Finding Treasure... Finding Love - Part 15

169 3 0
                                    

HINDI isang resort ang pinagdalhan ni Art kay Elisa. Ang dinatnan nila roon ay ilang maliliit na cottage na mesa lang ang laman, sapat para may paglagyan ng baon nilang pagkain. Ni wala ring sumalubong sa kanila. Solo nila ang beach.

"'Sabi ng nagturo sa akin nito, bahagi pa rin ito ng Pagudpud. Siguro, boundary ng Ilocos at Cagayan," ani Art. "Maganda, 'di ba?"

Tumango si Elisa. "Oo. Tahimik. Mabuti may mga cottages dito kahit walang tao."

"Kapag summer lang ito dinadayo. Siyempre, ang mga turista, ang hinahanap, eh, 'yong may kompletong facilities. Eh, ako naman, kaya ko natuklasan ito dahil tahimik na lugar ang hinahanap ko."

"No wonder," nakangiting sabi ni Elisa.

"Ano, ligo na tayo?" tanong nito.

"Saan ako magpapalit ng damit?"

"Magtiyaga ka na lang sa backseat ng pickup. O kung gusto mo, sa likod ng mga batuhan."

"Baka may ahas doon. Akin na ang susi, sa pickup na lang ako magbibihis."

Natatawang iniabot ni Art sa kanya ang susi ng sasakyan.

Mabilis siyang nakapagpalit ng damit. Wala naman siyang baong swimsuit. Shorts at de-tiranteng blouse ang ipinalit niya sa suot. Nang bumaba siya ng pickup ay nakatali pa sa baywang niya ang tuwalya.

"Pampaligo na ba iyan?" tukso ni Art.

"Conservative ako, eh," nakangising sagot niya.

"Paano kung mag-trunks ako? Hindi ka maiilang?"

Tinitigan ni Elisa ang binata. Sinadya pa niyang hagurin ng tingin ang buong katawan nito. "Kung bagay naman sa iyo, bakit ako maiilang?"

Tumango ito. "Now, what? Gusto mong kumain muna o lulusong na tayo?"

"Hindi ba, kakakain lang natin? Kung kakain na naman tayo, mahirap namang lumusong sa tubig nang mabigat ang tiyan."

"Okay, we'll eat later. Sandali at magpapalit lang ako ng damit."

Nagpunta si Art sa pickup. Parang nagbawas lang ito ng suot. Nang bumalik ay nakahubad-baro na. Pero hindi trunks ang nakita niyang suot nito kundi shorts.

Hindi niya alam kung manghihinayang o ano. Pero kahit shorts ang suot nito, nakita pa rin niya ang magandang porma ng katawan nito. Wala mang namumutok na mga muscles sa katawan ng binata, mababakas pa rin na puno at siksik ang mga kalamnan nito.

"Nahiya akong mag-trunks," nakangisi nitong sabi.

Nakangiting napailing si Elisa. "Ano, swimming lesson na?" aniya. "Handa ka na bang matuyuan ng dugo sa akin?"

"Handa ka na bang matutong lumangoy?"

Nagpunta na sila sa dagat. Nang maabot ng manipis na alon ang kanilang mga paa ay inabot nito ang kamay niya. "Doon tayo sa gawi pa roon. Hindi ka matututo kung dito tayo sa hanggang tuhod lang."

"Huwag naman sa malalim agad," sabi niya. "Lulunurin mo naman ako nang walang kalaban-laban."

Tumawa si Art. "Of course not! Bakit ko gagawin iyon? Special ka sa akin, Elsie."

Natigilan si Elisa. Kahit tumatawa ay parang seryoso ito sa binitawang mga salita. At hindi niya alam kung ano ang dapat maramdaman.

Huminto ito sa paghakbang at humarap sa kanya. "It's true, Elsie. You're special to me. Bihira akong makakilala ng tao na kagaya mo. Kahit hindi pa kita lubusang kilala, nararamdaman kong iba ka. At malaking bagay sa akin na makaramdam ako ng kakaibang gaan ng kalooban kapag ganitong kasama ka. I missed you last night. Mula nang mag-usap tayo noong isang gabi, mula noong ikuwento ko sa iyo ang mga kinikimkim ko, naging espesyal ka na sa akin. Kagabi, parang gusto kong magsisi na inihatid pa kita sa resort. Hinahanap ko agad ang presensiya mo sa villa."

Parang gustong magtitili ni Elisa sa tuwa dahil sa narinig. Pero ayaw niyang magpaapekto agad. Isang matamis na ngiti ang isinukli niya rito. "Ang sabihin mo, nanibago ka lang na may kasama ka sa villa. Siguro, kahit gusto mong magpakaermitanyo roon, naghahanap ka pa rin ng kasama. Ng makakausap."

"It's deeper than that, Elsie."

"Deeper?" Parang nagiging seryoso na si Art. At kung hindi niya lalabanan iyon ay maaapektuhan din siya. "Hindi kaya malunod na ako niyan? Alam mo namang hindi ako marunong lumangoy."

Tumiim ang mga bagang ng binata. Hindi niya alam kung napikon ito dahil parang lalong naging seryoso ang mukha nito.

Sa isang iglap ay bigla na lang siyang kinabig nito. At bago pa siya makapagsalita ay naglapat na ang mga labi nila.

Hindi sigurado si Elisa kung bakit hindi siya nakakilos—dahil ba sa gulat? O baka gusto na rin niyang ma-experience ang unang halik?

Parang buhay na buhay ang bawat himaymay ng laman niya nang mga sandaling iyon. Nakasisiguro siyang nagkakaisa ang buong sistema niya sa mga nangyayari. Buong puso siyang nagpaubaya. Nang udyukan ng mga labi ni Art na ibuka niya ang mga labi ay tumalima siya, ninamnam ang bawat pananaliksik nito sa loob ng kanyang bibig. Hinayaan niyang gapangan ng pinong kuryente ang bawat himaymay ng kanyang katawan habang lumalalim ang halik.

At nang parang hindi na niya makaya ang sensasyong lumulukob sa buong sistema niya ay iniyakap niya ang mga braso sa leeg ni Art.

Hindi alam ni Elisa kung gaano katagal ang halik na iyon, basta nang huminto sila, naghiwalay man ang kanilang mga labi ay nanatili namang magkahinang ang kanilang mga mata. Parang doon nila ipinararaan ang mga salitang hindi magawang bigkasin ng kanilang mga labi.

Hinaplos ni Art ang kanyang mukha habang masuyo pa ring nakatitig sa kanya. "I'm a wounded man inside, Elsie. Sa ngayon ay hindi ko magawang sabihin kung kaya ko nang magmahal uli. Pero hindi ko itatanggi na iba ang nararamdaman ko kapag kasama kita. I knew it the night I talked to you. I feel comfortable with you. Ang totoo, tinanong ko rin ang sarili ko. Na baka dahil nakatagpo lang ako ng kausap sa 'yo. Ayoko ring ipagkamali sa iba ang nararamdaman ko. Pero kapag nakikita kita, hindi ko mapigilan ang atraksiyong nararamdaman ko."

"Art, we hardly know each other," banayad na sabi ni Elisa.

"I know. Alam kong hindi rin natin dapat madaliin ang lahat. Pero gusto kong humiling, Elsie. Kahit man lang sa ilang araw na darating, puwede kayang sulitin natin ang bawat sandali? Gusto kitang makasama. And I promise you, wala akong gagawin na labag sa loob mo."

Kung pakiusap o pagmamakaawa ang nasa tono ni Art ay hindi sigurado ni Elisa. Ang alam lang niya ay tumango siya at pumayag sa sinasabi nito.

--- i t u t u l o y ---

If you want to buy this book, available ito sa Shopee shop : MicaMixOnlineDeals

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

Class Picture Series 5 - Finding Treasure... Finding LoveWhere stories live. Discover now