natuloy kasi nga gusto mo nang bumalik dito. How about tomorrow?"

"Pero ihahatid mo rin ako dito sa hapon?"

"Kung gusto mo. Puwedeng doon ka rin mag-overnight."

"No. Gusto kong umuwi dito sa hapon."

"Shoot."

--- i t u t u l o y ---

If you want to buy this book, available ito sa Shopee shop : MicaMixOnlineDeals

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

Continue Reading

You'll Also Like

273K 6.8K 26
Territorio de los Hombres 5: Francisco de Cambre
13.7K 498 22
"Sabi ko sa sarili ko, hindi sapat na ibigay sa iyo ang tatlong tangkay ng rosas o kahit isang dosena pa. You deserve more. Maybe these flowers will...
64.9K 1.2K 11
A/N - Sequel ito ng A Taste Of Honey (Posted na dito ang nasabing kuwento kaya I suggest na basahin ninyo muna iyon bago ito.) Pagkatapos ng mabilisa...
142K 3.8K 13
Jaye had always thought no man was good enough for her. But she had always dreamed of proving herself wrong one day. Matapang siya, mahusay sa traba...