Ikasampung Kabanata: Concerned o Selos?

4.6K 127 46
                                    

Nakatingin sa kanya ng seryoso si Joseph, hinihintay niya ang mga isasagot ni Sophia sa mga tanong niya. Aaminin na sana ni Sophia ang lahat, buti na lamang ay nakaisip agad siya ng ibang dahilan.

"Alam kong hindi siya si Mysty dahil nakapag-usap kami kagabi. Hindi ganyan ang boses ni Mysty," sagot ni Sophia kay Joseph

"Ano ka ba Sophia, sometimes magkaiba ang boses sa personal kumpara sa pag-uusap lang gamit ang gadgets," paliwanag naman ni Mysty na parang natatawa na sa itsura ni Sophia.

"Oo nga naman Sophia, and besides ilang beses ko na talaga siya nakakausap at iyan talaga ang mukha ni Mysty," wika ni Joseph. "C'mon Sophia let's just go back to our seats," pilit sa kanya ni Joseph.

"Pero inamin mo sa akin kanina na hindi ikaw si Mysty," dagdag pa ni Sophia

Tiningnan ni Joseph si Mysty na parang nagtatanong kung totoo ba ang akusasyon na iyon ni Sophia.

"Ah! Ang sabi ko, ano kaya kung hindi ako si Mysty. Magiging ganoon ba kabait ang pakikitungo ni Joseph sa akin. Pasensya na, medyo hindi mo pala naintindihan," palusot ni Mysty

Magsasalita pa sana si Sophia at kokontrahin si Mysty pero natigilan siya sa sinabi ni Joseph.

"Yun naman pala, hindi lang kayo gaanong nagkaintindihan," ani Joseph

Hindi niya maintindihan ang sarili niya. Para siyang sinaksak sa dibdib sa naramdaman, matapos mas kampihan ni Joseph si Mysty. Pakiramdam niya ay isa siyang saling pusa sa grupo ng mga batang ito. Gumuguhit ang hapdi, wala siyang kakampi at nag-iisa lamang.

"Ahh, medyo sumama kasi ang pakiramdam ko. Makisabi na lang kay Gil nauna na ako. Ok lang ba?" ayaw niya sanang iwanan ang kapatid, ngunit nag-aalala siya na baka kapag nakita niya ito ay hindi niya mapigilang maiyak.

"Sophia, please. I don't mean to offend you. Sige na bumalik na lang tayo," pilit sa kanya ni Joseph

Pero matigas si Sophia. Nasabi na niya na aalis siya kaya't aalis siya. Isa pa parang nainsulto ang pagkatao niya na siya na nga ang nagsabi ng totoo siya pa ang parang lumabas na katawatawa. Umarte na lamang siya okay at hindi nainsulto.

"Gaga, hindi ako naoffend. Masama na talaga ang pakiramdam ko. Kailangan kong magpahinga at may work pa ako mamaya."

"Ihahatid na kita, babalikan ko na lang sila. Malapit lang naman kayo dito," aktong lalapit sa kanya si Joseph ngunit hindi na siya pumayag.

"Hindi na. Okay lang ako. Malapit nga lang dito ang bahay namin, di ba? Saka baka walang kasama si Mysty pauwi, mas magandang siya ang ihatid mo." Ngumiti si Sophia kay Joseph ngunit nasasaktan siya. Kahit na sinabi niyang si Mysty na lang ang ihatid ay umaasa siyang mas pipiliin pa rin siya ni Joseph.

Ipinagkibit balikat na lamang ni Joseph ang sinabi ni Sophia. Ayaw niya nang ipagpilitan ang sarili niya at baka lalo pa itong magalit.

"Sandali, tatawagin ko si Gil. Para may kasabay ka na." Tumalikod si Joseph upang tawagin ang kapatid ni Sophia. Nag-aalala rin ito na umuwi si Sophia ng nag-iisa.

Ilang sandali pa at si Mysty at Sophia na lamang ang nandoon. Ngumiti si Mysty sa kanya na parang nang-iinsulto. Nginitian din siya ni Sophia, isang ngiting walang halong pagkainis o pagkasarkastiko. Para bang sinasabi nito na, sana ay maging maayos ang lahat kay Mysty sa kabila ng pagsisinungaling nito. Ikinagulat iyon ni Mysty, hindi niya inaasahan ang ngiting iyon ni Sophia.

Matapos iyon ay tumalikod na si Sophia at umalis. Pagtalikod na pagtalikod ni Sophia ay agad pumatak ang luhang kanina niya pa pinipigilan. Nasasaktan siya pero hindi niya maintindihan kung bakit. Kung tutuusin ay wala siyang karapatang masaktan sa naganap kanina. Pareho lang naman silang nagkukubli ni Mysty.

The Last Stop (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon