Kabanata 33

823 84 13
                                    

Sa ilalim ng gabi ay sumisiklab ang mga araw. Iisa ang uri, halo-halo ang mga damdamin at magkakaiba ang layunin. Ang anak ng dating Pinuno ay inaakay ang mga nais maghimagsik. Mga mababalasik na mga Watrong nais hipan ang mga araw na walang liwanag. Mga araw na siyang nagdulot ng karimlan sa kaharian ng Watrenian.

Pagtakbo, pag-iwas at paglayo sa mga sibat na ilang beses kung yumakap sa isa't isa. Ang tugatog ng kastilyo ay tila ba nilalamon ng nag-aalab na apoy. Kay daming mga pakpak ang nalagas at nagkalat hanggang sa mga nagtataasang mga punong nakapalibot sa kastilyo. Maging ang mga sanga at katawan ng mga punong-kahoy ay hindi ligtas sa mga ligaw na sibat.

"Hindi ko pa rin nais ang makidigma!" pagtaliwas ni Azalea na gumulat sa binatilyo. "Hindi ako kailan man pumatay ng aking kauri! Itinulak mo ang aking braso Vincozen! Ikaw ang siyang pumaslang sa kanya!"

"Pagmasdan mo ang iyong kapaligiran hangal!" Pakikipagtagisan hindi ng lakas sa kanyang mga katunggali ang siyang bumabagabag sa kanyang isipan. "Dumanak ang dugo sa kastilyo ng inyong kaharian. Sarili mong palad ay nabahidan na nito."

Sa pakikipag-usap sa Watrong ayaw makiisa sa paghihimagsik ay napuruhan ang magnanakaw. Dumaplis ang malamig na tanso ng sibat sa kanyang balikat na nagdulot ng sugat. Gayunpaman ay nagawa pa rin niyang patumbahin ang kanyang kaharap.

Ang pagtapal ni Vincozen ng kanyang palad upang pigilan ang paglabas ng dugo sa kanyang balikat ang siyang nagpahakbang sa mga paa ni Azalea.

"Tanggalin mo ang pagkakalapat ng iyong palad," pagmamadaling utos ni Azalea na iniuunat ang braso. "Hayaan mong patigilin ko ang pagdurugo ng iyong balikat."

Sa kabutihang ipinamamalas ng babae ay nakagugulat ang naging pagtugon ng binata. Sa pagtapik nito sa kamay niya ay nangangahulugan lamang na ayaw niyang makatanggap ng tulong. Nagbigay ang ikinilos ni Vincozen ng pag-aalangan kay Azalea. Dumagdag pa rito ang nakakunot na kilay niya at kanyang pamamaraan ng pagtingin sa dalaga.

"Hindi ko kailanman babalaking paghilumin mo ang sugat na aking matatamo sa digmaang ito," wika ng magnanakaw nang may pagmamataas.

Marahang tumayo mula sa pagkakayukod ang binata. Kanyang pinunit ang telang bumabalot sa kanyang kaliwang braso. Gamit ang kanang kamay at ang mga ngipin ay tinalian niya ang kanyang natamong pinsala.

"Ang bakas na iiwan nito ay siyang aking magiging karangalan at nais ko itong dalhin sa panghabang-buhay. Ito ang magsisilbing tanda na minsan sa kaharian ng Watrenian, sa liblib na lagusan na nakakubli sa talon ng Zeayl, ay may isang taong nakiisa sa paghihimagsik at pagwawakas ng karimlan."

Matapos makarating ang mga salitang iyon sa mahahabang tainga ni Azalea ay nakaramdam siya ng isang sampal. Sampal na siyang nanakit sa kanyang damdamin bilang isang anak ng araw. Sampal kung saan ang bawat pantig ng mga salita ay nagsilbing mga daliri.

"Isa akong Watro, sa pang araw-araw na buhay ko ay ipinaglalaban ko ito mula sa aking mga kauring nantataboy sa amin ng aking nakatatandang kapatid. Sa tuwing naririnig ko ang mga paratang sa pagiging taksil ng aking ama ay mas umiigting ang pagnanais kong makagawa ng kabutihan."

Ngunit ngayon, sa panahon ng paghihimagsik, sa oras na nararapat siyang lumaban ay hindi siya kumikilos. Isang sampal sa kanya na isang tao ang nagpapakita ng pagtanaw bilang karangalan sa pinsalang natamo sa himagsikan na nagaganap. Si Vincozen na hindi man lamang nila kauri at sinasabing sanhi ng kanilang pagsisimulang pagkukubli sa talon ng Zeayl.

Habang gulo ang kanyang isipan sa kung ano ang nararapat na gawing hakbang, pagtilapon ng tatlong kawal ang pumukaw sa kanyang pansin. Pagsigaw ni Elordam na may pagmamayabang ang kanyang narinig. Ang tanyag na si Rankadal ang nangunguna sa pagsulong.

Believers Of Lies: Rise Of Watrenian (Book 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon