The Sweetest Escape

By endlesslaugh

318K 8.6K 485

Isang libong piso, anim na pares ng damit, makeup kit, isang toothbrush, at cellphone na walang load lang ang... More

Prologue
One
Two
Three
Four
Five
Six
Seven
Eight
Nine
Ten
Eleven
Twelve
Thirteen
Fourteen
Fifteen
Sixteen
Seventeen
Eighteen
Nineteen
Twenty
Twenty-one
Twenty-two
Twenty-three
Twenty-four
Twenty-five
Twenty-six
Twenty-seven
Twenty-eight
Twenty-nine
Thirty
Thirty-one
Thirty-two
Thirty-three
Thirty-four
Thirty-five
Thirty-six
Thirty-seven
Thirty-eight
Thirty-nine
Forty
Forty-one
Forty-two
Forty-four
Forty-five
Forty-six
Epilogue
Thank You!

Forty-three

5.1K 157 10
By endlesslaugh

Migs

Hinarangan agad kami sa may daan. Ang daming tao sa paligid ng compound, mga nagsilabasan ng bahay nang marinig ang komosyon.

Nakikipagtalo ang Kakang Isko sa mga pulis. Ako naman ay hindi mapakali dahil walang ginagawa. Iyon naman ang kadalasang estado ko nitong mga nakaraang araw—walang magawa.

Kaming tatlo na nasa loob na kotse ay nabahala nang makarinig ng putok. Isa. Dalawa. Nagkatinginan kami ni Kiel na nanlalaki ang mga mata. Kung ano mang nangyayari sa loob, hindi na kontrolado iyon ng mga pulis. Patunay ang pag-radio sa officer na nakaharang sa amin. Nagdalawang-isip muna siya kung aalis siya sa pwesto. Pero mukhang mas kailangan siya sa loob kaya matapos ang isang nagbabantang tingin ay tumakbo siya papunta sa bahay.

Walang epekto sa akin ang warning niya. Lumabas agad ako ng kotse at lumapit sa bahay. Risky, alam ko. Pero kailangan kong malaman kung anong nangyayari. Kailangan kong malaman na pagkatapos ng misyon nila na ito, babalik sa amin si Hannah nang buo.

Dalawang bahay pa ang layo ko, meron na namang humaharang sa akin. "Sir, bawal lumapit."

Yung isa niyang kasama ay nagsalita sa lahat ng nakikiusyoso. May ilan na ring miyembro ng media ang nasa lugar. "Kumalma lang po ang lahat at magsibalik na sa mga tahanan ninyo!"

Nakarinig muli kami ng isa pang pagputok. Nagsisisigaw ang mga tao sa labas. Yung iba ay nagsitakbo na palayo. Ako naman ay nababaliw na sa pagiging pasensyoso. Tatlong putok na iyon. Ano na ang nangyayari? Jusko, huwag naman si Hannah.

Nakahabol sa akin ang Kakang Isko. Namumuti na ang kamay na nakahawak sa tungkod niya. Nang iangat ang tingin ko, nakita kong namumuti na rin ang mukha niya sa takot.

"Maupo muna kayo, Kaka," suhestiyon ko. Siya muna ang iintindihin ko para maalis ang kaba sa dibdib ko.

Umiling siya. "Kapag may masamang nangyari sa apo ko..." Sa pagtigil ng pangungusap na iyon ay tuluyan nang bumigay ang Kaka. Hindi na niya itinago pa ang mga luhang kanina pa niya pinipigilan.

"Huwag kayong panghinaan ng loob." Payo ko iyon sa kanya. May kutob din ako na sinasabi ko iyon sa sarili ko.

Wala kaming ibang nagawa kundi maghintay. Pinanood namin ang pagpasok ng mga paramedic sa bahay, bitbit ang dalawang stretcher. Pinagpapawisan na ako ng malamig, inaabangan at kinamumuhian ang magiging bitbit ng stretcher na iyon paglabas.

