Kabanata 1

83 9 0
                                    

Rosalinda's POV.

Binalewala ko muna ang matandang babae at nagpalinga-linga sa aking paligid.

Alam ko na ito pa rin ang lugar kung nasaan ako, pero bakit ibang-iba na ang nasa paligid? Hindi na construction worker site ang nasa harapan ko kundi isang bahay-kubo. Hindi ko na napansin kung kailan nakaalis ang matandang babae at nawala dahil mas pinagtuunan ko ng pansin ang paglalakad ko pabalik sa mga lugar na pinuntahan ko kanina. 

Habang naglalakad ako ay parang nanghihina ang mga tuhod ko sa aking nakikita. Wala na ang parke na nakita ko kanina at puro matataas na damo na lang. Hindi na rin mga van, kotse, jeep o tricycle ang nakikita ko sa daan kundi mga kalesa na. 

Pakiramdam ko ay bumalik ako sa dati kung saan buhay pa si Dr Jose Rizal, pero paano nangyari 'yon? Ayon sa matanda ay 3100 years na at kung totoo naman 'yon ay hindi ba dapat high technology na ang panahon ngayon?

Umupo ako sa isang malaking bato at umiling-iling dahil sa naisip. Bago ako maniwala sa sinasabi ng matanda, hindi ba dapat akong maghinala muna kung totoo ba itong nasaksaksihan ko? Baka naman may pakulo lang ang gobyerno? Hindi eh. Iba na ang lahat ng lugar at bukod sa pagbabago ng mga sasakyan ay iba na rin ang mga kasuotan ng mga tao. 

Pakiramdam ko talaga ay bumalik ako sa nakaraan na baro't-saya pa ang uso.

Sa pagkakataon na ito ay pansamantala kong nakalimutan ang sakit na nararamdaman ko kani-kanina lang. Nasapawan kasi ito ng malakas na pagkabog ng aking dibdib dahil pakiramdam ko ay wala akong makakasama rito. Pakiramdam ko ay nag-iisa lang ako. 

Nang may dumaang babae na may dalang bayong sa aking harapan ay agad ko itong hinarang. Nakapuyod ang buhok ng babae at nakaputing saya siya. Sa tingin ko ay hindi pa naman siya gano'n katanda. Siguro ay mga nasa fourty pa lang siya. 

Napakunot ang kanyang noo nang harangin ko siya at tinitigan niya pa ko mula ulo hanggang paa. Nakaramdam ako ng pagkailang kaya napakamot ako sa aking batok.

"Ano 'yon, binibini?" walang emosyon na tanong niya sa akin. 

Bakit gano'n? Parang iisa lang ang expression ng mga taong nakakasalubong ko.

Ngumiti ako sa kanya bago ko siya sinagot. "P'wede ko bang malaman kung nasaan tayo ngayon? Isa lang kasi akong dayuhan sa lugar na ito."

Pinili kong magsinungaling sa kanya dahil parang gano'n na rin naman ang lagay ko sa ngayon. Isa pa, naiiba ang kasuotan ko sa kanya ngayon. Naka-short lang kasi ako at naka T-shirt. Isa pa, hindi ko talaga alam kung anong mayroon sa lugar na ito. 

Mas lalong nagsalubong ang kilay ng babae dahil sa sinabi ko. 

"Mukha kang Pilipino, pero iba ang kasuotan mo. Nandito ka ngayon malapit sa palengke ng Carmona, Cavite."

Pagkatapos niyang sagutin ang tanong ko ay muli siyang naglakad pagkatapos akong talikuran subalit nakakailang hakbang pa lamang siya ay hinawakan ko na ang kanyang braso at pinaharap muli sa akin.

Nakataas na ngayon ang isang kilay niya at bigla akong kinabahan kaya mabilis kong binitiwan ang kamay niya at muling ngumiti. 

"Maaari ko rin bang malaman kung anong taon na ang mayroon tayo ngayon?" Napaatras ako nang makitang mas lalong tumaas ang kilay niya dahil sa tanong ko.

Nakakatakot naman siya! 

"Tsk. Baliw ka yata, binibini. Tanungin mo na lamang 'yan sa iba." Padabog na naglakad palayo sa akin 'yong babae at tuluyan na kong iniwan nang hindi sinasagot ang aking katanungan. 

Nanghihina akong napaupo ulit sa malaking bato na inuupuan ko kanina. Kung kanina ay parang wala na kong kakayahang umiyak, ngayon ay tila nararamdaman ko na naiiyak na ko dahil sa mga hindi ko maipaliwanag na pangyayari.

✓DON'T LOVETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon