Class Picture Series 5 - Find...

By JasmineEsperanzaPHR

4.4K 82 1

Kasabay ng pagbabakasyon ni Elisa, sinubukan din niyang puntahan ang lugar na ayon sa journal ng kanyang lolo... More

Finding Treasure... Finding Love - Part 1
Finding Treasure... Finding Love - Part 2
Finding Treasure... Finding Love - Part 3
Finding Treasure... Finding Love - Part 4
Finding Treasure... Finding Love - Part 5
Finding Treasure... Finding Love - Part 6
Finding Treasure... Finding Love - Part 7
Finding Treasure... Finding Love - Part 9
Finding Treasure... Finding Love - Part 10
Finding Treasure... Finding Love - Part 11
Finding Treasure... Finding Love - Part 12
Finding Treasure... Finding Love - Part 13
Finding Treasure... Finding Love - Part 14
Finding Treasure... Finding Love - Part 15
Finding Treasure... Finding Love - Part 16
Finding Treasure... Finding Love - Part 17
Finding Treasure... Finding Love - Part 18

Finding Treasure... Finding Love - Part 8

181 3 0
By JasmineEsperanzaPHR


HINIMAS ni Elisa ang kanyang batok at leeg. Nalibang siya sa pagbabasa. Nang tumanaw siya sa bintana ay nakita niyang mababa na ang araw. Ibinaba niya ang journal at itinapi ang sarong. Spaghetti-strapped ang blouse na suot niya at maikling shorts. Proteksiyon niya ang sarong para hindi masyadong ma-expose ang mga binti niya. At kung giginawin siya sa lamig ng hangin kapag gumabi na ay gagawin niyang balabal iyon. Pagkatapos itago ang journal ay kinuha ni Elisa ang wallet at isinukbit sa katawan ang mahabang strap niyon. Mamaya pa niya balak bumalik sa cottage. Pagkatapos niyang maglakad-lakad ay sa restaurant ng beach siya tutuloy. Doon na siya maghahapunan at magtatanung-tanong na rin tungkol sa Sta. Praxedes.

Aaminin niyang masyado na siyang na-hook sa istoryang binabasa. Kahit hindi pa rin niya inaalis ang posibilidad na kathang-isip lang iyon, wala naman sigurong masama kung ibigay niya ang isang araw ng kanyang bakasyon sa pagtungo sa lugar na binabanggit doon.

Hindi pa man siya tumutuntong sa buhangin ng Claveria ay nagbago na ang kanyang isip Pumihit siya at tinumbok ang daan papunta sa restaurant, tutal, hindi pa siya nagme-merienda, pagsasabayin na niya ang merienda at hapunan. Sasagap na rin siya ng impormasyon tungkol sa lugar na balak niyang puntahan bukas.

"Bukas?" aniya sa sarili at napailing.

Parang hindi siya makapaniwalang ganoon na siya kaagresibong tuklasin ang katotohanan sa nabasa. Parang nakalimutan na niya ang unang misyon—ang pagbabakasyon.

"At least, hindi naman kay Miguel bumabalik ang takbo ng utak ko," pagbibigay-konsolasyon niya sa sarili.

"Welcome to White Sand Beach Resort, Ma'am," bati sa kanya ng receptionist na sumalubong sa kanya sa restaurant.

"Hello!" nakangiting bati rin ni Elisa. "May pagkain na ba kayo for dinner? Pagsasabayin ko na ang merienda at hapunan," palakaibigang sabi niya.

"Yes, Ma'am." Sumunod ito sa mesang pinuntahan niya at iniabot sa kanya ang menu.

Mabilis niyang binasa ang mga nakasulat doon. Hindi na siya nagpatumpik-tumpik sa pagpili. Nang makita ang unang putahe na sa palagay niya ay masarap kainin, iyon ang in-order niya.

"Sinigang sa miso na maya-maya, plain rice, at saka ice-cold na Coke. Matagal ba iyang i-serve?"

"Fifteen minutes, Ma'am. Iluluto pa po kasi ang isda."

"Okay." Tinanaw niya ang babae sa pagpasa sa kitchen ng order niya. Nang pumihit ito pabalik sa puwesto kanina ay kinawayan niya ito. "May itatanong sana ako."

"Ano iyon, Ma'am?"

"Balak ko sanang pumunta sa Sta. Praxedes. May kaibigan ako roon, eh," pagdadahilan niya. "Paano ba pumunta sa San Luis?"

Parang nagulat ito. "San Luis po? May dala kayong sasakyan?"

