Chapter 11

8.7K 372 5
                                    

Sa pagkakataong iyon ay hindi nagpaka-garapal si Flor. Isa pa ay hindi rin siya gutom na gutom. Sa tuwing mapapatingin siya rito ay napapangiti siya kapag nakita niyang nakatingin ito sa kanya. Suwerte nga talaga siya na nailipat siya roon. Naisip niyang baka natuwa rin ito sa kanya kahit paano.

Dumaan na sa isip niya ang posibilidad na noong minsang nasagot niya ito ay natuwa pa ito sa kanya sa halip na mainis. Malamang na nainis din ito noong una—hindi naman maikakaila ang ekspresyon nito noon—subalit sa huli ay natuwa na rin sa kanya. Hindi naman sa pagmamalaki subalit sadyang may karisma siya. Sa katunayan, nag-text ang kanyang ina at ang sabi ay nagtutungo raw sa kanila maging ang mga customers ng Choleng's at itinatanong kung kailan siya babalik. Iyon ang biyaya sa kanya ng Maykapal—ang abilidad na makipagkapwa-tao.

Natutuwa siyang nakita iyon sa kanya ni Zeph sa kabila ng lahat. Tunay na matalinong tao ito. Hindi na nakapagtataka kung bakit napakayaman nito. Tuluyan na niyang binawi ang unang paghusga niya ritong isang masamang kamote ito.

"Tell me stories, Flor," sabi nito.

"Ano naman ang ikukuwento ko sa 'yo?"

"Anything. You're from San Dionisio, right? Saan ka nagtrabaho bago rito?"

Bahagya siyang kinabahan. Ang totoo ay may kaunting daya ang application form niya sa hotel. Inilagay niya roon na may work experience siya nang ilang buwan sa isang salon. Pinaganda rin ni Prospie ang tawag sa "kusinera-serbidora" sa karinderya. Ginawa nitong "head cook" sa isang "restaurant." Sa halip na "Choleng's Karinderya" ang inilagay nito roon ay ginawa nitong "Lola Choleng's Lutong Bahay." Nilagyan din nito iyon ng sandamakmak na duties and responsibilities na uso raw sa mga resumé ngayon. Kabilang sa mga duties niya na inilagay nito ay "organizes menus," "helps in formulating new business strategies," at kung anu-ano pang tulad niyon.

Tumikhim siya. "S-saglit lang ako sa salon diyan sa Makati. P-pero bago 'yon, naging cook ako sa amin. Sa San Dionisio, doon talaga ako nagtagal."

"You should be in the kitchen then."

"Okay lang kahit saan." Hindi siya makatingin dito. Bigla siyang nahiya.Ang bait na nga nito ay nagsinungaling pa siya. Pero ginawa niya iyon kaysa naman masilip pa nitong iba ang sinasabi niya sa nakalagay sa application form niya.

"You love to cook then?"

"Oo. Hindi naman sa pagmamayabang, masarap akong magluto. Natuto rin ako sa dati kong amo, si Nanay Choleng."

"Yeah, I read your resumé."

"Ah..." tanging nasambit niya. Mukhang tine-testing siya nito. Nabasa na pala nito ang resumé niya ngunit tinanong pa siya. Kinabahan na naman siya.

"What's the restaurant's specialty?"

"Ah... W-wala namang masasabing specialty. Mga ordinaryong putahe lang naman pero lahat masarap. Ako kasi ang nagluluto, eh."

"But you left your job there. Can I ask why?"

Nagkibit-balikat siya. "Mahabang paliwanag, eh. Sabihin na lang natin na mas masaya ako sa trabaho ko rito sa hotel mo. Mas maganda nang di-hamak ang benepisyo."

Ngumiti lamang ito, hanggang sa mauwi iyon sa pagtawa. Kumunot ang kanyang noo. Wala naman siyang sinabing joke, pero hayun at mukhang tawang-tawa ito. Matay man niyang isipin ay wala siyang sinabing maaaring makapagpatawa rito. Nang tumingin ito sa kanya ay nakangiti pa rin.

"It's not really a restaurant, I know. I'm sorry I had to ask. Gusto ko lang malaman kung paano ka magpapaliwanag."

Namutla siya. "P-paano mo nalaman? H-hindi mo naman siguro ako sesesantehin dahil doon, 'di ba?"

Ang Lalaking Nagmahal sa Akin (COMPLETED)Where stories live. Discover now