RESET 2019!

16 1 0
                                    

APRIL 10, 2020

Isang lingo na ang nakalipas simula noong huling labas ko ng bahay, at sigurado akong hindi lang ako ang nakararanas nito dahil sa pandemic na kumakalat sa buong mundo sa panahong ito. 

Kamarka-marka nga naman ang 2019, pero hindi ko akalain na mas kamarka-marka ang kahahantungan ng taong 2020. 

Aaminin ko isa ako sa mga taong gustong bumilis ang araw noong isang taon dahil sa mapapait na karanasang ayaw ko ng balikan. Madaming desisyon na hindi tama, at maraming nangyaring di ka-aya-aya, hindi lang sa akin ngunit pati na rin sa mga kaibigan ko. 

Siguro kung may isa man akong maipapasalamat sa kasalukyang sitwasyon, ito siguro ay ang kasipagang ibinalik sa akin para magsulat. Bonus pa na hindi lang ako, ngunit pati na rin ang isa ko pang matalik na kaibigan. 

Madalas naaalala ko ang libro ni Anne Frank, ang mga sinulat niya habang sila'y nakatago ay tumatagos ngayon sa akin at sa halos lahat ng tao. Mahirap, napaka-hirap. Madalas kada gising ko, pinapaniwala kong tapos na, na panaginip lang ang lahat, ngunit sa paghanda ko ng pagkain ko, sa pagbukas ng mga babasahin, andito pa rin siya. 

Wala pa ring nagbago at lahat ay kumakapit pa rin sa pag-asang isang araw lahat ay matatapos. Madami ng nawalan ng trabaho at nabawasan ng sahod. Sa kasamaang palad, isa ako sa madami kaya't sa tuwing sasapit ang gabi kapag ako at ang aking sarili na lamang ang magkasalo, hindi ko mapigil magdusa sa sakit at pahirap ng sitwasyon. 

Totoong nakakawala ng katinuan, nilalamon ako ng lungkot, problema lahat na. Minsan naiisip ko na rin na ano nga kaya't tumalon ako sa balcony at ng matapos ng lahat...

Gusto ko ng matapos...

Ngunit kapag naiisip ko ang nanay at tatay kong naghihintay sa akin na ako'y umuwi ng ligtas, napapawi ang lahat ng negatibo sa akin. Alalahanin ko lang ang gate ng bahay, yakap nila at amoy ng Pinas, kahit konti naiibsan ang lungkot ko at malaking bagay na nawawala sa isip ko ang kunin ang aking sariling buhay. 

Isipin ko pa lang yung luha ng nanay kong nagluwal sa akin, ay nadudurog na ang aking puso kaya't di ko lubos maisip kung paano nga ba nagawa ng iba ang ganoong desisyon. Ano nga bang sitwasyon meron sila na kinaya nilang tanggapin ang ideyang makakasakit sila ng mahal nila sa buhay ng panghabang buhay sa kanilang pagkawala. 

Hindi ko talaga lubos maisip. 

Sana sa pagdating ng mga susunod na araw, kahit na sabihin nilang ilang buwan pa ang lilipas bago matapos to, lahat tayo ay magpakatatag. Sabi nila may rason ang lahat, at kahit na bahagya sa aking pusong gusto ko siyang talikuran, nanatili pa rin akong sumasampalataya dahil sa rason na alam kong alam niyang makabubuti rin sa ating lahat. 

Hindi ako relihiyosang tao, lalo na't isa ako sa marami na naiinis sakanya dahil madalas kapag mali ang naging desisyon mo sa buhay, imbis na tanggapin ang kamalian ay mas madaling tanggapin na ito ay ginawa niya. 

Ngunit ngayon, hindi man kami close, at hindi man para sa akin, nawa'y lahat ng dasal ng mga niniwala ay dinggin, lalo na't alam kong may mas nahihirapan pa kaysa sa akin. 

Lord, wag niyo naman po kaming pabayaan. Kung parusa man ito sa lahat ng kasalanan ng tao, naway tanggapin mo ang aming pagsisi at tapusin mo na ang paghihirap na ito sa buong mundo. 

Salamat sa lahat, sa mga biyaya, sa buhay na bigay mong wala ring katumbas. 

Salamat at patawad, ikaw na po ang bahala. 

God Bless 2020

RESET 2019 [COMPLETE]Where stories live. Discover now