Finding Treasure... Finding Love - Part 3

199 4 0
                                    


"HUMANDA ka, Elsie," pukaw ni Bebeth sa kanya. "Marami palang naka-line up na parlor games sina Joel. siguradong mapapasabak ka."

"Bakit, ako lang ba?" mabilis na sagot niya. Ayaw niyang mahalata nito na saglit siyang nawala sa sarili.

"Marami pa sigurong iba pero sigurado na hindi ako puwede. Buntis ako, 'no," anito.

"Excuse me," ani Miguel at tumayo. "Hahanapin ko lang si Misis. Mukhang napakuwento nang husto kay Amor. Madalas kasing magkita ang dalawang iyon sa San Esteban."

Gustong masaktan ni Elisa sa narinig. May lambing sa boses ang pagbanggit nito sa asawa. Pero ano ba ang magagawa niya? Ni magselos ay wala siyang karapatan.

"Halos taga-San Esteban na nga rin pala si Amor dahil nandoon ang supermarket nina Joel," komento ni Kiko.

"Ngayon ko pa lang makikilala ang asawa ni Miguel," sabi naman ni Bebeth.

"Pare-pareho tayo," sagot ni Elisa kahit ayaw sana niyang makisali sa usapan. Pakiramdam niya, kailangan niyang gawin iyon para hindi makahalata ang mga kaharap sa tunay niyang nararamdaman.

"May anak na ba sila? Noong isang taon pa sila nagpakasal, 'di ba?" tanong ni Bebeth.

"Nag-file sana ng paternity leave si Miguel kung meron na," sabi ni Kiko. "Saka puwede bang hindi niya ipagsabi iyon? Siyempre kapag first baby, kulang na lang ipagsigawan sa buong mundo."

"Ganoon ka ba sa first baby mo, Kiko?" tukso niya.

Natawa ito. "Medyo."

"May mga kaklase tayong dumating!" excited na sabi ni Bebeth nang makita ang grupong kasama ni Alejo.

"Sina Rusty iyan!" natutuwang sabi ni Kiko. Tumayo ito at sinalubong ang mga dumating.

"Remember them?" tanong ni Bebeth sa kanya.

"Of course," sagot ni Elisa. "Sila ang mga basagulero sa batch natin. Kumusta na kaya sila ngayon?"

"Sana naman hindi na mga basagulero."

*****

PINILI ni Elisa na huwag pumirmi sa iisang mesa. Nang dumating ang iba pang mga kaklase nila ay tumayo rin siya at nakihalubilo. Pero hindi nalingid sa kanya nang ipakilala ni Miguel sa iba nilang kaklase ang asawa nito na si Precy.

Maganda si Precy. Negosyante pala ito, may mga paupahang commercial spaces sa San Esteban bukod pa sa dealer ito ng mga phone cards at cell phone.

Hindi alam ni Elisa kung biased lang ang opinyon niya pero sa tingin niya, mukhang hindi nagmamahalan ang mag-asawa.

Gusto niyang matawa. Aaminin niyang nagngingitngit pa rin ang kalooban niya.

Sinubukang ibaling ni Elisa sa iba ang atensiyon dahil ayaw niyang masira ang kanyang gabi, lalong ayaw niyang mas masaktan pa kapag nakikitang proud na proud si Miguel sa pagpapakilala sa asawa.

Mas sumaya ang ambience nang dumating sina Joanna Marie at Lemuel kasama si January. Kahit dati nilang kaklase si Lemuel, nagmistulang fans ang iba nilang mga kaklase, nagpa-autograph pa rito ang iba.

Nang magsimula ang program, game ang lahat na sumali. Nang marinig niyang tinatawag ang pangalan niya ay mabilis siyang lumapit sa makeshift stage.

"Partner kayo ni Miguel," sabi ni Alejo na kasama ni Amor na nagho-host ng programa. "Mrs. Precy Ybañez, pahiram muna ng mister mo. Ipa-partner ko muna rito kay Elisa." Tumikhim ito. "Flashback muna tayo nang kaunti, classmates!" Nagtilian ang mga nanonood. "Ano ba ang ginagawa rito nina Amor at Joel? Kami ni Ting? Sina Joanna Marie at Lemuel? At sina Elsie at Miguel?"

Class Picture Series 5 - Finding Treasure... Finding LoveМесто, где живут истории. Откройте их для себя