Chapter 4: Fake Sheep

Start from the beginning
                                    

Minsan, hindi ko maiwasang mag-isip ng masama tungkol sa Diyos. Palaging ipinangangaral sa simbahan ang kabutihan ng Diyos, pero bakit hindi ko iyon maramdaman? Kasi, kung talagang mahal kami ng Diyos, hindi niya hahayaang mawala sa amin si Papa, at mas lalong hindi niya hahayaang mamatay si Papa dahil sa sama ng loob. Hindi ba kahiya-hiya para sa isang pastor na katulad ni Papa na mamatay dahil sa kagagawan ng mga kapwa niya Kristiyano? Dahil sa sinapit ni Papa, nawalan na ako ng bilib sa mga Kristiyano. Maaaring may mga natitirang matino pa sa kanila, ngunit sa isang milyong Kristiyano, isa lang ang totoong Kristiyano. Inaangkin nila na sila'y mga tupa ng Diyos ngunit hindi naman nila kayang pahalagahan ang mga pastol na sinugo ng Diyos para sa kanila.

***

"Faith! Gumising ka na riyan!" dinig kong sabi ni Ate habang napakasarap ng tulog ko sa kama. Hindi ko siya pinansin. "Faith! Oras na! May Sunday service ngayon. Bumangon ka na riyan!"

Napakunot-noo ako ngunit nanatiling nakapikit. "Ayaw kong magsimba," yamot na sabi ko.

"Hindi pwede! Nakakahiya kay Tito Alvin. Bumangon ka riyan."

Binuksan ko ang mga mata ko at inis na bumangon paupo. "Wala namang gagawin doon, eh!"

Napahilot si Ate sa noo niya dahil sa kunsumisyon. "Faith naman, hanggang kailan tayo magtatalo tuwing Linggo? Ito ang araw para sumamba sa Diyos, kaya dapat kang sumama."

Napaismid ako. "Paano ako sasamba sa Diyos kung ganito ako?"

"Kaya nga nariyan ang church, Faith. Hindi ka magiging ganyan kung kakalimutan mo ang nakaraan at babalik ka sa Panginoon."

"Kahit kailan hindi ko 'yon malilimutan, ate. Sa tuwing nakakakita ako ng mga Kristiyano, bumabalik sa isipan ko ang pagkawala ni Papa."

"Hindi lahat ng Kristiyano katulad nila."

Nagtiim-bagang ako nang maramdaman ko na naman ang galit sa puso ko. "Talaga ba?" sarkastikong sabi ko.

Napabuntong-hininga lamang siya. "Sige na. Mag-ayos ka na. Nakikiusap ako sa 'yo."

Padabog na bumaba ako mula sa kama at kumuha ng damit sa kabinet ko.

***

"Bakit nga ba may mga Kristiyano na hindi nababago ang buhay?" pangangaral ni Pastor Alvin sa pulpito.

"Kasi hindi nakikinig ng preaching," mahinang sabi ko sabay tingin ng masama sa mga kabataang katabi ko na nagkukuwentuhan habang ang ilan ay nagseselpon.

Kanina pa ako asar na asar sa kinauupuan ko dahil sa nakikita ko sa paligid ko. Nakakawalan ng gana. Bad trip na nga ako, ganito pa ang aabutan ko sa church. Maiintindihan ko pa sana kung bago lang ang mga kabataang ito, pero hindi, e. Ang tagal na nilang mananampalataya pero hanggang ngayon bastos pa rin sa Salita ng Diyos. Naaalala ko pa ang sinabi ni Papa noon sa amin ni Ate: "Kapag hindi ka nakikinig sa pastor na nagbabahagi ng Salita ng Diyos, hindi ang pastor ang binabastos mo, kundi ang Diyos na nagsugo sa kanila." Kung tutuusin ako nga dapat ang maging bastos rito dahil may sama ng loob ako sa Diyos, pero mas may respeto pa naman pala ako sa mga Kristiyanong 'to na akala mo'y napakabanal kung magpost ng Bible verses sa social media. Sabagay, nagsisimba lang naman ang mga 'to dahil crush nila ang mga gwapong lingkod ng Diyos dito.

Nang dumating ang victory proclamation, asar na napaismid ako habang pinapanuod ang mga kabataang katabi ko lang kanina na hindi nakikinig ng preaching pero ngayon naman ay naglulundagan at sumasabay sa kanta. Akala mo talaga totoo, eh. Mga balat-kayo talaga.

Against Our WillWhere stories live. Discover now