Kabanata 37

775 56 18
                                    

Mga nagbabagang damdamin ang siyang lumikha ng lakas sa himagsikan. Ang mga nais maghimagsik, ang mga bihag at gayoon din ang mga kababaihan ay katiwasayan ang siyang sinasandalan. Pagpupunyaging magwagi na sa wakas ay kanila ng malapit makamtan. Iisa na lamang ang kailangang wakasan at ito ay si Ikillian na siya mismong karimlan.

Ngunit sa kabila ng lahat ng dugo at pawis na inilaan ay mayroon pa palang hahadlang. Ang mga nilalang ng lupa ay nakahambalang sa daan tungo sa kapanatagan ng kaharian. Pagsisisi ang siyang lumamon sa mga alagad ng Watrenian. Mga mata nila ay nais ipikit sa natutunghayang mga kaganapang hindi magawang talikuran.

"Ano na Rankadal!?" Pagkainis ang siyang nangunguna sa batang si Elordam na umaalingawngaw pa ang tinig sa paligid. "Hanggang diyan na lamang ba ang iyong kakayahan!?"

Habang nakikipagtulakan at nakikipagtunggali sa palakasan ng pwersa ang Watrong walang mga pakpak ay sinamantala ito ng kanyang anak. Walang bahalang iniwan sila na kaharap ang isang Grogs at nagtungo sa tugatog ng kastilyo upang hanapin at salakayin si Ikillian.

"Ang buong akala ko ba ay ikaw ang siyang kinakilabutan ng mga bihag sa piitan!? Ni hindi mo nga mapatumba ang nilalang na iyan!"

Hindi umimik si Rankadal bagkus ay panandaliang nilingon ang bata. Sa paglingon niya ay gumuhit ang isang ngiti sa kanyang mukha.

"Anong nginingiti mo mahinang nilalang?" tanong ni Elordam na tila ba hindi dama ang pagpupunyagi ng nakatatanda. "Pasensya na ngunit hindi ko alam ang maitatawag sa iyo sapagkat wala sa iyo ang mga pakpak na siyang pagkakakilanlan ng mga Watro. Ngunit gayunpaman ay nananatili kang mahina."

Napabuntong hininga na lamang si Rankadal at nagsimulang humigop ng liwanag mula sa mga apoy na nagsilbing ilaw sa kastilyo. Hindi tulad sa ibang mga Watro ay mayroon siyang kakayahan na humiram ng lakas sa liwanag ng apoy. Hindi tulad sa mga pakpak ng mga Watro, sa palad ay direktang pumaroon ang liwanag na tila ba naging maamo sa paglapit. Matapos ang kaganapang iyon ay natikom na ang bibig ng kanina ay naghihinaing na si Elordam.

Maging sinong mga bata ay tiyak na mabibigla matapos makita ang nangyari sa balat ng braso ni Rankadal. Nagmistula itong nagliliwanag pansamantala at tila ba ito'y hudyat ng pagiging mas matibay ng mga balat niya. Sa sobrang bilis ng pagkilos at pangyayari ay wala na ngang mailalabas pang mga salita si Elordam. Kasabay ng pagtilapon ng Grogs mula sa kamao ay ang pagkabutas ng itaas na bahagi ng kastilyo.

"Biro lamang," walang makikitang damdamin sa mukha ng bata nang bigkasin niya ang mga ito. "Huwag mong seseryosohin ang mga nasabi ko kanina lamang sapagkat ang lahat ng iyon ay biro lamang."

"Mahina?" pangungutya ni Rankadal na umuusok pa ang mga maiitim na kamao. "Nais mo bang makatikim ng aking kamao?"

Labis na lamang kung makatanggi si Elordam. Nagpaatras sa kanyang mga paa ang marahang paglapit sa kanya ni Rankadal na tila ba nagbabanta. Sa isang iglap lamang ng bata na kumurap ng isang beses ang mga mata ay naroon na ang Watrong walang mga pakpak sa kanyang likuran. Niyakap siyang maigi bago tuluyang lumundag ng napakataas at dumaan sa butas na nalikha.

"Bitawan mo ako...!" pagsusumamo nito. "Ang taas na naman ng pagbabagsakan natin...!" pagpupumilit ni Elordam sa pananalita kahit pa ang paghinga ay idinadaan na sa bunganga. "Isaksak mo sa iyong isipan na wala kang mga pakpak!"

Sa kanilang matagumpay na pagdapo sa tugatog ng kastilyo ay dumaplis ang paningin ng bata sa magnanakaw. Sa sandaling ito ay nalimot niya ang pagmamaktol na dapat ay isasagawa matapos lumundag si Rankadal patungo sa himpapawid. Hindi niya inaakalang nasa alanganing kalagayan na ang kanyang kaibigan. Hindi niya inaakalang darating ang oras na maaaring mapahamak si Vincozen.

"Ako na ang bahala," pagpapakalma ni Rankadal sa kalooban ni Elordam.

Sa ikalawang pagkakataon ay muling bumulusok si Rankadal. Ang lakas ng kanyang pagpadyak sa sahig ay nagresulta ng mabilis na pagbulusok. Ang lahat ng Nerts na nakahambalang sa daraanan ay tumilapon. Ngunit sa kanyang pagbulusok ay mayroong humambalang na isang Grogs na siyang tuluyang nagpahinto sa kanya.

Believers Of Lies: Rise Of Watrenian (Book 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon