Kabanata 31

868 97 14
                                    

Ibinaling ang paningin sa mga tinutupok na mga puno na pansamantalang pinamumugaran ng mga Watro. Tinutupok ng nagliliyab na apoy na nanggagaling sa mga damdamin ng bawat nilalang na anak ng araw. Bawat isa ay tila ba kahoy na panggatong na siyang nagtipon upang lumikha ng nagniningas na pagmimithi. Pagmimithing wakasan ang kasuklam-suklam na pagkakait ng katiwasayan sa kaharian ng Watrenian.

"Marahil ay tama si Rankadal sa kanyang binitawang mga kataga. Gaano man kalawak ang dilim na bumabalot sa kapaligiran, isang katiting lamang na liwanag ang kailangan. Isang liwanag na nangangahulugang pag-asa ang maaaring sumiklab."

Ang liwanag na ito ay nadarama ni Penluna sa bawat pagpitik ng pulso at bugso ng mga damdamin ng mga kauri niya. Isang katiting lamang na liwanag ang tatalo sa kadiliman at ngayon ay mayroon siyang libong bilang ng pag-asa. Damang-dama niya ang init at nabatid niya ito nang mapagmasdang kumikislap ang kanilang mga pakpak.

"Ngunit mananatili itong hindi sapat." Sa gitna ng pag-angat ng kanyang pag-asa ay muli siyang nangamba. "Sa mga mata ni Racquelle kung saan mayroong apoy ng galit ang sumisiklab. Kailangang maparito ang kanyang ama. Kailangan namin ang tulong ni Rankadal."

"Penluna gumawa ka ng paraan!" Samu't sari ang natanggap na sigaw ng mga tainga ni Penluna.

"Bigyan mo kami ng sapat na hudyat upang pakilusin ang aming mga sarili!" nag-aalab na bulalas ng mga kauri niyang inaalis ang pangamba sa mga nakapalibot na pulutong ng mga kawal.

"Ang inyong mga pansin ay ituon dito!" sigaw ni Racquelle na nakapukaw ng pansin ng madla, "Ako ang siyang magbibigay hudyat sa pagsulong ng ating mga kauri! Pagmasdan ninyo kung paano ko wakasan ang buhay ng isang tao!"

Sa isang parisukat na lagusan sa ilalim ng entablado ay nag-aabang ang babae. Ang marahan na pag-angat ng selda ay siyang pagbilis ng pagtaas ng pagkasabik niya.

Nagdulot pa ng pagkainip sa kanya ang mabagal na paghatak ng walong kawal sa lubid na nakapulupot sa tugatog ng rehas. Gayunpaman ay mas pinili niyang hintayin ang kanyang pagkakataon hanggang sa tuluyan na nga niyang makita ang selda. Buong dangal niyang hinablot ang kanyang punyal sa kanyang lagayan sa balakang. Mataas na karangalan ang ipaubaya sa kanya ang pagkilos na kanyang isasagawa. Tiyak na masusuklian ang kanyang inilaan na pagtitimpi.

Subalit sa isang iglap, ang sumisiklab na apoy ng galit ni Racquelle ay bigla na lamang nilamon ng malamig na hanging humawi sa kanyang maiksing buhok. Nanigas ang kanyang katawan na tila ba binalot ng yelo. Maging ang kanyang mga matang nag-aalab ay nablanko na lamang. Ngayon ay nakaharap siya sa selda na may karamdamang maihahalintulad sa isang palito ng posporo na hinipan ng isang buhawi.

"Ano pang hinihintay mo Punongkawal?" Sa pagdako ng paningin ni Pinunong Ikillian sa selda ay nahanap niya ang kasagutan sa kanyang sariling katanungan. "Hindi ba't kayo ang nakatakdang maglipat sa kanila ng selda!?" bulalas niya sa mga kawal.

"Ang kadenang nararapat na gumagapos sa kanilang mga kamay ay naiwan sa loob ng selda." Kay hirap arukin ni Racquelle kung ano ang naganap. "Ngunit ang labasan ng selda ay nananatiling nakakandado. Maisasagawa na lamang nila ito kung—"

"Wala ang susi sa aking mga kamay, mahal na Pinuno," nauutal na pagbabalita ng kawal. "Kanina'y nasa aking pangangalaga lamang ang mga ito."

"Kung ganoon, sa papaanong paraan ito napasa kanilang mga palad!?" pasigaw na katanungan ni Pinunong Ikillian. "Masyado kang pabaya at hindi ka nararapat sa aking pagtitiwala sa kinaluklukan mong antas."

Kumaripas na lamang ng lipad ang kawal matapos mapagtantong nagkaroon siya ng pisikal na kaugnayan sa magnanakaw. Tandang-tanda niya na bumangga si Vincozen sa kanya bago pa man sila huminto. Ang pagkaripas niya ng pagkampay ng mga maninipis na pakpak ay idinulot ng kanyang sariling pangamba na mayroong mangyayaring hindi kanais-nais sa kanya. At hindi siya rito nagkamali sapagkat isang sibat ang binitawan ng kanyang kapwa kawal ang siyang kumitil sa kanyang buhay.

Believers Of Lies: Rise Of Watrenian (Book 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon