Entry 10: Mi Amore

109 0 5
                                    

"No!" Malakas ang naging pagsigaw ni Adrianna na ikinagulantang ng buong klase nila. Napatingin ang lahat sa gawi niya na para bang nasisiraan siya ng ulo.

"Ms. Arida?" Napaangat ang tingin ni Adrianna at nakita pa niya kung paano siya tingnan ng kanyang guro habang inaayos ang salamin nito sa mga mata. "May problema ba?"

"W-wala po, Ma'am Gutierrez. Excuse me po." Yumuko si Adrianna bago dinampot ang kanyang bag at kumaripas ng takbo palabas ng kanilang silid-aralan.

Habol ang hiningang tinakbo niya ang daan patungo ng Science Building. Hindi niya maintindihan ang mabilis na pagtibok ng kanyang puso, parang may mali sa mga nangyayari ngayon. Tumigil sa pagtakbo si Adrianna at babalik sana sa gusaling kanyang pinanggalingan nang mapansin niyang biglang nag-iba ang ihip ng hangin. Napayakap siya sa kanyang sarili dahil sa lamig na hatid ng simoy niyon.

Napalingon sa paligid si Adrianna. Napalunok siya at nagimbal nang mapagtanto niyang pamilyar sa kanya ang lahat ng ito. Ang mga nangyayari ngayon ay katulad na katulad ng kanyang mga nagdaang panaginip, mga panaginip na naging dahilan ng paggising niya sa kalagitnaan ng gabi isang taon na ang nakalipas.

Mula noong sumapit ang araw ng kanyang ikalabing-pitong kaarawan ay may mga nakikita na siyang mga pangitain, mga panaginip na palaging nagdadala sa kanya sa tagpong ito, lalong-lalo na sa lugar na ito.

Ano ang gagawin mo?

Nanindig ang kanyang balahibo nang marinig ang mga boses sa isipin niya.

Nandito na naman sila. Ani Adrianna sa kanyang isipan.

Lumingon siya sa paligid at napagtanto niyang siya lamang mag-isa ang nakatayo sa gawing iyon ng eskwelahan, mas lalong nanindig ang kanyang balahibo nang mapansin niyang nakatayo siyang mag-isa malapit sa puno ng Balete. Namutla ng husto si Adrianna at wala sa sariling napatakbo papunta sa loob ng Science Building na nasa kanyang kaliwa.

Alam mo na ang gagawin mo, Adrianna. Alam mo.

Muli pang narinig ni Adrianna ang mga boses na animo'y nakasunod lamang sa kanya parati. Gamit ang palad ay pinahid niya ang luhang naglandas sa kanyang pisngi. Dire-diretso ang pagtakbo niya hanggang sa makarating siya sa tuktok ng gusaling pinasukan niya. Hindi niya alam kung bakit dito siya dinala ng kanyang mga paa ngunit pakiramdam niya'y dito siya dapat na magpunta sa mga oras na iyon.

Tumakbo ka na! Alam mo ang gagawin mo, Adrianna. Binalaan ka na! Iyon ang patuloy na isinisigaw ng kanyang utak ngunit iba ang ginagawa ng kanyang katawan. Para bang may sariling isip ito at patuloy ang ginagawang paghakbang patungo sa tagong lugar ng gusaling iyon.

OVAL 1: The DroppingWhere stories live. Discover now