Lumipas ang ilang minuto, lumabas na uli sila. Doon ako binalot ng adrenalin na tumulak sa akin para tumakbo papunta sa stretcher kung nasaan si Hannah.

Buhay siya, buhay siya, buhay siya, ang paulit-ulit na sinasambit ng isip ko.

Tinatabig ko na ang lahat ng mga humaharang sa akin. Sa gilid ng mga mata ko, nakita ko si Chief Marasigan. Siya na mismo ang pumigil pa sa ibang mga nagtangkang pumigil sa paglapit ko.

Hindi ko alam kung anong dapat na asahan kapag nakita ko siya. Pero hindi ito iyon. 'Di ko dapat in-expect na makikita siyang maayos at matiwasay. Sana pala hinanda ko ang sarili ko sa mas malubhang sitwasyon. Sanay akong makakita ng dugo pero nang makita kay Hannah, gusto kong sumuka. Gusto kong sigawan yung mga tao na dalian ang mga ginagawa nila at bigyang atensyon ang patuloy na pagdaloy ng dugo sa noo niya.

Sinusundan ko ang pagtulak nila sa stretcher papunta sa loob ng ambulansya. "Sandali lang!"

Hinawakan ako ng isang EMT sa balikat. Itinabig ko iyon. Nagagalit na ako sa lahat ng mga humarang sa akin para makalapit sa kanya. Paano ko masisigurong ayos lang siya? Paano ko siya maililigtas kung hindi ko man lang siya malapitan?

Pagkalapit ay ipinatong ko ang daliri sa pulsuhan niya at medyo nakahinga ako nang maluwag sa mahinang pagpintig noon. Hinanap ko ang kamay niya at hinawakan ito. Kahit iyon ay sobrang gaan. Malamig. Pinisil ko iyon, umaasang pipisilin niya pabalik pero wala akong nakuhang response mula sa kanya.

"Hannah," pagtawag ko sa kanya. May halong pagmamakaawa at sakit para sa mga bagay na kinailangan niyang pagdaanan.

Tila narinig niya ako dahil medyo bumuka ang mga mata niya. Malikot ang mga iyon bago ito tumama sa akin. Bumuka ang bibig niya kaya inilapit ko ang mukha ko para marinig ang sasabihin niya pero tanging hininga niya lang ang dumampi sa pisngi ko bago siya bumalik sa unconsciousness.

Wala pang isang minutong nangyari ang lahat ng iyon ay inihiwalay na ako ng isang babaeng paramedic. "She needs urgent medical attention. Please, kumalma kayo, Sir. Kailangan na siyang madala sa ospital. Pwede naman kayong sumabay sa ambulansya. Relative ba kayo?"

Pinilit kong lunukin ang nakabara sa lalamunan ko. "Hindi. Pero narito ang Lolo niya. Gugustuhin niyang mabantayan ang apo niya." Itinuro ko ang direksyon kung nasaan ang Kakang Isko na nilapitan ng paramedic para ipaliwanag ang sitwasyon. Kahit na hirap maglakad ay halos tumakbo na siya papasok ng ambulansya.

Hindi ko inalis kay Hannah ang mga mata ko. Ang huling nakita ko bago isara ang pintuan ay ang pagkuha ng kanyang Lolo sa kamay niya. Kahit na malayo, kitang kita ko ang mga luhang dumadaloy sa pisngi ng matanda.

Pagkaalis ng ambulansya ay sumunod yung isa pa. Gusto kong malaman ang buong istorya ngayong tapos na ang operation pero mas gusto kong hanapin ang ama ni Hannah para bawian siya sa lahat ng mga pinagdaanan ng anak niya. Ang kaso lang, hindi ko na alam ang hitsura niya. Paano ko na gagawin iyon?

Wala nga talaga akong kwenta.

Iginala ko ang atensyon ko sa paligid at napako sa pintuan ng bahay. Lumalabas na ang ilang pulis, kasama ang ilang mga lalaking nakaposas. Narinig ko ang isa na nagmumura nang nagmumura. Kumakalat ang dugo sa kaliwang balikat niya. Tatlong putok ng bala. Alam ko na kung nakanino ang isa.

Kilala ko ang mukha niya sa mga litratong nakita ko sa presinto. Si Rolando Zulueta.

Naglalakad na pala ako palapit sa kanya. Pinaupo siya sa isang sulok para gamutin ang sugat niya. Kung ako sa kanila, hahayaan ko na lang na maubusan ng dugo ang gago kesa ayusin pa nila. Kulang pa nga iyon sa lahat ng sugat at pasa na inilagay niya sa katawan ni Hannah.

Para akong wala sa sarili ko. Unang kita ko, nakaupo si Rolando sa silya, sumunod ay nasa sahig na siya at patuloy sa pagmumura dahil sa sakit ng pagtama ng kamao ko sa pisngi at balikat niya. Tatayo pa sana siya para labanan ako pero pinigilan siya ng dalawang pulis. May isang humawak sa balikat ko at pinisil iyon. Si Chief Marasigan.

Inilingan niya ako, nagbabanta na kung uulitin ang ginawa ay malalagot na ako.

"Nasaan ang tatay ni Hannah?"

Itinuro niya ang isang lalaking pinipilit ng isang paramedic na maglagay ng oxygen mask. Kaya nga lang itinatabig niya ito at pinipilit niyang tumayo. Narinig kong tinatawag niya paulit-ulit ang pangalan ng anak at asawa niya kasabay ng paghingi ng tawad at pag-iyak. Siya na dapat ang susunod na target ng kamao ko pero nang makita ko siya ay naawa ako sa kanya.

Alam kong hindi iyon ang dapat kong maramdaman pero bakas na bakas ang paghihinagpis niya, hindi ko mapigilang hindi maramdaman. Maging ako ay naghihinagpis. Kahit anong pilit ko, alam kong hindi ko na mabubura sa isipan ko ang hitsura ni Hannah sa stretcher na iyon.

Nilapitan ako ni Kiel. "Nakipag-usap ako doon sa isang babaeng pulis at nakakuha ako ng impormasyon."

Sa normal na araw, maririnig ko ang pagmamayabang sa boses ni Kiel dahil nagawa na naman niyang mangumbinsi ng isang babae gamit ang kaunting pagpupumilit sa kanya. Tanging pagod at pag-aalala lang ang narinig ko sa kanya ngayon.

"Apat na buwan na palang nakabantay ang mga pulis kay Rolando. Mayroong isang pulis sa loob na asset nila, Carlos daw ang pangalan. Albert ang alyas. Iyon yung isa pang dinala nila sa ambulansya. Nang malamang kinidnap si Hannah, gumawa sila ng bagong game plan. Trafficking. Iyon ang operation nila ngayon. Dapat ay 'bibilhin' nila si Hannah nang biglang may nakakita kay Carlos na itinatakas ang susi ng posas ni Hannah. Doon na nagkagulo."

Posas. Nakaposas si Hannah.

Parang hindi ako makahinga.

Kailangan ko siyang makita. "Saan siya dinala?"

"Sa Medical Center. Let's go."

❈    ❈    ❈

Labimpitong oras ang itinagal ng coma ni Hannah. Nabahala kami nang marinig ang salitang iyon. Si Kakang Isko naman na nagawang tumahan ay muling umiyak. "Coma? Coma? Hilda... Hannah..."

Matagal bago namin siya napakalma. Dahil na rin sa pagod at fatigue kaya pumayag siyang iuwi siya ni Kiel para makapagpahinga. Sa akin niya ibinilin si Hannah kahit na hindi ako miyembro ng pamilya. Kaya ako tuloy ang nakasagap ng mga impormasyon tungkol sa resulta ng lahat ng eksameng ginawa sa kanya—bruises, broken ribs, head trauma, at yung resulta ng toxicology kit. Drug abuse at sexual assault.

Kada inuulit ko sa isip ko, lagi kong hinihiling na hindi ko na lang nalaman. O kaya maibalik ko lang yung oras na una kong nasilayan si Rhys sa tapat ng bahay. Kung pinigilan ko lang yung pagdududa at pagseselos ko hindi sana kami hahantong dito.

"Pregnancy? STD?" tanong ng Kakang Isko pagbalik niya kinabuksan.

"Negative pareho."

"Kumusta na ang apo ko?"

Pareho kaming nasa labas ng pintuan. Gumilid ako para makapasok siya. "Pumasok ho kayo para kayo mismo ang makarinig ng sagot."

Tinapik niya ako sa balikat saka pumasok. Nanatili naman ako sa labas. Gusto kong sabihing kaya ko ginawa iyon ay para bigyan sila ng privacy pero nanatili ako sa labas dahil ayaw akong makita ni Hannah.

Nakaupo ako sa tabi ng kama niya nang iminulat niya ang kanyang mga mata. Napatayo agad ako para asikasuhin siya at para na rin tawagin ang mga nars kaso natigilan ako sa nakita ko. Walang buhay ang mga mata niya. Pwede kong sisihin yung medication kaso magsisinungaling lang ako sa sarili ko. Lumapit ako para haplusin ang pisngi niya na tila magagawa nitong punan yung nawawala sa mga matang iyon pero bago pa man dumampi ang kamay ko sa pisngi niya ay umiwas na siya. At hindi simpleng pag-iwas lang ang ginawa niya. Mabilis niyang ibinaon ang mukha sa unan at ipinikit nang maigi ang mata, naghihintay sa blow na hindi naman darating.

Nanlabot ang braso ko na napaatras dahil sa reaksyon na 'yon.

Hindi ko na tuloy alam kung ano ang gagawin ko. Paano ko siya matutulungan kung kaunting lapit ko lang ay laging ganoon ang magiging reaksyon niya? Hindi ko rin naman pwedeng pwersahin ang sarili ko sa kanya. Wala nang dapat pumwersa kay Hannah. Kung kailangan kong lumayo, iyon ang gagawin ko. Magiging mahirap pero kung mas mabilis siyang makaka-recover, gagawin ko.

❈    ❈    ❈

Kay AJ at Rica na lang ako nakakasagap ng mga balita tungkol kay Hannah dahil silang dalawa at ang Kakang Isko lang ang pinapayagan niyang makipag-usap sa kanya. Hindi pa nga niya pinatuloy agad-agad ang dalawa. Sumuko na lang siguro siya sa tigas ng ulo nila o wala na talaga siyang pakialam. Mas gusto kong isipin yung una.

Araw-araw tinatanaw ko siya sa bintana niya, malayo lagi ang tingin at walang buhay. Araw-araw, nasasaktan ako sa pagkaligaw ni Hannah. Siya pa ba 'yan o ibang babae ang inuwi namin? Gusto kong makita muli yung maliliit na ngiti niya. Yung mga ismid at pag-irap niya sa akin. Gusto kong makitang buhay ang mga mata na iyon, kahit na ang naroon ay galit at inis lang sa akin, tatanggapin ko.

Sa tuwing pumupunta ako sa rancho, iniiwasan ko nang pumasok sa bahay. Kung pwede nga lang na sa clinic na lang ako lagi, doon na lang ako. Isang buong buwan na ata akong hindi nakakatulog sa sarili kong kama. Nagsimula noong umuwi si Hannah galing sa ospital. Papasok lang ako kapag alam kong umaalis siya para sa sessions niya sa psychiatrist na nirekumenda sa kanya.

Ipinagpapaliban ko yung pagpunta sa kwarto ko kaso nagkukulang na ang mga damit ko. Itinaon ko sa afternoon session ni Hannah ang pagkuha ng damit.

Nagulat ako nang makita ko siyang nakahiga sa kama ko. Nakatalikod siya sa akin at base sa paghinga niya, alam kong tulog si Hannah. Kahit anong pilit kong umatras, kabaligtaran ang ginawa ko. Miss na miss ko na siya. Gusto ko siyang tulungan.