Umiling siya. "Hindi ba puwedeng mag-commute papunta roon?"

"Madalang ho ang biyahe patungo roon. Dulo na kasi iyon at halos paakyat na sa bundok. Ang alam ko ay dalawang beses lang ang biyahe. Isa sa umaga at isa sa tanghali. Bihira naman kasi ang pasahero sa lugar na iyon."

"Anong oras ang biyahe sa umaga?"

"Alas-siyete ho. Pupunta kayo sa Centro ng Claveria, 'tapos sasakay kayo sa jeep papuntang Magno. Pagdating doon, saka kayo lilipat ng jeep papunta sa San Luis."

"May masasakyan ba ako mula rito patungo sa Centro bago mag-alas-siyete?"

"Magpahatid ho kayo sa tricycle."

Tumangu-tango siya. "Sige, salamat, ha?"

"You're welcome po."

Mayamaya ay isinilbi na rin sa kanya ang pagkain. "Mukhang masarap, ah," komento niya nang maamoy ang umuusok na sabaw. "Kain ka," alok pa niya sa babae. "Ano na nga ang pangalan mo, Miss?"

"Bernadette po."

"Walang masyadong tao ngayon dito sa resort?"

"Magpa-Pasko po kasi. Bihira po ang turista na inaabot ng Pasko rito."

"Baka magsolo pa pala ako rito, 'pag nagkataon," aniya.

"May mga staff naman po. Eh, Ma'am, kung desidido nga po pala kayo na pumunta sa San Luis, isa-suggest ko na lang ho na pagdating ninyo sa Magno, subukan ninyong umarkila ng tricycle. Kahit ho medyo mapapamahal kayo ng bayad, at least, sigurado naman ho kayo na may masasakyan kayo pauwi."

"Akala ko ba, mayroong biyahe sa tanghali?"

"'Sabi ho kasi ng kasamahan ko rito, depende rin daw ho iyon. Kapag daw ho umaga pa lang ay madalang na ang pasahero, tinatamad na ang driver na magtungo roon."

Sa kabila ng sinabi nito ay hindi nabawasan ang kagustuhan niyang makapunta roon. "Ganoon ba? Sige, salamat."

Ngumiti ito. "Enjoy your meal, Ma'am."


*****


"MARAMING mga Samaniego sa San Luis. Halos magkakamag-anak ang mga tao roon," sabi ng babaeng kasabay ni Elisa sa jeep. Papunta sa San Luis ang jeep na sinasakyan niya. Nagpasya siyang huwag nang umarkila ng tricycle dahil madalas naman daw ang biyahe sa lugar na iyon. Isa pa, makakatipid siya nang malaki kung jeep ang sasakyan niya. "Sino ba ang pakay mo roon?"

"Dati ko hong kaklase noong college," pagsisinungaling niya. "Nagbabakasyon ho kasi ako sa Claveria. Naisip kong malapit lang naman itong lugar niya kaya magbabaka-sakali na akong puntahan siya para kumustahin."

"Hindi malapit ang San Luis. Mahigit kalahating oras ang biyahe," sabi nito. "Sana ay huwag masayang ang pagod mo."

Ngumiti siya. "Sana nga ho."

Ibinaling ni Elisa sa labas ang tingin. Rough road ang malapad na kalsadang dinaraanan nila. Umaalon ang alikabok sa bawat bahagi ng lupa na daanan ng gulong. Wala pa silang sampung minutong nagbibiyahe. Parang sigurado na siya na pagbaba niya ng jeep ay para nang walis-tingting sa tigas ang kanyang buhok.

Madalang ang mga bahay na nadaraanan nila. Minsan ay halos isang kilometro ang sabana, minsan ay tatlong tumpok lang ng payak na bahay ang nakikita niya at ilang na uli. Nang pumara ang babaeng kausap kanina, napansin ni Elisa na parang sentro ng pamayanan ang hinintuan nila. Maraming mga bahay sa paligid, mayroong tindahang parang grocery sa laki, at talipapa. Halos maubos din ang sakay ng jeepney sa dami ng bumaba. Nang umandar uli ang jeepney, siya na lang ang pasahero sa likuran.

Ilang sandali lang at ang pasaherong nasa tabi ng driver ay bumaba na rin.

"Saan ka, Miss?" tanong ng driver sa kanya.

"Sa San Luis ho. Malayo pa ho ba iyon dito?"

"Tatlong baryo pa," parang masama ang loob na sagot ng driver. "Lugi na ako sa krudo," pabulong pang dagdag nito pero palagay niya ay nais ding iparinig iyon sa kanya.

"Magdadagdag na lang ho ako ng bayad," maagap na sabi niya para lang makarating sa pupuntahan.

"Saan ka ba pupunta roon?" tanong uli ng driver na nagliwanag ang mukha nang abutan niya ng singkuwenta pesos.

"Ano ho, sa mga Samaniego."

"Pulos mga Samaniego ang nakatira doon."

"Hindi naman ho siguro ako mahihirapang maghanap kung ganoon," positibong sagot niya.

"Kunsabagay, mga magkakamag-anak naman ang mga iyon. May tutuluyan ka ba roon? Bubuwelta na agad ako pagbaba mo. Ilang oras ka pang maghihintay bago ka makapara ng masasakyan pabalik sa Magno."

"Pero may sasakyan pa hong bibiyahe?"

"Basta may pasahero sa Magno na patungo sa San Luis, may masasakyan ka pabalik."

Nag-isip si Elisa. Malabo ang sagot na iyon. Tinimbang niya ang sarili kung tama nga bang magpatangay siya sa curiosity. Baka naman mapahamak pa siya. Mas mabuti yatang huwag na lang siyang tumuloy.

"Miss, iyan ang barangay hall ng San Luis. Diyan ka na lang mag-abang ng mapagtatanungan ng hinahanap mo," sabi ng driver. Inihinto na nito ang jeepney. "Bubuwelta na ako."

Hindi agad bumaba si Elisa. Bukas ang barangay hall pero wala siyang matanaw na tao. "Wala naman hong tao, eh," aniya.

"May bahay sa bandang likod niyan. Tumawag ka na lang para magtanong."

Bumaba na rin siya. Ang jeep naman ay mabilis nang nagmaniobra. Bago pa siya makalapit sa barangay hall ay nilampasan na siya ng jeep.

Napalunok si Elisa. Parang gusto na niyang matakot. Kabaliwan nga yata ang ginagawa niya. Naroon siya sa lugar na hindi niya kabisado. Ni hindi niya alam kung anong klaseng mga tao ang namumuhay roon.

Lumigid siya sa barangay hall. Isang simpleng bahay ang natanaw niyang nakatirik sa likuran niyon. Bukas ang mga bintana pero wala siyang nararamdamang anumang kaluskos sa loob.

"Tao po! Tao po!" malakas na tawag niya.

Ilang ulit pa siyang tumawag pero walang sumagot sa kanya. Nag-alangan na siyang lumapit pa. Nagpasya siyang maghanap na lang ng ibang mapagtatanungan.

Nilampasan ni Elisa ang barangay hall, nagbaka-sakaling may matatanaw na bahay o tindahan. Sinabi niya sa sarili na kapag wala pa siyang nakausap ay titigil na siya at mag-aabang na lang ng masasakyan pabalik sa Magno. Babalik na rin siya sa Claveria at kalilimutan na ang tungkol sa kuwento.

Saka lang niya na-realize na ilang oras pa pala niyang kailangang maghintay ng masasakyan.

Ayaw niyang pangunahan ng takot kaya kaswal lang siyang naglakad habang naghahanap ng puwedeng mapagtanungan. Mainit na ang sikat ng araw. Kung hindi sa makakapal na halaman sa magkabilang kalsada na parang tagiliran ng bundok ay malamang na tumigil na siya. Mayamaya ay may natanaw siyang bahay. Iyon nga lang, parang isang kilometro pa ang lalakarin niya bago marating iyon.

Huminto si Elisa at sandaling nagpahinga. Ipinagpasalamat niya na bumili siya ng mineral water kaninang nasa Magno siya. Maliit na bote lang iyon pero kahit paano ay makakaalis na iyon sa panunuyo ng kanyang lalamunan.

Nang makapagpahinga ay nagsimula uli siyang maglakad. Malapit nang mag-alas-diyes ayon sa relong suot niya. Parang hindi siya makapaniwalang mahabang oras na ang dumaan. Medyo nagugutom na rin siya, lalo at sanay siyang nagme-merienda bago magtanghali.

Tinunton lang ni Elisa ang kalsada habang hindi hinihiwalayan ng tingin ang bahay na natanaw. Nagkamali yata siya ng tantiya. Malayo na rin ang nalalakad niya pero mukhang malayo pa rin ang bahay.

Sa pakurbang bahagi ng kalsada ay may natanaw siyang matandang babae na may bitbit na bayong na puno ng sitaw. Nabuhayan siya ng loob. Maluwang agad ang ngiting inihanda niya at hinintay na magkatinginan sila ng matanda.

"Magandang umaga, Manang!" bati niya nang magkalapit sila.

Huminto ang matanda at ngumiti rin. Pero nang magsalita ito ay napangiwi siya. Banyaga sa pandinig niya ang wikang sinabi nito. Ni hindi nga iyon Ilokano.

Pero hindi siya nawalan ng loob. "Hinahanap ko ho ang Villa Samaniego," aniya.

"Villa Samaniego?" ulit nito, halata ang pagkagulat. Umiling-iling ito pagkatapos.

"Wala hong Villa Samaniego?" tanong niya, nagbabaka-sakali pa ring magkakaintindihan sila.

Umiling uli ito pero itinuro ang isang direksiyon.

Kumunot ang noo ni Elisa. Ang itinuturo nito ay ang gawi ng bahay na kanina pa niya natatanaw. May sinasabi pa ito pero hindi niya maintindihan.

"Sige ho, Manang, doon na lang ako magtatanong. Salamat ho." Bahagya pa siyang yumukod bilang pasasalamat. Nagsimula na uli siyang humakbang. Napahinto siya nang abutin ng matanda ang kanyang kamay. Umiling uli ito nang sunud-sunod at saka iginalaw ang kamay na parang pinipigil siya.

Naguguluhan na si Elisa. Nakatingin lang siya sa matanda, umaasang mauunawaan ang sinasabi nito. Pero binitawan din nito ang kamay niya. Nang tumalikod ito ay tuluy-tuloy nang lumakad palayo sa kanya.

Naiwan siyang nakatanga lang doon. Ano ba ang nangyayari sa kanya? Parang naliligaw siya na hindi niya maintindihan. Tiningnan niya ang direksiyon ng bahay na natanaw niya at saka tinanaw ang lugar na pinanggalingan. Sa tantiya niya, mukhang mas malapit ang bahay kaysa babalik siya.

Bago muling humakbang ay hinanap uli ni Elisa ang matandang nakasalubong, pero wala na ito. Siguro ay nakaliko na ito sa pakurbang daan.

Naglakad uli siya. Tiningnan niya ang oras sa suot na relo.

"Isang oras pa, Elsie. Kapag walang nangyari ay bumalik ka na at kalimutan mo na ang kagagahan mo," aniya sa sarili.

Pero tumindi ang init ng sikat ng araw at hindi siya nakatagal. Sumilong siya sa isang mayabong na puno. Tumalungko siya sa malaking ugat na nakausli para magpahinga uli.

Tahimik na tahimik ang paligid. Kung wala lang siguro siyang idea kung anong lugar iyon ay malamang na isipin niyang nasa twilight zone siya. Iba ang simoy ng hangin, hindi niya mawari kung sariwang damo iyon o kung anong dahon pero hindi niya maikakailang kabundukan ang paligid niya.

Bumuntong-hininga si Elisa, nagdadalawang-isip na kung tama pa ba ang ginagawa niya. Lumilipas ang mga oras na wala namang nangyayari sa paglalakad niya. Kung mamalasin pa siya ay baka makasalubong siya ng mga taong-labas at gawin siyang bihag.

"Paano kung may mga terorista dito?" tanong niya sa sarili.

Wala ring kuwenta ang pagkakaroon ng cell phone dahil wala namang signal doon. Gustuhin man niyang humingi ng tulong kahit kanino ay wala siyang magagawang paraan.

Kinuha ni Elisa sa bitbit na bag ang journal. Magbabasa siya nang kaunti bago siya magpasya kung tutuloy pa o babalik na lang.

--- i t u t u l o y ---

If you want to buy this book, available ito sa Shopee shop : MicaMixOnlineDeals

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

Continue Reading

You'll Also Like

103K 2.4K 17
WG CAROLINE - The Florist Hindi niya alam ang eksaktong sagot sa tanong ng kapatid niya. Mahigit isang buwan na silang palaging magkasama ni David-a...
64.9K 1.2K 11
A/N - Sequel ito ng A Taste Of Honey (Posted na dito ang nasabing kuwento kaya I suggest na basahin ninyo muna iyon bago ito.) Pagkatapos ng mabilisa...
77.7K 3.3K 21
"Huwag ka nang magtrabaho, Mommy," ungot nito kanina habang nagbibihis siya. "Hindi puwede, anak. Nakakahiya na kay Tito Ariel mo. Siya pa naman...
14.4K 844 16
"Palagi na lang ba tayong ganito? Na pagkatapos ng ilang araw na pagsasama ay magkakahiwalay uli ng landas? Kailan tayo uli magkikita? After another...