Entry 20: Oxymoron

185 1 4
                                    

            "Sorry."

            Tiningnan ko ‘yung lalaki na nakatayo ngayon sa aking harapan. Kitang-kita ko kung paano gumuhit sa  kanina ay nakangiti niya na mukha ang pagkalito dahil sa simpleng salita na binitiwan ko.

            "Bakit ka nagsosorry?" tanong n'ya sa akin. Hindi ako umimik. Hinayaan ko na s'ya na lang mismo ang mag-isip kung ano marahil ang dahilan ng salitang 'yun.

            Tiningnan n'ya ako ng diretso sa mga mata at ganun din ako. Sa ikalawang pagkakataon ay nakita ko na nagbago ang ekspresyon na nasa mukha n'ya.

            Pag-aalinlangan, takot at kaba.

            "Nakikipag-break ka ba sa'kin?" walang paliguy-ligoy n'ya na tanong. Hindi ulit ako umimik.  Marahil ay sapat na ang katahimikan ko bilang sagot sa tanong n'ya na 'yun.

            "Bakit?" tanong n’ya ulit sa’kin sa isang basag na boses. Bakas na bakas sa tono n'ya ang iba't-ibang emosyon. Hindi ko mapigilan na makaramdam ng kaunting sakit lalo na at alam ko kung gaano kasakit para sa kanya ang ginagawa ko ngayon.

            Alam na alam ko dahil maging ako ay 'yun din ang nararamdaman.

            "Alam mo naman ang sitwasyon natin ‘di ba?" Tumango s’ya. "Ayaw sa akin ng pamilya mo. Hindi nila ako gusto para sa'yo at naiintindihan ko ang dahilan nila.”

            Hindi s’ya umimik. Siguro ay naisip n’ya na tama ang mga sinabi ko. Isa pa, sa simula pa lang ay alam na namin na ganito ang mangyayari. Noon pa lang ay alam namin na masasaktan din lang kami sa huli pero pinilit pa rin namin. Sumugal pa rin kami kahit alam namin na kahit ano’ng mangyari, maghihiwalay at maghihiwalay kami.

            Nakakatawa man pero hindi ko aakalain na tatagal kami ng ilang taon. Hindi na rin naman kasi bago sa akin ang eksena ng mga break up na tulad nito. Marahil ang kakaiba lang sa pagkakataon na ito ay hindi ako ang iiwan. Imbes ay ako ang mang-iiwan. Masakit pero alam ko na kakayanin ko.

             “Mahal mo naman ako ‘di ba?” Naramdaman ko ulit ‘yung sakit sa dibdib ko nang marinig ang tanong na ‘yun. Gustong-gusto ko sumagot sa kanya pero mas pinili ko pa rin na tatagan ang loob ko; ang patigasan ang puso ko. “Wala naman akong pakialam sa sasabihin ng pamilya ko.”

            Totoo na pwede namin ipaglaban kung ano ang meron kami. Pwede namin gayahin ‘yung mga kwento ng dalawang taong nagmamahalan tulad ng nasa libro o mga teleserye. Pero alam din namin na kung ipagpipilitan namin ito hanggang sa huli, pareho lang kaming masasaktan.

            “Mahal mo naman ako ‘di ba?” ulit n’ya.

            Gustong-gusto kong sabihin sa kanya ang totoo. Gusto ko ipagsigawan sa mundo na mahal ko s’ya, pero  alam ko na hindi pwede.  

            Hindi pwede kasi pareho kaming lalaki.

            Hindi pwede kasi hindi dapat…hindi katanggap-tanggap. Kahit na para sa amin, tama ‘yung nararamdaman namin, na ‘yun ang gusto at magpapasaya sa amin, mananatili pa rin ‘yun na mali sa kanilang paningin.

            “Mahal kita.” Nag-angat ako ng tingin. Sa pagkakataong ito ay nakita ko s’ya na diretso na nakatingin sa’kin. Ang kanina ay nag-aalinlangan n’ya na mga tingin ay tila bula na naglaho. Napalitan ito ng kasiguraduhan at pagmamahal.

            Nang mga oras na ‘yun, gusto kong umiyak. Naramdaman ko ‘yung nagwawalang sakit sa loob ko na gustong kumawala. Huminga ako ng malalim at pinilit na pakalmahin ang sarili ko bago tuluyang ngumiti at lumapit sa kanya.

OVAL 1: The DroppingUnde poveștirile trăiesc. Descoperă acum