Ika-27 Kabanata: Ang Nalalaman ni Joey

3.2K 73 9
                                    

“Naging magkarelasyon sila ni Joseph?” tanong nito kay Ramon.  Hindi pa rin siya makapaniwala na ang babaeng nagugustuhan niya ay malapit sa kanyang anak.

“Hindi naman po.  Hindi po natuloy kasi nga umalis si Joseph.  Hindi po malinaw sa amin ang ibang detalye pero parang nakialam ho yata ang asawa niyo.” Paliwanag ni Ramon.

Sa mga oras na iyon ay hindi alam ni Joey kung ano ang mararamdaman niya.  Hindi niya alam kung dapat ba siyang magalit dahil nakialam na naman si Cecilia sa buhay ng kanyang anak o dapat ba siyang matuwa dahil hindi natuloy ang relasyon ni Joseph at Pia.  Pinipigilan niyang maramdaman ang bagay na iyon dahil alam niyang mali pero parang nagkaroon na siya ng pagtingin kay Sophia.  Hindi niya maiwasan ang makaramdam ng iba’t ibang bagay kapag kasama ang dalaga.

Nakabibinging katahimikan ang sinukli ni Joey kay Ramon.  Nag-alala tuloy si Ramon na baka may mali at biglang natahimik ang kanyang amo.

“May problema ho ba, Sir?” tanong nito kay Joey.

“Wala.  May isa pa akong ipapa-research sa iyo.  Apparently, si Pia or Sophia ay hinahanap ang kanyang totoong ama.  Iilan lang naman siguro sa buong Pilipinas ang may pangalang Antonio Chua-Lim kung tatantyahin mo ang edad mga 60-70 years old.” Utos ni Joey sa kausap

“Sige ho, tatrabahuhin ko ho agad ‘yan.”  Matapos iyon ay nagpa-alam nang muli si Ramon.

Nirepaso pa ng ilang ulit ni Joey ang dokumentong binigay sa kanya ni Ramon.  Bakit ba hirap na hirap siyang paniwalaan ang bagay na iyon?  Agad niyang pinindot ang kanyang cellphone at tinawagan si Sophia.  Hiningi niya ang numero nito noong huling beses na nagkita sila.  Ilang beses nag-ring ang phone sa kabilang linya bago iyon tuluyang sinagot.

“Hello Pia?  Si Joey ito, wala ka bang gagawin?  Kasi kung wala, baka p’wede mo akong samahan mamaya.” tanong nito kay Sophia

“Huy Joey!  Saan ba ‘yan?  Baka naman malayo, isasama ko si Diosa.” Paalam niya dito.  Ayaw niya ring lumabas nang mag-isa lalo na kung malayo at magtatagal siya.

“Malapit lang naman at hindi naman tayo aabutin ng matagal.  May pinapakuha lang sa akin tapos kakain din sa labas.  Malungkot kasing kumain ng mag-isa.” Dahilan nito pero ang totoo ay gusto niya lang malaman ang tingin ni Sophia tungkol sa kanyang anak.

“O sige, susunduin mo ba ako, o pupunta ako diyan.” Tanong nito kay Joey

“Susunduin na lang kita.”

“Mga anong oras naman?” tanong ulit ni Sophia

“Maya-maya lang.  Papaalis na rin ako, naghahanap na lang ako ng makakasama.  Buti nga pumayag ka.” Ani Joey.

“Ah oh sige, magre-ready na ako.” Sabay nagpaalam na si Sophia at nagsimula nang mag-ayos.

Pagbaba ng phone ni Joey ay agad niyang inisip ang pwede niyang gawin para magkwento si Sophia.  Ngayon, naiintindihan na niya kung bakit minsan ay alanganin ito sa pagkukwento tungkol sa buhay niya. 

*Teka, alam niya bang ako ang Papa ni Joseph at ayaw niyang ikwento sa akin ang bagay na iyon?* tanong niya sa sarili.

*Hindi naman siguro, hindi niya naman siguro sasabihin na masama ang ugali ko kung alam niyang ako ang Papa ni Joseph.* wika niya sa sarili

Sa isip-isip niya ay gusto niyang malaman ang tunay na nararamdaman ni Sophia kay Joseph.  Kapag nalaman niyang mahal pa rin ni Sophia si Joseph ay doon siya magdedisisyon ukol sa kanyang nararamdaman. 

Lumabas si Joey para tawagin ang kanyang sekretarya.

“Shane, cancel my appointment.  May mas importante akong pupuntahan.” Paalam ni Joey dito

The Last Stop (Completed)जहाँ कहानियाँ रहती हैं। अभी खोजें