Pumunta ako sa kabilang gilid ng kama para titigan ang mukha niya. Kahit sa pagtulog, bakas ang anguish sa mukha niya. Sinubukan kong i-check ang sugat sa may noo niya. Maliit na scar na nakausli na lang ito at natatakluban ng basa niyang buhok. Nag-squat ako sa gilid ng kama para maeksamen ko ito nang malapitan. Hinawi ko ang bangs niya. Mahinang dampi lang ang ginawa ko pero ang laking reaksyon ang nakuha ko mula sa kanya.

Mabilis niyang binuksan ang mga mata niya at itinapat iyon sa akin. Kitang-kita ko na nasa pagitan siya ng panaginip at realidad. Nakakatakot siguro ang pananaginip niya dahil yung nanlalaki niyang mga mata ay ebidensya na kung ano mang kasama niya sa pagtulog ay inaabangan niyang lumapit sa kanya sa paggising.

Maingat na ipinatong ko ang kamay ko sa balikat niya. "Hannah."

Umungol siya na para siyang nasaktan sa ginawa ko. Nanginginig na ang katawan niya, iyong mga muscles niya ay nakahanda. Kung para saan? May kutob akong hindi ko magugustuhan ang sagot.

'Pag alis ko ng kamay ko sa balikat niya, tumakbo siya palabas. Ilang minuto akong nakatulala sa sahig, sinusubukang pakalmahin ang sarili ko. Pero, tangina! Isang buwan na, wala pa ring nagbabago sa kanya. Hindi ba dapat may progress na, kahit konti lang?

Alam kong hindi ako dapat magsalita. Alam ko kung gaano kahirap maka-recover. Pero hindi mangyayari iyon kung 'di naman niya pinipilit ang recovery. Dapat nasa clinic siya, hindi yung natutulog at nagkukulong sa bahay.

Lumabas ako para sumunod sa kanya. Papasok dapat ako sa kwarto niya pero narinig ko ang tubig sa banyo kaya doon ako tumuloy. Bukang-buka ang pinto, parang wala siyang pakialam kung may makakita sa kanyang maligo.

Pero hindi ba nakaligo na siya bago makatulog? Bakit naliligo uli siya?

Concerned, kumatok ako sa pinto. Hinintay ko siyang sumagot pero nanatili siyang tahimik kaya pumasok na ako kahit walang pahintulot.

Gusto kong umiyak sa sumalubong sa akin. Nasa ilalim na siya ng dumadaloy na tubig at nagtatanggal ng suot na pantaas. Pagkatapos ay hubo't hubad na siya sa harap ko. Kumuha siya ng sabon at agresibong nililinis yung balikat kung saan ko siya hinawakan. Pagkabanlaw ay sinasabunan niya uli ito. Para siyang may tinatanggal na dumi na kahit anong pilit niyang malinis, hindi niya matanggal.

Pagkatapos ng ilang attempt, nakita kong nainis na siya sa ginagawa niya. Saka niya sinabunan yung buong katawan niya.

Nilunok ko ang nakabara sa lalamunan ko. "Hannah..."

Unang beses pagkatapos ng insidente na ibinaling niya ang tingin niya sa akin with clarity, yung tipong parang nakilala niya ako. Napatunayan ko nang sabihin niyang, "Migs" sa iba't ibang tono. Nagmamakaawa, nalulungkot, nasasaktan. Pero yung isa pang tono ang ayaw pinakaayaw ko sa narinig.

Sumusuko.

"Ang dumi-dumi ko. Nakakailang ligo na ako pero ang dumi ko pa rin."

"Malinis ka na, Hannah."

Umiling siya at tumingin muli sa sahig, hindi iniinda ang pagkawala niya ng suot sa harap ko.

Dahan-dahan akong lumapit sa kanya. "Lumabas ka na diyan, wala na namang dumi sa katawan mo."

Napangiwi siya sa sinabi ko. Tinitigan niya ako. Hindi naman ako makaalis sa kinatatayuan ko dahil baka isang maling galaw ko lang ay may ma-trigger na naman ako sa kanya.

Ang intense ng titig ni Hannah sa akin. Hindi ko rin nagawang pag-aralan iyon dahil isang saglit, nasa may shower siya, sa sumunod, nakadikit ang buong katawan niya sa katawan ko. Idinaan niya ang mga kamay niya sa buhok ko habang hinahalikan niya ako sa buong mukha. Pinipilit kong lumayo sa kanya pero pinagpilitan niya ang sarili niya sa akin.

Kahit mahirap, hinayaan ko na lang siya sa assault niya. Hindi ko siya hinawakan, hindi rin ako nagre-respond sa bawat atakeng ginagawa niya.

Nang mapansin niyang hindi ako gumagalaw, lumuluwag ang kamay niya sa buhok ko. Ayan na naman yung magulo at halo-halong ekspresyon sa mukha niya. "Bakit hindi ka lumalaban?"

"Hindi kita kayang labanan, Hannah."

Bumaba ang kamay niya mula sa ulo ko hanggang sa t-shirt ko na siya nakahawak. Yinugyog niya ako. "Kahit na. Dapat lumaban ka. Ayaw mo 'di ba? Dapat lumaban ka."

Hindi ako sumagot. Hindi ko alam kung anong isasagot ko.

Tumutulo na ang luha sa mga mata niya. "Huwag mong bigyan ng kapangyarihan ang ibang tao na gawin sa'yo ang mga bagay na ayaw mo. Matuto kong magsabi ng hindi." Itinapat niya sa akin ang luhaan niyang mga mata. Humawak siya sa pisngi kong hindi ko namalayan na basa na rin pala ng luha, tapos sa labi ko. "Nadudumihan na rin kita."

Umiling ako. Yayakapin ko dapat siya kaya lang na-anticipate niya ang gagawin ko kaya bigla niya akong tinulak. Na-out of balance ako, tumama ang tuhod sa kubeta, at napakapit doon para hindi matuloy ang pagbagsak ko.

Bago pa man ako makatayo, tumakbo na uli siya palayo. Pagkalabas na pagkalabas niya ng pinto, tumili siya nang napakatinis, may halong desperation. Naririnig ko ang pagpapakalma nung tao sa labas. Doon ko naalala na walang suot si Hannah. Kinuha ko agad yung tuwalyang nakasabit at ibinalot sa kanya. Hindi pa dumadampi ang kamay ko sa balikat niya, kumaripas na siya ng takbo papasok ng kuwarto niya.

Namumula ang mukha ni Barney at nagkakamot ng ulo niya. "H-hindi... K-kasi... P-pinapatawag na s-siya p-pap-puntang clinic. M-Migs..."

Hindi ko na narinig ang sumunod niyang sinabi. Tinitigan ko na lang ang nakasarang pinto ng kwarto niya, winiwili itong bumukas. Nang walang nangyari, na-frustrate ako. Kung magagawa ko lang na tanggalin ang pintong iyon, gagawin ko.

Isang buwan akong naligaw at hindi alam ang gagawin. Simple lang pala ang sagot. Hindi dapat ganoon katagal bago ko mapagtanto ang isang buwan ko nang dapat ginagawa. Ang dati ko pang ginagawa. Hindi ko pala dapat itinigil na ipakita at iparamdam kay Hannah na hindi siya nag-iisa at may nagmamahal sa kanya.

Continue Reading

You'll Also Like

11.9K 528 45
Creslienna Ann Benevente felt like she's a hopeless case for a person who aspires to get her life back on track. Eustace Mirantes is the laid-back yo...
19.1M 225K 36
Meg is a bitch--and she continues to be one upon knowing that Daniel only married her for his wealthy grandfather's inheritance. But when secrets fro...
6.9K 442 30
Duology #2 When you thought its finally over but never. Kate Jasmin De Vera, isang masipag at ulirang anak. Lahat gagawin niya para sa kanyang pamily...