Finding Treasure... Finding Love - Part 11

169 3 0
                                    

BAGO sa paningin ni Elisa ang lugar na namulatan. Pabalikwas siyang bumangon pero agad ding napigil iyon ng pag-atake ng kirot sa kanyang paa. Nang tingnan niya ay may benda na iyon.

Pumikit siya nang mariin at inisip ang mga nangyari. At ganoon na lang ang paggaan ng loob niya nang maalala si Miguel. Mahirap mang maniwala pero nagpapasalamat siya na nagkita sila sa ilang na lugar na iyon.

Pero ano ang ginagawa ni Miguel sa San Luis? Wala siyang kilalang kamag-anak nito sa lugar na iyon. Ang alam niya, kagaya niya ay taal ding taga-Sierra Carmela ito.

Iginala ni Elisa ang tingin sa silid na kinaroroonan.

Malaki ang silid. Panay antigo ang mga muwebles na nakikita niya. Makaluma rin ang kurtina—ginantsilyo, katerno ng sapin sa mesita, aparador, at kubrekama. Malalapad ang kahoy na sahig at mababakas ang kasinupan ng may-ari. Makintab na makintab iyon na parang alaga sa floor wax.

Dahan-dahan siyang tumayo. Hindi niya kayang itapak nang mabuti ang isang paa pero nagawa niyang tawirin ang espasyo ng kama at tabi ng bintana. Nang dumungaw siya roon ay nakita niya ang isang malawak at masinop na bakuran. At ganoon na lang ang panlalaki ng kanyang mga mata nang mapatingin sa malaking gate na bakal.

Villa Samaniego.

Namangha man ay iginala pa ni Elisa ang tingin. Pagdungaw niya ay natuklasan niyang nasa ikalawang palapag siya ng bahay. Isang malaking bahay iyon na parang isang magarang bahay-Kastila.

Hindi niya alam kung ano ang dapat maramdaman ngayong naroon na siya sa villa. Pero ano ang kinalaman ni Miguel sa Villa Samaniego?

"Gising ka na pala,"sabi ng boses ng isang lalaki mula sa likuran niya.

Agad siyang lumingon. Nakahanda na ang kanyang ngiti pero napalitan iyon ng pagtataka. "Sino ka?" naratakot na tanong niya.

Ngumiti ang lalaki. "My name is Art," sabi nito na lumapit pa sa kanya. "Tinawag mo akong Miguel kanina nang hintuan kita sa sabana. I guess, may hawig ako sa isang taong kakilala mo."

Hindi agad nakakibo si Elisa. Napuno ng takot ang kanyang dibdib. Kung hindi ito si Miguel, isa itong estranghero. At nasa estrangherong lugar siya. Hindi malabong kapahamakan ang naghihintay sa kanya.

Sumulyap siya sa lalaki. Sa biglang tingin ay may hawig nga ito kay Miguel, pero habang tinititigan ay nakita niya ang pagkakaiba ng mga ito. Mas maputi ito at mas matangkad din nang ilang pulgada kay Miguel, kahit pa hindi nagkakalayo ang bulto ng katawan ng mga ito. Higit ding matikas ang tindig nito. Mas matangos ang ilong nito, mas malapad nang bahagya ang mga labi pero mamula-mula. Sa mga mata nito kahawig si Miguel, at doon na nagtatapos ang pagkakahawig ng mga ito. Sa minsan pa niyang pagtingin dito ay nakita niyang mas malago rin ang mga kilay nito, at mas makapal ang mga pilikmata.

"Hindi ko alam kung saan kita dadalhin kanina, Miss, kaya nagpasya na akong dito ka na lang muna." Bumaba ang tingin ni Art sa nakabenda niyang paa. "Huwag mo sanang masamain kung pinakialaman ko na iyang paa mo. Napansin kong namamaga nang buhatin kita. Ipahinga mo lang muna para mas madaling humupa ang pamamaga. Huwag mo munang puwersahing itapak."

"S-salamat," sabi ni Elisa.

"Wala iyon," nakangiting sabi ng lalaki. Hindi nakaligtas sa paningin niya ang mapuputing ngipin nito. "Nakapaghanda na ako ng hapunan. Sandali lang at iaakyat ko rito ang para sa iyo."

"Huwag na," maagap na sabi niya. "N-nakakahiya naman sa iyo. Saan ba ang komedor? Sa palagay ko, kaya ko namang pumunta roon."

Tinitigan si Elisa ni Art. Hindi niya alam kung dapat ba siyang mailang sa titig nito. Nakakailang pero malayo sa takot ang nasa dibdib niya nang mga sandaling iyon. Hindi niya kayang ipaliwanag at lalong hindi niya gustong maniwala sa ideyang pumasok sa kanyang isip. Pero kung aaminin niya ang totoo, sa palagay niya ay may atraksiyong nabubuo sa pagitan nila.

Class Picture Series 5 - Finding Treasure... Finding LoveHikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin