CHAPTER 33 : Pinunit na Larawan

90 25 0
                                    

ALLEN

That night, hindi ako umuwi.

Hindi ako pumunta sa bahay para salubungin ang aking mga kapatid. Hindi rin ako tumuloy sa apartment para humiga sa malambot kong kama.

Napadpad ako sa alam kong lugar ng aking mga yumaong kalungkutan. Sa ilog sa likod ng mga matataas na halaman sa parke.

Malakas ang agos ng tubig ngayon. Umaampiyas pa nga ito minsan sa ‘king mga braso sa t’wing tumatama ito sa nakausling bato.

Nagpakawala ako ng isang malamig na hininga.

“Nandito na naman ako, ilog,” pagkausap ko sa rumaragasang tubig. Hindi na bago sa ‘kin ang kausapin ito. Siya na lang din naman ang nakakalikom ng mga tunay kong sikreto. Sa kaniya ko ipinapaagos ang lahat upang wala nang makatuklas pa.

Pinaparami ng bawat luha ko ang tubig nito. Sa lalim ng aking pinagdaraanan ay ganoon na lang din siguro ang lalim ng ilog na ito.

Niyakap ko ang aking mga tuhod nang muling gunitain ang ilang mga bagay na dito ko ibinuhos.

∞∞∞∞∞

“Hello ulit sa ‘yo, ilog ko,” paghagikhik ko sa sariling biro. “Kagagaling ko lang sa bukid—ulit. Need kasi ng extra panggastos sa bahay. Pero alam mo ‘yon? Bago pa mahawakan ni mama yung pera, naharang na kaagad ako ni lola. Parang naningil na naman siya ng upa sa sariling bahay.”

Nagbato ako ng napulot na patpat sa tubig.

“Pagod na pagod na ako, alam mo ‘yon? Ang unfair ng mundo. Ang hirap mabuhay. Kayod kung kayod,” maktol ko pa. “Hindi naman kasi dagsaan ang nagpapagawa sa ‘kin ng research paper kaya kailangan ko ring maghanap ng ilang alternative na pagkakakitaan. Gusto ko rin naman kasing makapagtapos ng pag-aaral mga kapatid ko kaya kahit sa simpleng tulong kong ‘yon e sana nakakatulong talaga ako.”

Pinakinggan ko lang ang kalmadong agos ng tubig sa ilog. Tahimik lang talaga siyang nakikinig sa ‘kin.

“May mga tao talagang kahit anong effort mo ng pagpapakabuti sa kanila ay babalikan ka pa rin ng masama ‘no? Minsan iniisip ko na lang na what if natuluyan na ako dati noong biglang nanghina puso ko. Magiging masaya na kaya ako no’n?”

Sumalok ako ng tubig sa kamay at muli itong ipinaagos pabalik sa ilog.

“Tama ka, ilog,” bulong ko. “Kailangan pa ako ng pamilya ko. Ano pa mang pait ng nararanasan ko.”

∞∞∞∞∞

Nakasandal lang ako sa malamig at matigas na bato, yakap-yakap ang aking tuhod. Umiiyak. Nawawalan ng pag-asa.

“Bakit may mga taong tulad ni Demi, ano?” hihikbi-hikbi kong siwalat muli sa matalik kong kaibigang ilog. “Hindi na niya ako tinantanan. Sirang-sira na ang pangalan ko dahil sa kaniya.”

Nakikipagbuno ako sa aking mga isipin. Parang tuluyan akong dinaganan ni Demi dahil sa bigat ng pakiramdam.

“Bakit ba hindi ako marunong lumaban?” tanong ko sa kawalan.

“Ipinagkakalat niyang kung sino-sino na raw nagalaw kong mga lalaki. Sa lahat ng sinasabi niyang ‘yon para akong ginagahasa—mentally. Parang napaglalaruan ang katawan ko. Parang nawawala ang dignidad ko.” Patuloy na humigpit ang yakap ko sa sarili.

“Alam ko namang dapat iniitsapuwera ang tingin ng ibang tao sa ‘kin pero ang hirap kasing nakikisalamuha ka sa mga taong ang tingin sa ‘yo ay isang maduming nilalang. Parang asong gala. Binabato ng kung ano-ano. Hinahayaang masaktan.”

Daylio: How Are You? (LGBTQ+) [Published as "Dayloh" under Paperink Publishing]Where stories live. Discover now