Chapter 8

21.2K 398 13
                                    

********

Pasensya na po sa mga readers ko if mejo natatagalan ako sa pagpost mejo busy lang lately. :) Pero bawi naman ako ng chapter 7 sa sobrang haba hehe hindi ko ata pansin na ganun kahaba yung chapter na yun.  anyway, enjoy lang po and thanks for supporting! :)

********



CHAPTER 8

            May kung ilang araw ding naging matamlay si Corine.  Hindi na muna siya nagsasasama sa mga kaibigan.  Hindi na rin niya nagawang harapin si Liam nang minsang pumunta ito sa bahay nila at ibinalik ang mga naiwang gamit nila ni Botchok sa kotse nito.  Hindi na rin siya pumupunta sa stadium para kalimutan ang mapapait na alala niya doon.  At sa mga panahon ding iyon, naging maunawain ang kanyang mga kaibigan at binigyan siya nang pagkakataong mapag-isa.

            At tulad nga nang dati, tanging ang bisikleta niya ang naging kasama niya sa pagpasok at pag-uwi galing ekswelahan.  Pilit niyang ibinalik ang dating kasiglahan kahit na nga nahihirapan siya. Mabuti na lamang din at hindi ganoon kalalim ang iniwang sugat ni Ian.  Mas naging masakit pa nga sa kanya ang pag-iwas niya sa isang tao… kay Liam.  Ang lalaking pinag-ukulan niya ng kakaibang pagtingin umpisa pa lang.  Pero ang damdamin niya’y tila isang bulaklak, namumukadkad sa simula pero sa bandang huli’y nalalanta rin lalo na nga’t kung hindi iyon naaalagaan.  At hindi na rin naman siya umaaasang pag-uukulan siya ng pagmamahal ni Liam lalo pa nga’t naging girlfriend siya ng kuya nito. Ang kapatid nitong nanloko sa kanya.

            Pinatatatag na lang niya ang sarili sa sinabi ng kanyang ama na hindi pa katapusan ng mundo.  Patuloy pa rin iyon sa pag-ikot at kailangan na lamang niyang sumabay sa ikot na iyon.  At alam niyang kailangan niyang maging matiyaga sa paghihintay sa tamang lalaki para sa kanya.  Isang lalaking totoong mamahalin siya ng buong-buo.

           

            Minsang pag-uwi niya sa bahay ay naabutan niya sa may lamesita ang ilang dosena ng white roses.  Hindi man sinasadya ay nagdulot iyon ng ngiti sa kanyang labi.  Agad pa niyang binasa ang card pero wala namang nakalagay na pangalan doon.

            “'Nay, kanino galing ‘to?”  Taka pang tanong niya sa ina na noo’y kakagaling lang din sa kusina.

            “Abah, malay ko…”  Umiling pa ito.  “Idineliver lang naman 'yan dito, para nga daw sa’yo.”  

            “Ganun po ba?”  Binaligtad pa niya ang card.  “Wala po kasing nakalagay na pangalan,”  Ipinakita pa niya ang card sa ina.

            “E kanino kaya galing 'yan?”  Taka rin ito.

            “Hindi ko po alam. Wala akong idea.” Kibit-balikat pa siya.  Wala talaga siyang maisip kung sino ang maaaring magpadala ng roses sa kanya.

            “Uy, ang ate may bagong boypend!” May pagka-bulol pang tukso ni Botchok sa nakakatandang kapatid.

            “Aba, ang anak ko may alam na sa gan'un!”  Si Genova na pinanggigilan pa nang halik ang bunsong anak.

            Si Corine naman ay napangiti lang sa isiping may bago siyang tagahanga.  Alam niyang kailangan lang niyang ihanda ang sariling magmahal ulit.

            Nang mga sumunod na araw ay halos sunud-sunod ang padala ng roses at chocolates sa kanya.  Hindi pa man niya nakikilala ang bagong admirer ay gumagaan na ang loob niya dito.  Pakiramdam niya'y  masasagot niya ang admirer ng 'di oras kahit pa ano siguro ang hitsura nito.

NO ORDINARY LOVETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon