Chapter 10

8.6K 335 2
                                    

HINDI maiwasan ni Flor na ngitian nang matamis si Zeph. Ilang umaga nang nililinisan niya ang tinutuluyan nito subalit noon lamang niya nakita uli ito. Maging si Greg ay hindi rin niya nakita. Ang sabi sa kanya ng kanyang kasamahan, ang siyang dating naglilinis doon, kapag wala raw ang lalaki ay kalimitang wala ito sa bansa at may inaasikasong ibang negosyo.

Itinanong niya kung anu-ano ang mga negosyo ni Zeph. Halos hindi siya makapaniwalang bukod sa hotel ay mayroon pa itong negosyo na sa pagkakaalam nito ay mga gamot daw. Marami pa raw iba na hindi na nito alam kung ano.

Ang totoo ay unti-unti na siyang nagiging interesadong malaman ang lahat tungkol sa binata. Ang kuryosidad niya ay magkahalong dahil nais niyang malaman ang ilang mga bagay tungkol sa mabait naman palang amo niya at ang isa ay sapagkat wala pa siyang nakikilalang tulad nito. Nakakapukaw sa interes niya ang buhay nito. Siguro ay dahil na rin natural sa isang taong walang alam doon ang nadarama niya.

Ngumiti rin sa kanya ang lalaki. Gaya noong unang makita niya ito roon ay nakaroba at mukhang bagong gising ito.

"Good morning!" masayang bati niya rito. "Long time, ah!" Medyo feeling-close na siya rito. Sana ay hindi nito masamain iyon. Mukhang hindi naman sapagkat hindi nito iniinda na kadalasan ay nalilimot niyang mangupo rito at gumamit ng "Sir." Parang mahirap na rin kasing gawin iyon pagkatapos ng nasaksihan niya.

"Good morning." Ang ganda ng pagkakangiti nito, parang ang sarap tabihan at magpakuha ng larawan. Siguro, isa sa mga araw na darating ay hihilingin niya iyon dito. Ipapadala niya iyon sa kanyang pamilya, kalakip ang isang magazine kung saan nakita niya ito.

Medyo malayo ang kuha nito sa magazine. Halatang hindi ito nag-pose para doon. Sa pagkakaalam niya ay hindi raw ito mahilig sa mga interviews. Hindi niya maunawaan kung bakit. Kung siya lamang iyon, aba'y papayag na siya. Pero sadyang iba na talaga ang mayayaman sa tulad niyang simple lang ang kaligayahan.

"Kumusta?" Patuloy na ipinasok niya sa loob ang kanyang trolley.

"I'm great, I'm great. How have you been?"

"Okay!" Hinarap niya ito, ngiting-ngiti pa rin. "Alam mo, gusto ko talagang magpasalamat sa 'yo na pinakinggan mo ang suggestion ko." Totoo iyon. Nabigla na lamang siya nang isang araw pagkatapos makausap ito ay mayroon na siyang natatanggap na pagkain sa tuwing break niya. Hindi niya alam kung iyon ay ang galing sa buffet lunch, subalit naisip niyang alangan namang hindi iyon mula roon. Alangan namang gumastos pa ang binata para sa kanya. Sino ba siya para paglaanan pa ng effort ng mga cooks?

Iyon nga lang, nagtataka siya dahil siya lamang ang binibigyan ng ganoon. Hindi na siya nagreklamo. Baka mamaya ay mawala pa iyon, aba'y sayang naman. Hindi rin niya matanong ang nagdadala sa kanya niyon kung galing iyon sa tirang buffet lunch dahil isang security officer ang tuwinang naghahatid sa kanya niyon. Hindi rin naman kasi nito alam. Dahil wala siyang access sa kitchen, hindi siya sigurado. Subalit nang minsang makita niya ang kitchen helper na noon ay nakita niyang nagtatapon ng pagkain, ang sabi sa kanya ay nailipat na raw ito sa ibang posisyon at hindi na rin nito alam.

Ipinagkibit-balikat na lamang niya iyon. Naisip na lang niyang kaya marahil siya lamang ang nabibigyan ay dahil nag-uunahan nang mag-uwi ng tirang pagkain ang mga taga-kitchen. Kaya lang siya naging espesyal ay dahil sa siya ang nagsuhestiyon niyon at marahil ay ibinilin na ni Zeph. Dahil doon ay malaki ang pasasalamat niya rito.

"What suggestion?"

"Iyong pagkain ba?" Bahagyang natampal niya ito sa kamay. "Thank you, ha? Naiinggit nga sa akin iyong mga kasamahan ko pero siyempre, gaya ng bilin n'ong nagdadala, hindi ko na sinabi sa kanilang nagbunga ang suggestion ko. Naiintindihan ko naman na baka nag-uunahan na rin doon iyong mga taga-kitchen."

"Right," sambit nito. "What did you tell them?"

"Wala. Noong tinanong ako, hindi ako nagsalita. Bahala sila sa buhay nila. Basta ako, may pagkain." Natawa siya, saka natampal na naman ito sa braso. "Ang sama ng ugali ko, 'no?" Natawa ito. "Alam mo, naibida nga kita sa pinsan ko, eh. Ang sabi niya, tunog-mabait ka nga raw talaga."

Ngumiti ito. "I don't think so."

"Sus, pa-humble ka pa riyan. Mabait ka naman talaga."

Wala itong masabi pero tila may nais namang sabihin. Siguro ay walang nagsasabi ritong mabait ito. Baka nahihiya rin ang mga taong sabihin iyon dito. Ikinatutuwa naman niyang nagagawa niyang makipag-usap dito nang ganoon kakaswal.

"Maglilinis na ako, ha? Salamat talaga."

"Join me for breakfast first."

Hindi na siya nagpakiyeme pa. Sumamana siya rito.

Ang Lalaking Nagmahal sa Akin (COMPLETED)Where stories live. Discover now