Chapter 39: Living Testimony

774 64 25
                                    

Kasalukuyan kong inaalis ang mga gamit ko sa aparador dahil papalitan ng bago iyon. Nagpagawa kami kahapon sa isang furniture maker noong nakaraang Linggo at ide-deliver ito sa bahay mamaya. Pupunta rin si Kylo dito para tulungan ako na ayusin ang kwarto ko.

Napatigil ako nang makita ko ang isang yellow box at mayamaya ay bahagya akong napangiti nang maalala ko kung sino ang nagbigay nito sa akin at kailan ito binigay sa akin noon.

Binuksan ko ito at nakita ko ang isang pirasong ng papel...

I love you.
- Kuya Neico

Pero napatigil ako nang makita ko ang isang blade na katabi nito na may mga pulang marka - mga tuyong dugo. Nang damputin at titigan ko iyon, inalala ko ang huling pagkakataon na ginamit ko iyon...

Napalunok ako nang maalala ko na sobrang bigat ng dibdib ko at parang gusto ko na lang na tuluyan nang mawalan ng malay sa mga oras na 'yon.

Hindi ko alam kung paano ko naatim na mabuhay na araw-araw gusto kong mamatay. Mahirap mabuhay... Sobrang hirap, lalo na kapag ayaw mo na at pagod ka na. Dumarating ako sa pagkakataon na gusto kong magsimula muli, pero hindi pala ganoon kadali kapag may mga sugat ka na tinatago at hindi pa lubos na naghihilom kun'di mas lalong nadaragdagan sa paglipas ng panahon.

Pero ano nga ba ang lunas dito?

Wala... Walang ano mang bagay ang makapaghihilom dito. Ganyan naging katigas ang puso ko at kasarado ang isip ko. Pakiramdam ko lahat ng nasa paligid ko ay walang k'wenta dahil hindi naman nila mababago ang takbo ng mundo ko. Walang magbabago kahit na ilang ulit pang iparamdam sa akin ng mga taong nasa paligid ko na may halaga ako. Wala akong pakialam. Hindi ang mga matatamis na salita nila ang kailangan ko sapagkat hindi 'yon ang nakikita ko sa sarili ko... Wala akong halaga. Wala akong kwenta. 'Yan ako. Napakumplikado. Ganyan talaga kapag punong-puno ka ng pagrerebelde, galit, at hinanakit sa puso. Pakiramdam ko nga dahil doon, tuluyan nang pinatigas ng Diyos ang puso ko dahil sa katigasan ng ulo ko...

Pero... hindi doon nanatili ang k'wento ng buhay ko...

Oo, walang ano mang bagay na makapaglulunas nitong mga sugat na mayroon ako, sapagkat hindi pala "bagay" ang lunas. Hindi dapat "ano" kun'di "sino". Sino ang lunas dito sa wasak at patapon kong buhay? Walang iba kun'di ang taong binigay ang Kanyang buhay para lang mabuhay ako...

Si Cristo...

Ilang sumbat at masasamang paratang ang binato ko sa Kanya. Ilang taon ko Siyang sinisi sa lahat ng nangyari sa buhay ko. Pero sa kabila ng mga 'yon, hindi ko lubos akalain na mararanasan ko pa rin ang habag at awa Niya sa buhay ko. Sa mga panahon na ayaw ko nang mabuhay, nananatili ang mga plano niya sa buhay ko bago pa man ako ipanganak sa mundo.

Lubos na kinamuhian at tinuya ko ang Kristiyanismo, pero ito rin pala ang magiging sandalan ko sa panahon na hindi ko na alam kung anong gagawin ko...

Ang Kristiyanismo ay iglesia ng Diyos. Kaya, kung nasa Kristiyanismo ang panig ng Diyos, lahat ng kumakalaban dito ay kumakalaban sa Diyos... At isa ako sa mga taong 'yon.

Maraming rason at dahilan para sukuan ako ng Diyos... Pero hindi Niya ginawa 'yon.

Tunay nga na sa buhay ng isang taong sukdulan na ang katigasan ng puso, ang Diyos lamang ang makapagpapalambot nito. Sa buhay ng isang taong namumuhay sa kadiliman, ang habag na lamang ng Diyos ang makapagdadala sa kanya sa kaliwanagan.

Kailan nagsimula ang lahat? Noong dumating ang isang araw na namalayan ko na lang ang sarili ko na nakaharap sa tapat ng salamin, pinagmamasdan ang sarili ko na suot ang kulay puti at magandang dress na niregalo sa akin ni Kuya Neico noong 18th birthday ko...

Against Our WillTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon