Finding Treasure... Finding Love - Part 9

165 4 0
                                    



MAHIGIT isang buwan na ako sa San Luis. Mahigit isang buwan na ring hindi sumusuko sa paghuhukay ang grupo ni Romualdo sa paghahanap ng kayamanan ni Señor Arturo. Sa pagitan ng pag-uusyuso ko kung may nakita na silang palatandaan ng kayamanan ay nakagawa na ako ng limang kuwento.

Bawat kuwento ko, kung tatanggapin ng magazine ay nagkakahalaga ng walumpung piso. Kung aaprubahan ang limang kuwento, samakatwid ay magkakaroon ako ng apat na raang piso. Malaking pera na rin subalit higit na malaking pera ang katumbas ng kayamanan.

Aaminin kong nagkakainteres na rin ako sa kayamanang iyon. Kung tama si Ingkong sa kanyang sinabi na ibinaon iyon ni Señor Arturo sa aklatan ng villa, hindi malayong matagpuan ko iyon.

Pero malaking palaisipan din sa akin kung bakit hanggang ngayon ay walang makita sina Romualdo gayong loob at labas ng villa ay hinukay na nila. Gumamit pa sila ng metal detector na siyang gamit daw ng mga treasure hunter para matukoy ang kinaroroonan ng ginto.

"Magpapakita ang kayamanan sa taong karapat-dapat," sabi sa akin ni Ingkong. Nahuli na naman niya akong malalim ang iniisip. At kabisado na ako ni Ingkong para matukoy niya kung ang laman ng isip ko ay ang paggawa ng kuwento o ang tungkol sa ginto.

"Hindi ba ako puwedeng maging karapat-dapat sa kayamanang iyon?" tanong ko kay Ingkong. Hindi ko na itinago sa kanya ang interes ko sa kayamanan.

"Matulog ka nang mahimbing, Bernardo. Kapag napanaginipan mo ang tungkol sa isang baul na tanso at ang kinalalagyan niyon, baka iyon ang palatandaan kung ikaw ang mapalad na mapagkakalooban ng kayamanan."

Hindi ko alam kung binibiro ako ni Ingkong pero nang gabing iyon ay maaga akong nahiga. Ang kayamanan pa rin ang laman ng aking isip nang ipikit ko ang aking mga mata.

Napanaginipan ko ang tansong baul!

Subalit bago ko nalaman kung kayamanan ba ang laman niyon at kung saan iyon nakatago ay naalimpungatan ako sa ingay ng alagang pusa ni Ingkong na nagbubungkal sa kaldero.

Hinabol ko ang panaginip ko. Gusto kong ituloy iyon subalit sa muling pagpikit ng aking mga mata ay mukha ni Ester ang nakita ko sa aking balintataw. Si Ester, ang aking pinakamamahal. Naiinip na raw siya sa aking pagbabalik.

Iba ang bigat sa aking dibdib nang ganap akong magising kinabukasan. Si Ester ang nasa isip ko. At bagaman lubha akong interesado sa kayamanan, parang may humahatak sa aking mga paa para balikan si Ester.

Nagpaalam ako kay Ingkong na babalik na sa Sierra Carmela subalit ipinahiwatig ko rin sa kanya na baka ako ay magbalik.

"Sa panaginip, Bernardo. Kung sa panaginip mo ay magpapakita sa iyo ang baul, ibig sabihin ay baka sa iyo nakalaan iyon. Pero kung hindi, huwag ka nang mag-aksaya ng pagod. Harapin mo na ang buhay mo. Maging maligaya nawa kayo ni Ester."

"Ayaw mo bang sumama sa akin, Ingkong? Hindi ka naman makakasikip sa amin kung doon ka titira."

Umiling siya. "Kontento na ako rito."

Nang umuwi ako sa Sierra Carmela, hindi naglaon ay nagpakasal kami ni Ester. Pinanindigan ko ang pagiging mabuting asawa. Nang magbunga ang aming pagsasama, lalo akong nagsikap. Bukod sa pagsulat ng mga kuwento ay nagbungkal din ako ng lupa. Subalit hindi nawawala sa aking isip ang tungkol sa kayamanan. Iniisip ko ang maganda at maginhawang buhay na maibibigay ko sa aking mag-ina kung makukuha ko iyon.

