Kabanata 29

19 2 0
                                    

ROSALINDA

"Dito muna tayo magpahinga, Binibining Rosalinda. Umupo ka muna sa malaking bato at titingnan ko ang 'yong paa." Bumaling ng tingin sa akin si Eduard.

Tumango ako sa kaniya at umupo sa malaking bato sa tabi ng isang puno ng niyog tulad ng sabi niya.

Umupo siya sa harapan ko. Itinaas ko ng konti ang saya na suot ko upang mas makita naming dalawa ang aking talampakan. Hinawakan niya ang aking paa upang mas matitigan niya pa ito ng maiigi. Napadaing ako sa sakit ng hawakan niya ang parte ng paa ko na namumula ng husto dahil sa maga nito.

"Dahan-dahan lang, Eduard. Masakit." Napahawak na ko sa kamay niya dahil sa sakit na aking nadama.

"Pasensiya na, Binibini. Hindi ko alam kung paano at bakit naging ganito ang 'yong paa, pero nasisiguro ko na nakakasama sa iyo kung patuloy ka pang maglalakad, Binibini." Tumingin siya sa akin nang may pag-aalala sa kaniyang mata.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya sinasabi sa akin kung ano ang ginawa at sinabi ng mga guwardiya civil sa kaniya nang pumasok sila sa isang kuwarto. Ayaw ko namang magtanong sa kaniya tungkol doon dahil gusto kong siya ang maunang magkuwento sa akin tungkol doon.

Isa pa, iniisip ko rin hanggang ngayon kung sino ang tao na tumulong kay Eduard at sa akin. Andrei ang pangalan niya at parang narinig ko na ito mula sa kung saan. Sumasakit na nga ang ulo ko sa kakaisip kung saan ko ba narinig ang pangalan na 'yon eh.

"Sa palagay ko ay napagod lang ang paa ko at naipitan ng ugat kaya nagkaganyan 'yan. Huwag kang mag-alala. Ipapahinga ko lang ito at gagaling na 'yan agad."

Napansin kong tila napaisip si Eduard sa aking pinahayag. Tinitigan niya pa ko gamit ang nangungusap niyang mata.

Kumunot ang noo ko sa titig niya at nakaramdam ako ng pagkailang lalo na nang maramdaman ko na naman ang pagwawala ng aking puso sa aking sistema.

"Sabihin mo, Binibini. Isa ka bang manggagamot sa inyong panahon? Nakakamangha dahil nalalaman mo ang mga bagay tulad nito." Isang ngiti ang ginawad niya sa akin habang puno ng pagkamangha ang kaniyang kayumangging mga mata.

Pinigilan ko ang aking tawa ng marinig ang sinabi niya. Putek! Nasa kolehiyo pa nga lang ako eh. Isa pa, hindi ko kailanman pinangarap maging isang doktor dahil takot ako sa dugo. Pagkatapos sasabihin niyang isa akong manggagamot. Mukha na yata akong matanda kaya naisip niya ang bagay na 'yon.

Bumuntong hininga ako ng malalim.

"Hindi yata maaaring mangyari ang sinabi mo, Ginoong Eduard. Kaya lang naman ako may kaunting kaalaman katulad kanina dahil tinuturo 'yon sa amin sa eskwelahan. Alam kong wala kang kaalaman tungkol sa paaralan na sinasabi ko kaya sasabihin ko na lang sa 'yo kung ano ito. Sa panahon namin, ang eskwelahan ay isang mahalagang sangkap upang maging maharlika ang isang tao. Kung wala ka nito, mananatili kang mahirap. Depende pa kung paano mo hahawakan ang sarili mong kapalaran." Tumigil muna ako saglit sa pagsasalita at inalala ang unibersidad na pinapasukan ko.

"Sa eskwelahan ay hindi mawawalan ng guro at estudyante. Trabaho ng isang guro na turuan ang isang estudyante batay sa profession na mayroon sila at trabaho naman ng isang estudyante na matuto sa kanilang guro at dalhin ang mga natutunan nila sa pagpapatuloy ng kanilang buhay." Yumuko ako nang maalala ang isang mapait na karanasan.

"Napaka suwerte naman pala ng panahon ninyo, Binibini. Sapagkat nagkaroon kayo ng pagkakataon upang matutunan ang mga bagay sa mundo."

Napangiti ako sa sinabi ni Eduard. "Tama ka, pero nakakalungkot lang dahil may pagkakataon na hindi natutupad ng isang guro at estudyante ang tungkuling mayroon sila. Isa pa, nakakalungkot din dahil hindi na umabot sa henerasyon na 'to ang kahalagahan ng edukasyon sa bawat kabataan."

"Ayos lang 'yon, Binibini. Hindi ba kaya ka naririto ay para balaan ang mga tao sa panahon mo kapag nakauwi ka na? Saka nagkita tayo siguro upang may matutunan din akong aral mula sa 'yo. Ikaw ang magsisilbing guro ko sa panahon ngayon at ako ang magsisilbing estudyante mo." Muli siyang ngumiti sa akin at saka dahan-dahan ibinaba ang namamaga kong paa.

Nagkita kami para. . . Teka! Naalala ko na!

Si Andrei. . . Siya 'yong kasama ng dalawang babae at dalawang lalake na nakita at nagpakilala sa akin sa mansion. Sila 'yong mga tao na parang katulad kong wirdo- ang ibig kong sabihin ay katulad ko kung kumilos.

Kaya lang, sabi ni Señora Anafe ay masama silang tao kaya baka kapangalan niya lang?

"Ginoong Eduard, sinabi niya ba kung-" Nahinto ako sa pagsasalita nang makarinig kami ng sunod-sunod na putok ng baril.

Napatayo ako ng wala sa oras, pero napadaing din ako sa sakit nang maitapak ko ang namamaga kong talampakan.

"Halika, Binibini. Kumapit ka sa akin nang mabilis tayong makapaglakad kahit papaano."

Walang sabi-sabi inilagay ni Eduard ang kamay ko sa kaniyang balikat.

Tumulo ng kusa ang luha ko. Ewan ko ba. Siguro dahil sa sakit sa talampakan o dahil sa sitwasyon namin ngayon? Pero, batid ng puso ko na nakakaramdam ako ng sakit dahil nararamdaman kong nagiging pabigat lang ako kay Eduard.

"Ginoo, bakit hindi mo na lang ako iwan? Mas mabilis kang makakatakas sa mga guwardiya civil at maililigtas mo ang iyong buhay kung iiwan mo ko." Lumuluha akong sumabay sa kaniyang paglalakad habang akay-akay niya ko.

"Balewala dahil wala akong buhay!"

Nabigla ako sa pagsigaw ni Eduard dahil ito ang kauna-unahang beses na sumigaw siya sa akin, pero mas natigilan ako sa pinahiwatig niya. Nakita ko ang pag-iwas niya ng tingin sa akin habang patuloy pa rin kami sa paglalakad.

"Ang ibig kong sabihin ay hindi na rin naman ako mabubuhay ng maayos kung mawawala ka. Mawawala ang natatanging babae na pinoprotektahan ko."

Parang nabingi yata ako bigla dahil sa sinabi niya at nawala sa aking isipan ang mga guwardiya civil na humahabol sa amin ngayon. Iyong sinabi niya ay sinabi na rin sa akin ng naging nobyo ko noon.

Bigla akong natahimik at tila nawala sa wisyo ang pag-iisip ko.

"Binibini, batid kong mali ang magmahal ngunit paumahin sapagkat hindi ko napigilan ang sarili kong mahulog sa 'yo sa loob ng maikling panahon."

Mas lalo akong hindi nakasagot dahil sa huli niyang sinabi. Lalo na nang bumangon ang kuryente sa aking sistema at lumakas ang pintig ng puso ko.

Panandalian lamang 'yon sapagkat muli akong nakarinig ng puntok ng baril, pero sa ngayon ay may natamaan na sila. Si Eduard.

✓DON'T LOVETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon