Chapter 5: The Care of a Brother

1.2K 75 11
                                    

Nagising ako na wala na si Ate Christy sa tabi ko. Ang aga naman niya umalis? sabi ko sa isip ko. Nag-unat ako ng kamay bago umalis ng kama at lumabas ng kwarto kahit hindi pa nakakapagsuklay. Siguradong sabog na naman ang kulot kong buhok. Dumiretso ako sa kusina dahil naroon ang banyo, ngunit napatigil ako nang makita ko roon si Kuya Neico na nagluluto. Amoy na amoy ko pa ang katakam-takam na amoy ng ginigisa niya.

Mabilis na tinungo ko ang banyo at pumasok doon. Nakakahiya naman kasi na makita niya akong mukhang bruha. Naghilamos ako at sinuklay ko ang buhok ko gamit lang ang mga daliri ko. Napapangiwi pa ako kapag sumasabit iyon.

"Ang laki mo na, Faith," sabi ko sa sarili ko habang nakaharap sa salamin. Medyo kahawig ko si Ate Christy dahil ganito ang hitsura niya noong medyo bata-bata pa siya. "Pogi mo talaga," sabi ko pa bago ako lumabas ng banyo. Saktong napatingin si Kuya Neico sa akin.

"Kain na tayo," aniya habang pinapatong sa lamesa ang sinangag na kanin. Nakita ko naman na pritong itlog at isdang tilapia ang ulam na nakahain.

Umupo siya sa isa sa mga upuan at pinikit ang mga mata niya para manalangin. Umupo na rin ko sa upuan na katapat niya at hinintay siyang matapos. Nang matapos siya, doon pa lang ako sumandok ng kanin. Sumulyap ako sa kanya. Nakamasid lang siya sa akin. Bahagya siyang ngumiti nang magtama ang mga mata namin. Lihim naman akong umismid at nagsimulang kumain.

"Uh, nasaan sina Ate Christy at Tito Alvin?" biglang tanong ko.

"Umalis na para sa crusade."

"Kailan sila babalik?"

"Hindi ko alam, pero baka three days sila roon."

Tumango lang ako at nagpatuloy sa pagkain. So, ibigsabihin ako lang mag-isang maiiwan dito sa bahay, sabi ko sa isip ko. May pasok kasi si Kuya Neico kaya siguradong aalis siya.

Nang matapos kaming kumain, ako na ang naghugas ng pinagkainan, habang si Kuya Neico naman ay naligo na para pumasok sa trabaho. Kinuha ko ang cellphone ko sa kwarto at tinawagan si Kylo.

"Hey, Faith! Kumusta ang bakasyon?" bungad nito sa akin at saka tumawa.

Umismid ako. "Papasok ka ba ngayon?" tanong ko sa kanya.

"Oo naman. Bakit?"

"Naiinip kasi ako rito sa bahay. Wala akong kasama. Kaya, gusto ko sanang pumunta riyan sa inyo."

"Kailangan ko pumasok. Pero bukas ng gabi, magkita tayo sa bahay."

"Gabi? Paano? May bantay ako. At saka bakit gabi pa?"

"It's my birthday tomorrow, and dinner ang ihahanda ni Mommy."

Napabuntong-hininga na lang ako. "Okay, try ko."

"Aasahan ko 'yan."

"Try ko nga. Ibigsabihin, 'di ako sure."

"Bahala ka."

"Basta kitakits na lang kapag nakatakas ako."

"Yeah. Bye," aniya, at tila may sama ng loob sa boses niya. Napailing lang ako.

Lumabas ako ng kwarto para pumunta sa sala at manood ng TV. Naabutan ko si Kuya Neico na nagpupunas ng leather shoes niya doon habang nakaupo sa sofa. Naka-ayos na ito at suot-suot na ang eye-glasses niya. Nag-angat siya ng tingin sa akin at tinanong ako, "Pwede ko bang kunin ang number mo?" aniya, "Para macontact kita habang wala ako sa bahay." Dinukot niya ang cellphone niya mula sa bulsa ng slacks niya. Tumipa siya roon bago inabot sa akin.

Nilagay ko naman ang number ko roon at binalik sa kanya ang cellphone niya pagkatapos.

"Huwag mong hayaang hindi nakalock ang gate. May lunch ka na, nasa oven. Init mo na lang," bilin niya sa akin bago siya tuluyang lumabas ng bahay at umalis.

Against Our WillTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon