Kabanata 18

1K 125 6
                                    

Tanging tubig lamang na pumapatak ang siyang nakalilikha ng ingay. Sa sobrang tahimik ay rinig ang mga kumakalang na sikmura at mga ungol ng mga nahihirapan. Walang piraso ng tela na maaaring gawing kumot panangga sa malamig na gabi. Sa kadiliman ay umaasa lamang sa liwanag ng mga alitaptap.

Hanggang kailan mananatili at ikukubli ang sarili sa likod ng malamig na rehas. Ang selda na nararapat na tahanan ng mga may parusa ay hindi nasusunod. Sapagkat ang piitan ay naglalaman ng mga Watro na naging sakit sa mata kahit na walang sala.

Sa kahiwalay na mga selda ay may naglaan ng panahon para ilabas ang hinanaing. "Ano na ang magagawa natin ngayong kasama na nating nakakubli ang tinutukoy ninyong pag-asa na si Gulydon!?"

"Oras na ng pagpapahinga kaya't kung maaari ba ay bukas ka na gumawa ng ingay!?" Tugon naman ng isa pang preso matapos dabugin ang asero sa kanyang harapan.

"Hindi maaari!" giit ng iba.

Umugong ang ingay na ginagawa ng mga may daing at mga taong nais lamang tumahimik ang gabi. Nakapuno ng pagkadismaya sa mga damdamin ng preso ang nangyari kay Gulydon.

"Ako ba talaga ang susi sa plano ninyong pagtakas?" tanong ni Gulydon na may paghihinagpis.

"Maaari kaming makalabas sa selda na ito. Ang kailangan lamang naming gawin ay hanapin ang susi," mahinahong pagsasalaysay ni Azalea na naalimpungatan, "Ngunit kailangan ka namin sapagkat sa oras na makalaya kami ay hindi sigurado ang aming kaligtasan."

Hindi mawari ng lalaking Watro ang nais ipahayag ng kanyang nakababatang kapatid. Dumagdag pa sa pagkalito ang mga umaalingawngaw na bulungan ng ibang preso.

"Wala ng pag-asa sa atin na binubulag ng kadiliman dito!"

"Si Gulydon na inaasahang kunin ang bato at ialok bilang kapalit nating lahat ay hindi tagumpay!"

"Nakapagtatakang siya ay anak ni Guba na labis ang kagitingang ipinamalas!"

"Wala man lamang siyang maiambag sa pagkabuti ng ating sitwasyon!"

"Maaari bang tumahimik kayo! Ano pa ba ang magagawa natin ngayong nandito na ang aking kapatid at kasama kong nakabilanggo?" sumbat ni Azalea matapos mapuno.

"Wala! Puro lamang siya panira sa ating plano!"

"Kung gayoon ay maaari tayong gumawa ng panibagong plano at hindi gumawa ng bagay na lalo lamang nakakagulo!" Isa man siyang batang Watro ay mayroon siyang lakas ng loob para sumalungat sa mga ideyang alam niyang mali. Kahit na ang ideyang kanyang sasalangutan ay mula sa nakatatanda sa kanya ay hindi siya nagpapatinag.

Umiral ang pagmamataas sa sarili ng mga nakakatandang preso. Hindi nila magawang tanggapin ang iminumungkahing dapat na gawin. Para sa kanila ay nararapat lamang na nakahihigit ang mas nakakatanda sa anumang aspeto o bagay sa buhay.

"Kung mayroong nagbabalak na sumalungat sa sinabi ng anak ni Guba ay gawin ninyo na habang ako ay nakikinig pa," mga salitang muling nagpatahimik sa buong kapaligiran.

Unang beses pa lamang dito ni Gulydon ngunit alam niya na mula sa malayong selda nanggaling ang boses. Kung saan walang lampara na nagbibigay liwanag o maski mga alitaptap man lang. Kung saan walang sino man ang magbabalak na lumapit sa selda na mayroong mga asero na kahit kinakalawang ay nananatiling matatag dahil sa kapal.

Hindi maaninag kung sino o anong uri ng nilalang ang nagbitaw ng salita. Ngunit hindi lingid sa kaalaman ng magkapatid na ito ang siyang kinatatakutan at sinusunod dito sa ilalim na piitan. Kung ano man ang dahilan kung bakit tila ba inirerespeto ang nilalang na ito ay hindi niya alam.

At sa isang saglit ay mayroong boses na nagpatigil sa pag-iisip ni Gulydon. Nagpatigil sa kanyang pagmumuni-muni kung ano ang itsura o sino ang nasa loob ng seldang iyon.

Believers Of Lies: Rise Of Watrenian (Book 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon