Para Sayo - Dear Kabataan

51 3 4
                                    

May 13, 2019

Alam ko hindi kayo interasado pero gusto kong sabihin na fan ako ng E-heads at Parokya ni Edgar, siguro lahat naman ng kabataang Pinoy kilala sila. At malamang din kahit hindi niyo trip ang opm pero madapa lang kayo sa playlist nila sa Youtube o kung saan man, tiyak ko hindi matatapos ang limang minuto na hindi kayo nakatapos ng isang kanta nila. 

Bakit nga naman ba kasi andaming may gusto sa tipo ng mga kanta nila kahit hindi naman talaga ganoon kagaling kumanta si Chito at si Ely? Walang notang mata-taas, at di na rin kailangang mag-parlor ng mga boses nila, in short walang arte.

Simple.

Diretso.

At walang liko-liko. 

Nakakamiss tuloy yung mundong wala pang masyadong magarang konsepto. Yung mundong mapuno, may tutube, may alitaptap, maraming higad at may hanging sariwa. 

Tipong asa manila ka pero parang asa probinsya ka pa din kasi may damuhan sa likod ng subdivision niyo, baka nga palayan pa e. Naalala ko pa may maliit na parang lawa doon sa likod namin na daanan ng tricyle, anliit nun ha! Pero na-chismis na may shokoy daw doon at promise talaga sa mura kong edad, paniwalang-paniwala ako na lagi akong nakapikit sa tuwing madadaanan namin yung lintek na lawa.

Tapos sa kada uwi mo galing school, matulog ka lang saglit pag-gising mo sa labas agad ang takbo kasi nag-aabang na yung mga kalaro mo. Hinahanap ka na ni Michael sa nanay mo kasi game na, ready na yung teks niyang nakalagay sa box ng sapatos. Naabutan ko pa yung pogs, pero palaayos na nung araw kaya hindi ko na alam laruin, teks na talaga tyka walang kamatayang jolen at goma.  

Ang daming laro dati na ang mahalaga lang ay sarili mo at ibang mga bata. Tipong may bato lang kayong dalawa, pwede ka ng magdrawing sa buhangin o sa simento ng box-box para makapaglaro na kayo ng piko. O kung may gustong sumali at dumami kayo ng hanggang sampu, yung drinawing mo para sa piko, i-adjust mo lang ng onte pwede ng pang-patintero. 

Tapos pag-nagsawa kayo dun, kuha ka lang ng lata, tumbang preso naman! Tapos hindi rin pilitan mag-exercise kasi andyan yung mga larong bam-sak (ibang version ng tagu-taguan), agawan base na lagi lang akong taga-bantay dahil ang bilis kong ma-huli, shato na lupa at kahoy lang ang puhunan at syempre ang walang katapusang 10-20 at chinese garter para sa mga babae (kung may award sa pagiging mother, siguro qualified na ko).

Andami, sobra kaya nga nakakalungkot na sa isang iglap, sa halos dalawang taon lang na pag-usbong ng teknolohiya, unti-unti na lang biglang nawala ang mga larong to. 

Siguro asa ikatlong baitang ako ng elementarya noong nauso tong hayup na Dota. Ang saya ko e, dami kong kalarong lalake pero dahil nga sa first blood na yan, bigla na lang kinabukasan solo-solo na kaming mga babae at dahan-dahang naging madalang ang pakikipaglaro sa amin ng mga kaklase namin. Sumunod pa dyan yung ragnarok at kung ano-ano pa hanggang sa nawala na talaga, nagulat na lang ako na asa High-school na ko at wala na...

Pagkukulong na lang sa loob ng kwarto ang alam ko, habang nag-hihintay ng daily top 10 sa myx at magsubaybay ng kung ano-anong anime. Kasisimula lang ng TV 5 noon, tapos diretso sila magpalabas ng anime sa isang araw. Wag ka, tatlong episode ng Speacial A na sunod-sunod! Sila rin ang nagpasikat sa Code Geas. Akala ko wala na tong katapusan at sa wakas kahit wala ng laro sa labas at least may anime ako sa bahay, pero ayun, isang araw naputol nanaman ang kaligayahan ko... Nagkaroon na ng mga hitad na artista ang paborito kong channel at talagang walang pasabing tinanggal ang mga mahal kong anime. 

Buti na lang kamo yung myx sa channel 23 hindi nawawala. Ayan tuloy nawili ako sa opm, gitara at music mag. Tapos kasabay pa neto ang pag-usbong din ng mga Japanese live action sa GMA! Gokusen brad, tyka Hana Yori Dango, nakakaiyak nakakamiss. Syempre bilang galing nga akong anime, talagang nawili rin ako dito. Sa tuwing pupunta nga ako sa kabilang bahay sa Makati noon, tulog na ang lahat pero ako gising pa dahil sa Animax. Wala kasi kaming... Ano ngang tawag dun? Yung maraming channel? Basta ayun! Pag-pasensyahan niyo na galing akong hirap. 

Hindi ko alam kung maswerte bang maituturing ang mga bata ngayon na hindi naranasan ang mga naging karanasan ko dati noong kami pa ang bata. Naisip ko tuloy, siguro mas masaya yung kabataan ng nanay at tatay ko noon kasi sakanila wala talagang di pindot na kahit ano, pati pa ata yung break game hindi pa uso noon. Nakakainggit tuloy isipin. 

Sana bumalik yung panahon na yung mga bata ngayon maramdaman pa nilang bata pa talaga sila, hindi yung wala pa silang sampung taon ma-e-expose agad sila sa kung ano-anong kabalbalan ng mundo. 

Sana mauso ulit yung salitang simple, at walang arte...

Sana pwedeng i-reset ang mundo. 

Reset sa araw na lahat ng tao iniisip pa ang mga salitang babanggitin.

Reset sa araw na hindi pa halo-halo ang lahat.

Reset sa araw na buhay pa ang salitang 'conserbatibo.'

RESET 2019 [COMPLETE]Where stories live. Discover now