Entry 3: Paglaya

190 1 4
                                    

“Miguel, maglaba ka na. Nasa likod-bahay na ang mga labahin.” Malamig na boses ng magulang ang sumalubong kay Miguel hindi pa man siya tuluyang nakakapasok sa loob ng bahay nila.

            “Opo, ‘Nay,” magalang niyang sagot dito saka inabot ang kamay nito para magmano. Mabilis nito iyong binawi.

            “Pagkatapos mo ro’n, magluto ka na ng hapunan. Bilisan mo.” Muli siyang sumang-ayon at umalis na ito. Marahil ay pupunta na naman sa kumare nito para makipagkuwentuhan.

            Sanay na siya sa ganoong uri ng eksena pagkakagaling niya sa eskuwelahan; sa kaniya iiwanan ng kaniyang ina ang mga labada, o kaya ay magluluto siya ng hapunan nila pagkatapos ay magliligpit siya ng kalat sa kanila. Mula pa pagkabata niya hanggang ngayon na nasa ikalawang baitang na siya sa high school ay wala pa ring pinagbago ang turing ng mga magulang niya sa kaniya – waring katulong lang. Ngunit ano pa ba’ng magagawa niya, e, hindi naman siya tunay na anak ng mga ito. Naiinggit siya sa ibang kabataan na yakap at halik ang natatanggap mula sa mga magulang. Kakaiba siya dahil imbis na iyon ang matanggap niya, utos at napakalamig na trato ang kaniyang natatanggap mula sa mga ito. Minsan pa’y sinasaktan siya.

            Tinungo niya ang kanilang maliit na kuwarto at inilagay sa isang sulok ang sukbit na bag na naglalaman ng mga kuwarderno at napakaraming aklat. Kasunod niyang hinubad ang suot na uniporme na naninilaw na dulot ng sobrang kalumaan, at ang itim na sapatos niyang halos matanggal na ang swelas. Naghanap siya ng maisusuot pagkatapos ay nagtungo na sa likod-bahay upang maglaba.

            Mamaya ko na lang gagawin ang mga takdang-aralin ko, aniya sa isip.

            Sa likod-bahay ay natagpuan niya ang tambak na labahin. Naroon ang mga damit ng kaniyang ama’t ina. Mga pantalon, shorts, blusa, at kung ano-ano pa. Tatlong araw pala siyang hindi nakapaglaba dahil nangalakal siya noon. Nang may maalala siya ay muli siyang bumalik sa kuwarto at kinuha roon ang kahuhubad lamang na uniporme.

            Inihiwalay niya ang mga puting damit mula sa mga de-kolor at sinimulang magkusot ng mga damit. Matapos ang mahigit isang oras ay natapos na siya sa ginagawa. Sa pagtayo niya ay naramdaman niya ang sakit ng kaniyang likod at ng mga tuhod. Tumatagaktak na rin ang pawis sa noo niya pati na rin sa likod ngunit hindi niya iyon ininda.

            “Magagalit si nanay kapag hindi ko ito natapos.”

             Dinala niya ang mga nalabhang damit sa may tabi ng bahay at isa-isang isinampay ang mga iyon sa nakakabit na mahabang kawad.

            Mula sa kinatatayuan ay natanaw niya sa malayo ang papalubog pa lamang na araw. Napakaganda ng kulay noon. Animo may mahikang nakapalibot doon na nagsisilbi nitong liwanag. Sa pamamagitan ng pagtitig doon ay gumagaan ang pakiramdam niya. Nakakahinga siya ng maluwag. Tila kasi umaangat mula sa mga balikat niya ang napakabigat na bagay.

            Dali-dali siyang nagtungo sa loob ng bahay nang maalala niya na kailangan pa nga pala niyang magsaing. Wala pa ang kaniyang ina, pati na rin ang kaniyang ama na marahil ay nasa inuman na naman. Kailangan na ulit niyang ihanda ang sarili sa pag-uwi nito.

            Isinalang niya sa apoy ang sinaing. Sunod niyang hinugasan ang mga platong nasa lababo. Pinagkainan iyon ng kaniyang ama’t ina kanina pang umaga. Habang naghuhugas ng plato ay napatulala siya nang makaisip ng panibagong pangyayari sa isinusulat niyang kuwento. Sa edad na labing-lima ay nakahiligan na niya ang pagsusulat. Dulot marahil iyon ng pagbabasa niya ng mga komiks na nahiram niya sa mga kaklase niya o kaya ay sa pagbabasa niya ng iba’t ibang uri ng kuwento. Sa pamamagitan ng pagsusulat, nababawasan ang tensyong kinikimkim ni Miguel sa kaniyang dibdib. Naiilabas niya ang mga saloobin niya nang siya lamang ang nakakaalam. Gustong-gusto niya ang pakiramdam kapag nagsusulat sapagkat wala siyang ibang naiisip kundi ang kagandahan ng buhay.

OVAL 1: The DroppingWhere stories live. Discover now