Entry 26: Hallucinogens

105 0 2
                                    

Kinuha niya mula sa kanyang baul ang isang larawan na matagal na niyang kinalimutan. Ilang segundo pa’y nakita na niya ang kanyang asawa na naghihintay sa sulok ng kanyang kulungan.

“Ang buhay ng isang tao ay tila isang luntiang dahon. Nalalanta ito dahil unti-unti itong kinalilimutan ng panahon. Kapag nawalan na ito ng halaga unti-unti itong matutuyot at mapipigtal sa tangkay ng buhay, ang ipinahiram ng Panginoon, at saka ito mahuhulog sa lupa upang doon na lamang mabulok,” wika sa kanya ng kanyang paraluman, si Elena.

Imbis na sumagot sa talinghagang binigkas ng kanyang asawa niyakap na lamang niya ito ng mahigit at walang tinirang patlang sa pagitan nilang dalawa.

Sa loob ng mahabang panahon ni Fernando sa kulungan, ngayon lang ulit siya binisita ng kanyang asawa at sa bawat minutong siya ay nasa loob ng malamig na rehas lagi niyang iniisip ang kalagayan ng kanyang asawa at ng kanyang mga anak. Sinikap niyang huwag mangamba at mangulila ngunit nang masilayan niya itong muli bigla na lamang tumalon ang kanyang puso dahil sa tuwa. Nagpasalamat siya sa Diyos dahil dininig na rin sa wakas ang kanyang kahilingan na masilayang muli ang mahal na asawa. Alam niya ring limitado lamang ang oras ng pagbisita kaya hindi na siya nagsayang pa ng oras.

Humiwalay siya sa yakap nito at matamang pinagmasdan ang mukha. Apat na dekada na ang lumipas ngunit wala pa rin itong pinagbago.

“Elena… masayang-masaya ako dahil naisipan mo rin akong bisitahin dito sa kulungan. Alam mo bang minsan ko nang pinangarap na tawagin akong tagapagbantay diyan sa labas upang kausapin ko ang aking bisita? Mababaw hindi ba? Haha. Bakit napatagal ata ang iyong pagdating? Kamusta na nga pala sina Ellen at Leandro? Kamusta ka na?,” sunod-sunod niyang tanong dito.

Pero… kakaibang sagot ang ibinigay sa kanya nito.

“’Wag mong kalimutang palitan ng lampin si Baby Len at Andrie ha. Kapag kinalimutan mo ‘yon lagot ka sa’kin,” ani nito sabay ngiti.

Napaigtad siya sa ngiting ito dahil ang mga mata ng kanyang asawa ay wala sa kanyang direksyon. Nakangiti lamang ito sa kawalan at tila ba hindi narinig ang kanyang mga sinabi.

“Elena sabihin mo sa’kin ang lahat ng nangyari nang ako ay mawala parang awa mo na,” hinawakan niya ng mahigpit ang kamay nito, napansin niyang kahit dumaan na ang mahabang panahon hindi pa rin ito nababahiran ng pagtanda at paghihirap simula nang siya ay nawala at sariling hinarap ang mga problema.

“Parang kailan lang maliliit pa ang ating mga anak ngayon malalaki na sila at nagkaroon ng mga nobyo at nobya. Si Ellen nga pala, oo ang anak mong babae, nakakagulat nga na siya ay ikakasal na pala. Ang bilis lang ng panahon ano? Ikaw kailan ka nga pala magpapatahi ng damit? Alam mo…  nakakaaliw talaga silang pagmasdan habang lumalaki. Totoong larawan sila ng ating pagmamahalan,” aniya at saka muling ngumiti. Ngayon nakatingin na ito sa kanyang direksyon.

Hindi niya alam ang salitang dapat sabihin. Bakit sari-sari ang mga sinasabi nito? May masama bang nangyari kaya siya nagkakaganito? Sinubukan niyang magsalita muli.

“Mahal ko, sana hindi ka na lang naparito kung may nararamdaman ka pala. Kung sasabihin mo lang sa’kin ang iyong problema baka maaari pa kitang matulungan kahit sa pinakamaliit na paraan,” tatawagin na sana niya ang tagapagbantay ng selda ngunit pinigilan siya nito.

“Alam mo… dapat lagi ka lang lumapit sa Panginoong Maykapal kapag ikaw ay may mga problemang kinakaharap. Huwag kang magpadalos-dalos sa iyong mga desisyon at huwag ka ring kakapit sa patalim. Masamang gawain ‘yon”.

“Pero na sa’yo ang desisyon kung sisirain mo ang ‘yong buhay katulad ng isang luntiang dahon na nawalan na ng halaga. Mas mahalaga pa rin ang pamilya kaysa sa mga materyal na bagay sa mundong ito. Huwag ka sanang magbago at panatilihin mo ang iyong kabutihan upang sa langit magkita tayong muli. Tandaan mo sana na lagi lang akong nakamasid sa’yo kasama ang Panginoon sa itaas,” muli nitong pinakita ang kanyang matamis na ngiti. Naliwanagan na si Fernando kung ano ang dapat niya pang gawin sa nalalabi niyang oras sa mundo.

Hindi na siya nagtanong kung bakit tumayo na ito at nagpaalam. Alam niyang tapos na ang oras ng pagdalaw, tapos na ang pagkikitang hinintay niya ng mahabang panahon. Oras na upang umalis.

“Paalam na mahal kong Elena. Pangako hindi ka na maghihintay pa ng matagal, aagahan ko ang pagsunod sa’yo”, ginawaran siya nito ng huling yakap at halik sa pisngi bago umalis.

Tiniklop niya ang larawan at maingat itong itinago sa kanyang sikretong baul.

“Mang Fernando sino po ang kausap niyo?,” pangsisiyasat sa kanya ni nurse Tim. Lumapit ito sa kanyang higaan at inilapag ang kanyang sisidlan ng mga gamit.

“Ah ang asawa ko nga pala, alam mo bang bumisita siya sa’kin kanina? Tapos nag-usap kami. Oo iyon nga! Bakit gusto mo ba siyang makilala? Sabihin mo lang ipapakita ko siya sa’yo,” may pagtitiwalang sabi ni Mang Fernando sa bagohang nurse ng mental hospital.

“Ay hindi na ho tara inumin niyo na lang po itong gamot niyo”.

Kinuha niya ang tableta at ininom. Lingid sa kanyang kaalaman isa na namang HALLUCINOGENS ang kanyang nainom.

OVAL 1: The DroppingNơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