Kabanata 32

839 83 11
                                    

Mga pakpak na sa unang pagkakataon ay ikinampay upang tumaliwas sa pagbulusok ng mga kauri. Mga pakpak na pumaitaas hindi upang makamtan ang sariling kalayaan. Ngunit sa kanyang mapangahas na paglipad ay narito ang nais niyang isalba upang sagipin siya.

May mga matang nagmamasid na walang pagnanasang kumurap. Mayroon ding mga matang nais pumikit upang takasan ang katotohanan. At higit sa lahat ay ang nag-aapoy na mga mata ng mga kawal na nagnanais paslangin ang mga taksil.

Mga bibig ng mga nasa nakatataas na antas ay hindi magawang itikom. Palitan ng mga salita at bulungan ang siyang umugong. Ang duwag na anak ni Guba ay nagpapamalas ng hindi kapani-paniwalang talento sa pakikidigma. Habang ang mga Watrong nais maghimagsik ay hindi kapani-paniwalang hindi kumilos at nanatiling naghihintay sa hudyat na ibibigkas ng bibig ni Penluna.

"Huwag na nating patagalin pa," mga salitang nagpatindig balahibo sa lahat ng naroon. Tumindig ang balahibo ng lahat hindi dahil sa binitawang salita. Tumindig ang balahibo ng lahat dahil sa kung sino ang nagbitaw nito.

Damang-dama ang malamig na simoy ng hangin na nagdulot ng panghihina ng mga pakpak. Hanggang sa makarinig ang mahahabang mga tainga ng mga kaluskos ng mga pakpak na tila ba nagmamadali. Kaluskos ng mga pakpak na tila ba kay yaman sa bilang. Mga pakpak ng mga Watrong kay tagal ng nasasabik na magamit.

"Ako si Rankadal..." isang pangalan na walang sinuman ang mangangahas na magbanggit.

Buhay ang kapalit sa oras na banggitin ang ipinagbabawal na ngalang ito. Mga nasa matataas na antas lamang ang may abiso sa paggawa nito. At kung mayroon mang isang mangangahas na magbanggit nito ay tiyak na ang may-ari lamang ng ngalang ito ang nilalang na iyon.

"At ako... ang hudyat!"

Sa pagkakabigkas ng bawat pantig ay siyang bawat pagkawala ng nagbabagang damdamin na kinikimkim ng bawat isa. Sa ilalim ng nagliliwanag na buwan ay magliliyab ang mga nais maghimagsik. Ang anak ng dating Pinunong si Orath na siyang ama ng ngayon ay Punongkawal na si Racquelle, ang siya ring hudyat sa pakikidigma.

"Rankadal..." nakangising pagbigkas ni Pinunong Ikillian. "Ang pagbabalik mo ay para na ring ang pagsunod mo sa kinaroroonan ng iyong kaibigan na si Guba."

"Nagkamali ka ng ikubli mo ako sa kadiliman, Ikillian," pagdidiin ni Rankadal habang nakakapit sa dalawang Watrong nagpapanatili sa kanya sa himpapawid. "Sa kadilimang iyon ay nahanap ko ang mga liwanag at ngayon ay nandirito sila upang sumiklab."

Hindi makapaniwala ang mga Watrong tumingala sa himpapawid. Sina Gulydon at Penluna na lumingon sa kinaroroonan ni Rankadal ay nanlaki ang mga mata. Tunay ngang nakagigising ng damdamin at nakabubuhay ng pag-asa.

Isang sibat na bumubulusok sa ere ang pumukaw sa pansin ng lahat. Ang mga mata'y sinundan ito hanggang sa tuluyang tumama sa gitna ng entablado.

"Kalapastanganan...!" Nanggagalaiti si Pinunong Ikillian nang bumaon ang sibat sa kanyang harapan. "Nananatili pa ring hindi sapat ang inyong bilang kung ikukumpara sa aking mga kawal! Pabor sa akin ang nais ninyong mangyari!" Sa pagtaas ng tingin ng Pinuno ay nagpasindak sa kanya ang mga bihag sa piitan. Sa likod ni Rankadal ay umahon ang mga ito ng may galit sa mukha. Paghihiganti ang nahuhubog na imahe sa kanilang mga mata.

Idagdag man ang bilang ng mga bihag at ng iba pang nais maghimagsik ay hindi pa rin sila makapapantay sa bilang ng mga kawal ng Watrenian. Idagdag pa ang malaking bilang ng mga bagong salta sa himpilan na nasa mga kamay ng bagong Pinunong si Ikillian.

"Hindi sapat ang ating bilang," bulong ni Gulydon. "Ngunit ang ating kahusayan at kasanayan sa pakikipagdigma ang siyang magiging kasagutan."

Digmaan para sa kalayaan ang sabay na isinisigaw ng mga bihag. Kasabay nito ay ang paglipad ng mga Watrong sa wakas ay nabigyan na ng hudyat.

Believers Of Lies: Rise Of Watrenian (Book 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon