Chapter 10: Church Policies

Magsimula sa umpisa
                                    

Napaawang ang labi ko nang mabasa ko 'yon. "Bawal manligaw ng miyembro ang pastor? Paano kung na-inlove siya sa miyembro niya?" kunot-noong tanong ko kay Ate Christy.

Napatawa nang mahina si Ate Christy. "Kailangan niyang hintayin na lumago ang miyembro na 'yon at maging leader ng church."

"Ah, kapag leader na, pwede na?"

Tumango siya habang patuloy sa pagta-type sa laptop.

Pinagpatuloy ko ang pagbabasa.

2. Bawal lumabas o humayo nang dalawa lang kayo (babae at lalaki) na magkasama lalo na kung binata at dalaga pa.

Napakunot-noo muli ako at tinanong si Ate, "Te, bakit bawal ang babae at lalaki na magkasama?"

"Kasi baka kung anong isipin ng mga tao sa kanilang dalawa. Kailangan mag-ingat dahil hindi dapat maging katitisuran ang mga leaders ng church lalo na't sila ang nangunguna sa church."

"Paano kung bumili lang ng soft drinks? O kaya nagkasabay sa paglalakad sa daan?" tanong ko muli.

"May distance dapat. Mas maganda kung hindi kayo sabay sa paglalalad."

"Ah . . ." 'yon lang ang nasabi ko at pinapatuloy nag pagbabasa ko.

3. Bawal magkaroon ng kasintahan kung menor-de-edad ka o nag-aaral pa.

Ah. Kaya pala walang nagboboyfriend at naggigirlfriend sa mga tumatayo sa church. Nagkaroon ng kasintahan ang iba noong nagtatrabaho na sila.

4. Bawal mag-asawa ng di-mananampalataya. (Automatically DA after the wedding)

Naalala ko si Kuya Storm dito. Naririnig kong pinag-uusapan ni Tito Alvin at Ate Christy si Kuya Storm noong magpakasal ito kay Ate Fara. Bawal pala talaga kaya na-DA si Kuya Storm nang ilang months no'n. Hindi siya nakatayo sa pulpito sa loob ng ilang buwan.

5. Huwag gagawa ng eskandalo o hindi magandang bagay sa loob at labas ng church na magiging usapin ng mga tao.

"Paanong huwag gagawa ng eskandalo, Ate?" tanong ko ulit kay Ate Christy. Nakakacurious talaga kung paano hinahandle ng church ang mga ganitong bagay.

"For example, naglasing ka o kaya nakipag-away ka, at alam ng mga tao na Kristiyano ka at leader ka sa church. Syempre, magiging usapin 'yun ng mga tao, at masisira ang reputasyon ng church."

Bahagya lang akong napatango. "Ano pa?" muli kong tanong.

"Kapag sa lalaki, kung nakabuntis ka, at sa babae naman, kung nabuntis ka nang hindi kasal. In short, kapag nakacommit ka ng immoral sin. Magiging issue rin 'yan sa mga tao na ikakasira ng church kaya kailangan gawan ng action."

"Paano kung natukso lang?"

"Mapapatawad naman siya, pero kailangan niyang harapin ang consequences ng ginawa niya. May policies ang church at kailangan niyang sumunod kung gusto niya pang magpatuloy sa paglilingkod. Pero kung ayaw niyang sumunod, siya ang bahala kung gusto niya nang kumalas sa iglesia."

"'Yun nga, ate, eh. Paano kung maoffend kapag na-DA ang isang leader, tapos biglang magbackslide?"

"Hindi na problema ng church kung magbackslide siya. Bago naman kasi maganap ang DA, may dalawang warning muna, at kapag makulit siya, doon pa lang ang DA. Pero 'pag mga malala na sitwasyon, automatic na DA 'yon. Pero may usapin pa rin na mangyayari. Ipapaintindi sa 'yo kung bakit kailangan kang i-DA. Hindi pwedeng i-DA ka nang walang valid reason. Siguradong magbabackslide ka 'pag gano'n." Tumawa siya nang mahina.

"Lahat ba ng church may ganitong policy?" tanong ko.

"Bihira na lang ang churches na inaapply ang DA. Pero tayo, inaapply natin 'yan dahil iniingatan natin ang church. Iniiwasan natin na maging compromise at mangunsinti ng kamalian. Bilang isang church, kailangan magbantayan at panatiliin ang kabanalan sa bawat isa para sa pagdating ng Panginoon, wala tayong dungis. Mabuti nga DA lang ang atin eh. Sa iba tiwalag talaga."

Natahimik ako at binulay-bulay ang mga sinabi niya. Bigla na lang pumasok sa isip ko ang nangyari kay Papa. "Sana kahit sa mga pumapatay ng pastor may DA din. Pero dapat forever DA na," wala sa sariling sabi ko. Muli na namang nagising ang galit na nananahan sa akin, kaya napahigpit nang kaunti ang hawak ko sa papel.

Natigilan si Ate Christy at napatingin sa akin. Bumuntong hininga siya bago nagsalita, "Faith, kalimutan mo na ang nangyari. Nagsorry naman sila at hindi naman nila gusto ang nangyari."

Napalunok ako nang maramdaman ko ang paninikip ng lalamunan ko. "Hindi naman mababalik ng sorry nila si Papa," madiin na sabi ko.

"Hayaan mo na sila. Ang mahalaga kasama na ng Panginoon si Papa. Masaya na si Papa roon dahil wala nang stress," aniya nang may pagbibiro.

Pero hindi ako nakikipagbiruan sa kanya. Seryoso ako. Nakaasar isipin na 'yung mga may kinalaman sa pagkamatay ni Papa hindi man lang nanagot. Masaya pa nga sila ngayon sa ibang church. Mga Kristiyano sila na animo'y napakabanal pero may mga sungay naman na tinatago.

Binalik ko ang papel sa lamesita at hindi na pinagpatuloy ang pagbabasa niyon. Nawalan na ako ng gana. "Matutulog na 'ko," sabi ko.

Niligpit ang mga notebook ko, at saka dumiretso sa kwarto. Huminga ako nang malalim nang maisara ko ang pintuan. Dahan-dahan akong lumakad papunta sa kama at saka binagsak ang katawan ko roon.

"Hanggang kailan ko mararamdaman ito?" bulong ko habang nakatingin sa kawalan.

Isa lang naman ang solusyon diyan. Ang mawala ka sa mundo, bulong ng isip ko.

Against Our WillTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon