Finding Treasure... Finding Love - Part 5

171 2 0
                                    



NAKAHIGA na si Elisa pero mailap pa rin ang antok sa kanya. Kung tutuusin ay kanina pa siya dapat tulog dahil hindi siya sanay na mapuyat. Pero sa itinatakbo ng kanyang isip, mukhang aabutan siya ng pagsikat ng araw nang hindi nakukuhang umidlip man lang.

Hindi niya mabilang kung ilang beses na niyang kinastigo ang sarili. Alam niyang hindi na niya dapat pang mahalin si Miguel. May asawa na ito. Ilang ulit ba niya kailangang sabihin iyon sa sarili? Kulang na lang ay magmakaawa na siya sa sariling puso't isip para magising na sa kahibangang iyon.

Hindi rin maunawaan ni Elisa ang sarili. Sanay siyang nasa paligid lang si Miguel. Natuturuan na nga niya ang sarili na maging manhid kapag nasa malapit lang ito, pero sa pag-uwi niya, ang totoong damdamin pa rin niya para dito ang namamayani.

Kinakabahan siya. Para sa kanya, isang pagkakamali na nagkita sila sa reunion. Pero maiiwasan ba niya iyon? Magkaklase sila noong high school, natural lang na magkita sila sa reunion ng kanilang klase.

Hindi niya alam kung tamang ibunton niya ang sisi kay Bianca. Siguro ay walang magiging problema kung hindi nito inungkat ang isang kabanata ng buhay nila ni Miguel—ang pangyayari noong prom night nila. Isang matamis na alaala iyon para sa kanya.

Pero may palagay siyang dahil din doon ay magkakaroon siya ng problema. Kahit na sabihin pang panunukso lang ang ibinabato sa kanya, paano kung may ibang tao sa paligid na makabasa sa totoong nararamdaman niya? Ayaw niyang mangyari iyon.

Ipinikit ni Elisa nang mariin ang mga mata. Kailangan niyang makaisip ng paraan para manatiling lihim ang nararamdaman niya. Kailangang kumilos siya para matapos na rin ang kahibangan niya kay Miguel. Kahit saang anggulo tingnan, siya ang talo.

Kung babalikan niya ang nakaraan, maliban sa gabing iyon ay hindi na ito nagpakita ng espesyal na pagtingin sa kanya. Siya lang siguro ang masyadong nadala ng kung anumang mahikang taglay ng gabing iyon. Walang ibang ibig sabihin iyon para kay Miguel.

Talaga lang sigurong hibang siya. Sa nakalipas na mga taon, nang dahil sa gabing iyon ay nanatili siyang lihim na umiibig dito.

"Think of something, Elisa," aniya sa sarili. "Makabubuting kalimutan mo na si Miguel. For your own good."

*****

"ANONG oras ka na nakauwi, Elsie?" tanong ng mommy niya habang magkatulong sila sa paghahain ng almusal nang umagang iyon. Kahit puyat, awtomatiko pa ring dumidilat ang mga mata ni Elisa bago mag-alas-siyete ng umaga. "Hindi na kita nahintay. Nakatulog na ako bago mag-alas-dose."

"Mga three o'clock na siguro, 'My. Napasarap ang kuwentuhan sa reunion, eh. Muntik na nga kaming abutan doon ng pagsikat ng araw."

"Mabuti at nag-enjoy pala kayo. Marami bang dumating sa mga kaklase mo?"

"Marami rin. Masaya talaga, lalo at nandoon si Lemuel. Siya 'yong classmate namin na naging PBA player. Iba pala ang feeling kapag may kaklase kang celebrity."

"May asawa na iyon, 'di ba?" sabad ni Baby na pumuwesto na sa mesa para kumain. Hindi pa man sumasayad sa mesa ang plato ng hot dog ay umabot na ito ng isang piraso at mabilis isinubo.

"Yeah, si Joanna Marie, classmate din namin."

"Marami ka pang kaklaseng lalaki na walang asawa?"

Tinitigan niya ang kapatid. "At ano naman ang ibig mong sabihin sa tanong mong 'yan?"

"Alam mo na." Ngumisi ito. "Sino ang naghatid sa iyo nang umuwi ka?"

"Daig mo pa ang NBI kung magtanong. Si Miguel, bakit?"

"May-asawa na iyon, ah!"

"And so? Kasama niya ang asawa niya kagabi."

"Baby, tawagin mo na ang daddy ninyo. Sabihin mong ready na ang breakfast," utos ng kanilang ina. "Elsie, mabuti naman at kasama ni Miguel ang asawa niya. Alam mo naman dito sa atin, masyado pang makaluma ang mga tao. Malisyosa rin. Mahirap nang maging tampulan ka ng tsismis. Baka akalain nila na pumapatol ka sa may-asawa." Umiiling na pumalatak pa ito. "Eskandalo iyon, lalo at pareho pa mandin kayong teacher. Baka maging dahilan pa iyon para mawalan kayo ng trabaho nang wala sa oras."

Hindi nakakibo si Elisa. Natanaw niyang palapit na sa komedor ang ama at kapatid. "Kain na tayo," kaswal na sabi niya.

"Ano'ng pinagdidiskusyunan ninyong mag-ina?" tanong ng daddy niya.

"Wala," sagot ng kanyang ina. "Akala ko kasi, mag-isa si Miguel nang ihatid ang anak mo kagabi. Mabuti pala at kasama rin 'yong asawa sa reunion. Alam mo na, mahirap nang matsismis ang anak mo. Kadalagang tao'y iuugnay sa may-asawa."

"Kumain na nga lang tayo," ani Baby. "Wala namang problema, 'di ba? Teka, Ate, iyong tanong ko kanina, hindi mo pa sinasagot. Marami ka pang lalaking kaklase na walang asawa?"

"Meron pa namang iba. Siyempre, iyong iba, may mga asawa na."

"Wala bang na-attract sa iyo?"

Pinandilatan niya ang kapatid. "Um-attend ako ng reunion para makita ang mga dati kong kaklase at hindi para maging attraction sa iba."

"Pikon!" pang-aasar ni Baby. "Kaya hindi ka maligawan, ang sungit mo."

"Tama na iyan," saway ng kanilang ama. "Nasa harap kayo ng pagkain, nag-aaway kayo."

Ilang sandaling naghari ang katahimikan sa kanila.

"Oo nga pala, may sasabihin ako sa inyo," sabi niya nang makitang patapos na sa pagkain ang mga kasalo.

"Ano?" halos magkakasabay na tanong ng mga ito.

Lumunok si Elisa. Alam niyang mabibigla ang kanyang pamilya sa sasabihin niya. Pero nang magising siya kanina ay pumasok sa isip niya ang ideyang iyon.

"Balak kong magbakasyon," saad niya.

"Saan?" tanong ng mommy niya.

"Kailan?" tanong ni Baby.

"Sino ang kasama mo?" tanong naman ng kanyang ama.

Napangiti si Elisa. "Wala akong kasama, ako lang mag-isa. Kung kailan, balak ko sanang ngayon na. Tutal, Christmas break sa school at wala akong pasok. Hindi ko na kailangang mag-vacation leave. Kung saan... well, iniisip ko pa kung saan ako pupunta."

Kumunot agad ang noo ng kanyang ina, halatang hindi sang-ayon sa sinabi niya. "Bakit mo naman naisipan iyan, Elisa? Magpa-pasko, aalis ka?"

"Nothing. Naisip ko lang kasi, kompara sa iba kong kaklase na marami na ring narating, ako yata ay tumanda nang naririto pa rin sa Sierra Carmela. Gusto ko lang subukan na magbakasyong mag-isa. Gusto kong pumunta sa ibang lugar. Gusto kong patunayan sa sarili ko na kaya ko ring mag-isa kahit sa isang maikling bakasyon lang," katwiran niya. Nahiling niya na sana ay paniwalaan ng mga ito ang dahilan niya.

"Boring kapag mag-isa, Ate. Sama ako, tutal bakasyon ko rin," sabi ni Baby.

"Gusto ko ngang mapag-isa, eh," giit niya.

"Are you thinking of something like an adventure, Elsie?" banayad na tanong ng kanyang ama.

"I don't know, Dad. Siguro. Hindi ba, adventure na rin iyong mag-isang magbabakasyon?"

Tumangu-tango ito.

"Felix, huwag mong sabihing papayagan mo iyang anak mo?" tanong ng kanyang ina, mahihimigan ang pagtutol sa boses. "Babae 'yan. Paano kung mapahamak siya?"

"Mommy, twenty-seven na ako."

"Kahit na singkuwenta anyos ka pa," asik nito. "Delikadong mag-isa sa panahong ito, lalo at sa estrangherong lugar pa."

"Sonia, kaya nga sinabing adventure, eh. Natural, may kasaling risk," sabi naman ng kanyang ama.

Napangiti si Elisa. Malakas ang pakiramdam niyang kampi sa kanya ang ama.

"Hindi naman ako masyadong lalayo, Mommy, Daddy. Dito lang din sa bandang norte. Maybe, sa isang beach resort."

"Beach?" halatang kumokontrang sabi ni Baby. "Hindi ka nga marunong lumangoy, sa beach ka pa pupunta?"

"And so?"

"Let's talk about it later, Elsie," sabi ng kanilang ama.

--- i t u t u l o y ---

If you want to buy this book, available ito sa Shopee shop : MicaMixOnlineDeals

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

Class Picture Series 5 - Finding Treasure... Finding LoveWhere stories live. Discover now