Finding Treasure... Finding Love - Part 4

186 2 0
                                    



PAGKATAPOS ng kanta ni January ay saka pa lang nakuha ni Elisa na batiin si Lyndon Toledano. Kanina pa niya natanaw na dumating ito. Nakasanayan na nila noon na kapag nasa paligid ito, siguradong naroon din si Princess Grace. Mag-high school sweethearts din ang mga ito at nabalitaan nilang nagpakasal noong college.

Pero nang mga sandaling iyon ay wala si Princess Grace. Nag-iisang dumating si Lyndon. Ayon sa mga naunang bumati rito, ang laki raw ng ipinagbago nito, parang naging suplado at parang ayaw na tinatanong ng tungkol kay Princess Grace.

Tinandaan iyon ni Elisa. Kaya nang lumapit siya ay kinumusta lang niya ito. Sumagot naman nang maayos ang lalaki.

"Okay lang. Mag-isa lang ako, eh. Masama kasi ang pakiramdam ni Princess. Gusto nga sana niyang sumama," sabi nito sa kaswal na tono.

"Oo nga. Minsan-minsan na nga lang tayong magkita-kita," aniya, natutuwa na hindi na niya kailangang magtanong pa tungkol sa asawa nito.

"Nanghihinayang nga rin siya na hindi makasama."

"Sabihin mo sa kanya na kinukumusta ko siya, ha?"

"Of course."

"Sige, doon na ako." Lumayo na siya dahil wala na siyang maisip na iba pang sasabihin. Isa pa, ang pakay lang naman niya ay batiin at kumustahin ito.

Pabalik na si Elisa sa mesa nila nina Bebeth nang pumailanlang ang isang tugtog na nagpaalala sa kanya ng isang importanteng nakaraan sa kanyang buhay. Memorable din iyon sa kanilang batch. Katunayan ang biglang pag-apaw ng mga pareha sa dance floor.

Bakante ang mesa nila nang makalapit siya roon. Nakita niya sina Bebeth at Kiko sa dance floor. Ang ibang naroroon ay mga mag-asawa. Ang iba naman, gusto lang sigurong sariwain ang nakaraan kaya nagsayaw na rin.

"First dance kita, Elsie."

Kay linaw pa ng pangungusap na iyon sa kanyang alaala. Pero natanawan niya si Miguel at ang asawa nito sa dance floor.

Ibinaling niya sa iba ang tingin. Masasaktan lang siya kapag tumingin siya kina Miguel. Mahigpit nitong kayakap ang asawa kaya mas masakit iyon sa kanya.

Umagaw sa makasaysayang kanta ng batch nila ang isang tili.

"Manganganak na ako!" malakas na daing ni Amor habang halos mabuwal sa pagsapo sa tiyan.

Parang tumigil ang pag-inog ng mundo at nabaling dito ang atensiyon ng lahat. Nang parang mahimasmasan si Joel ay mabilis nitong dinaluhan ang asawa. Maagap naman si Alejo sa pagsasabing ituloy pa rin nila ang party.

Ang lahat ay nag-alala sa biglang pagle-labor ni Amor pero mga ayaw ring mabitin sa reunion kaya nang dalhin ni Joel si Amor sa ospital, itinuloy na nga nila ang party. Sinamahan naman ni Lyndon si Joel patungo sa ospital.

"Elsie," tawag sa kanya ng boses ng isang babae.

Nagulat siya nang lumingon. "Lea?"

"Sino pa ba?" sabi nito. "Kanina pa kita tinitingnan, hindi mo ako pinapansin. Malalim yata ang iniisip mo."

"Hindi naman. Ikaw, kumusta ka na? Kanina ka pa ba?"

"Oo. Nakigrupo ako kina Rusty, saka nagkuwentuhan kami ni Bianca kaya ngayon lang ako nakalapit. Ikaw, kumusta na rin? Bakit hindi ka pa nag-aasawa?"

"Nag-asawa ka na ba?" ganting-tanong niya.

"Hindi."

"Bakit?"

"Ine-enjoy ko pa ang single life!" exaggerated na sagot nito.

"Puwes, ganoon din ang sagot ko."

Nagkatawanan sila.

Class Picture Series 5 - Finding Treasure... Finding LoveWhere stories live. Discover now