Bawat gabi ay hinihintay kong makita sa aking panaginip ang baul. Subalit sa mga nagdaang taon ay naging maramot iyon sa akin. Lumalaki na si Felix, ang aking anak. Matalino siya at nangangarap na maging doktor. Gusto kong maibigay sa kanya ang katuparan ng kanyang pangarap pero malaking gastos ang pag-aaral ng Medisina.

Gusto kong bumalik sa Sta. Praxedes. Gusto kong bumalik sa San Luis at bisitahin ang villa. Wala naman akong masamang interes sa kayamanang iyon. Gusto ko lang magamit iyon para maibigay ko ang pinakamagaling na edukasyon sa aking anak.

Sa pagpikit ko nang gabing iyon ay napanaginipan ko ang baul. Kakatwa, subalit malakas ang aking kutob na palatandaan iyon na mapapasaakin ang kayamanan. Dinadaanan ng tubig ang kinalalagyan ng baul. Isang bahagi sa villa na hindi gaanong pinapansin subalit kapag kailangan ay naaalala.

Wala sa aklatan ang baul.

*****

"WALA sa library pero nasa villa," sabi ni Elisa. Luminga siya sa paligid. Kung ilang minuto niyang inulit ang bahaging iyon na nakasulat sa journal ay ganoon din katagal na nakatalungko siya sa nakausling ugat. "Lolo Bernardo, totoo ba ito o kathang-isip mo lang?" tanong niya sa abuelo na ni hindi niya nagisnan.

Pero parang mas naging malalim ang kanyang curiosity ngayon. Totoo ang pagbanggit ng kanyang lolo sa pangarap ng daddy niya. Talagang nais ng daddy niya na maging doktor. Iyon nga lang, naging malabo ang posibilidad niyon, lalo at maagang namatay ang kanyang Lolo Bernardo. Iginapang lang ni Lola Ester ang pag-aaral ng kanyang daddy sa pamamagitan ng pagtitinda sa palengke. Ang pangarap ng daddy niya na pagdodoktor ay nauwi sa pagiging mekaniko. Maabilidad nga lang ito kaya umunlad ang itinayong talyer.

Muli niyang tinunghayan ang nakasulat sa journal.

****

AYAW maniwala ni Ester nang sabihin ko sa kanya ang tungkol sa kayamanan. Imposible raw ang sinasabi ko. Nagpaalam ako sa kanya na babalik sa Sta. Praxedes. Wala namang masama kung magbabaka-sakali ako. Kung matatagpuan ko ang kayamanan, uunlad ang buhay namin. Kung hindi, kakalimutan ko na iyon at ituturing ko na lang na magandang materyal para sa susunod kong kuwento.

Natulog kami ni Ester nang hindi nagkikibuan. Ayaw pa rin niyang pumayag na umalis ako subalit nakapagpasya na ako. Pupunta ako sa Sta. Praxedes.

Nang gabing iyon ay minsan ko pang napanaginipan ang tungkol sa baul. Higit na malinaw ang detalye ng kinalalagyan niyon. At hanggang sa magising ako ay matinding-matindi ang aking paniniwalang parang ipinagkakaloob na sa akin ang kayamanan.

Naghahanda na ako sa aking pag-alis kinabukasan. Walang kibo si Ester. Alam ko ang dahilan dahil tutol siya sa gagawin ko. Paalis na ako nang marinig ko ang sigaw ni Felix mula sa bakuran. Nang daluhan namin ay natuklasan naming nahulog siya sa puno ng bayabas. Itinakbo namin ang bata sa ospital at ipinagamot ang nalinsad na buto.

Hindi natuloy ang aking pagtungo sa Sta. Praxedes. Inasikaso ko ang aking anak subalit hindi nawala sa isip ko na sa unang pagkakataon na makikita ko ay pupunta ako roon.

Magaling na si Felix. Muli kong inungkat kay Ester ang tungkol sa balak kong pag-alis. At ganoon na lang ang luwag ng aking kalooban nang pumayag siya. Bukas na ang alis ko. Hindi ko mawari ang pakiramdam ko. Pero positibo akong sa pagbabalik ko ay mababago na ang buhay naming mag-anak...


--- i t u t u l o y ---

If you want to buy this book, available ito sa Shopee shop : MicaMixOnlineDeals

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

Class Picture Series 5 - Finding Treasure... Finding LoveWhere stories live. Discover now