Chapter 29

7.3K 305 5
                                    

"HUWAG ka na munang lumakad ngayon. Magpahinga ka muna. Please naman, Zeph."

"Hindi puwede. May nakausap akong pasahero, eh. Susunduin daw namin sa airport iyong kapatid niya. Nakontrata na ako. Saglit lang naman ito."

"Inuubo ka na, eh. Sasama ako."

Natawa ito. "Marami sila. Hindi ka kasya."

"Basta kapag hindi mo na kaya, umuwi ka na agad, ha?"

Tumango ito, parang natatawa pa sa pagkabahala niya. Dalawang linggo na itong inuubo. Sa gabi lamang ito nakakainom ng gamot dahil inaantok daw ito kapag sa umaga uminom. Nag-aalala na siya sa kalagayan nito. Mayroon naman silang kaunting pera. Puwede naman itong hindi lumabas kahit ilang araw lang subalit ang tigas ng ulo nito.

Malapit na raw kasi ang Pasko. Magbabakasyon daw sila sa kanila nang mga ilang araw at kailangan nila ng pocket money. Kahit anong sabi niyang hindi kailangan iyon ay ang kulit nito. Wala na siyang magawa.

"What do you want for Christmas, huh?"

"Wala. Ikaw lang. Naiinis ako sa 'yo."

"O, nainis ka na naman. Bakit?"

Nilagyan niya ng bimpo ang likod nito. Tuwing umaga, nilalagyan niya ng bimpo ang likod nito pero sa tuwing uuwi ito ay wala na iyon doon. "Kapag ito'y wala rito mamayang gabi, lagot ka sa akin, ha? Seryoso ako, Zeph."

"Yes, ma'am."

"Seryoso ako."

"Relax, honey." Hinagkan nito ang pisngi niya at lumabas na. Napabuntong-hininga na lamang siya. Mayamaya ay umalis na rin siya. Nagtungo siya sa mga customers niya para maningil.

Nagbalik siya makalipas ang tatlong oras. Nagpasya siyang i-text na si Zeph. Pinauuwi na niya ito. Nag-reply ito sa kanya at sinabing maayos na raw ang pakiramdam nito at huwag na siyang mag-alala pa.

Alas-nuwebe ng gabi na ito nakauwi. May uwi pa itong lechon manok. Napapalatak na tiningnan kaagad niya ang bimpo nito sa likod. Tuyung-tuyo iyon, amoy-bagong laba. Halatang kababalik pa lamang niyon sa likod nito.

"Sinabi ko sa 'yo—"

"Sinabi mong gusto mong makita 'yan pagbalik ko. Nandiyan naman." Pa-cute pa itong ngumiti sa kanya, halatang guilty.

"Bakit mo ba inaalis?"

"Para akong bata."

"Eh, ano naman ngayon?" Tumaas na ang tinig niya. "Mas gusto mo pang magkasakit ka, ganoon ba?"

Hindi ito umimik. Niyakap na lang siya nito at hinagkan sa mga labi. Hindi na niya makuhang sermunan ito. Alam niyang pagod na pagod ito. Naghain na lamang siya at sabay na silang kumain. Habang naghuhugas siya ng pinggan ay narinig na lamang niya ang lagaslas ng tubig sa banyo.

Muntik na siyang mapatili sa inis. Kabilin-bilinan niyang huwag na itong maliligo sa gabi. Punas-hilamos lang ay ayos na. Hindi man lang ito nag-init ng tubig-pampaligo. Inis na binuksan niya ang pinto ng banyo.

"Ang kulit mo talagang lalaki ka! Pinuslitan mo pa 'ko!"

Tatawa-tawa ito. "I wanna smell good when I lie beside you."

"Hindi nakakatawa."

"Are you gonna close the door or are you gonna join me here?"

"Zeph, tumigil ka—" Nanlaki ang mga mata niya nang basain siya nito ng tubig. "Aba! Zeph, isa!"

"What are you gonna do, huh?" Binasa uli siya nito ng tubig. Napilitan na siyang pumasok kaysa mag-mop pa siya ng sahig.

"Dalawa!"

"You look so damned pretty when you're mad." Isang buong timba ang ibinuhos nito sa kanya. Napatili na lamang siya. "And so damned beautiful when you're mad and... wet."

Napabuga na lamang siya ng hangin. Nawala na ang inis niya. May kung anong kiliti nang naglaro sa himaymay ng kanyang katawan sa nakitang reaksiyon ng katawan nito sa kanya, unti-unti at nanunudyong hinubad ang kanyang mga damit.

"Come here." May paanyaya na ang tinig nito, burado na ang ngiti sa mga labi.

Marahan siyang lumapit dito at ikinawit ang mga kamay sa leeg nito, saka hinagkan ito nang buong alab sa mga labi. Marami na itong naituro sa kanya. Alam na alam na niya ang mga bahagi nitong ibig nitong hagkan niya, damhin, pagpalain. At ginamit niya iyon upang marinig ang ibig.

"Please go on, honey," anito nang tumigil siya sa paghalik sa balat nito.

"Ipangako mo munang hindi ka aalis bukas. Magpapahinga ka lang."

"Oh, God, why are you torturing me, you little witch?"

"Sabihin mo."

"I'll try my best. Please, honey."

Napangiti na siya at ipinagpatuloy ang ginagawa. Mahigit isang oras sila sa banyo. Nang lumabas sila ay kapwa nakangiti. Pinainom niya ito ng gamot bago ito mahiga. Kalagitnaan ng gabi ay nagising siya sa pag-ubo nito nang sunud-sunod. Bumangon kaagad siya upang salatin ang noo at leeg nito.

"Ikukuha kita ng tubig." Lumabas siya at nang magbalik ay iniabot dito ang isang basong tubig. "Hindi ka aalis bukas. Usapan natin 'yan."

Nakangiting hinaplos lang nito ang kanyang buhok. "I'm all right. Don't worry about me."

"Basta hindi ka aalis bukas, tapos ang usapan. Matulog ka na. Kailangan mong magpahinga." Naiinis siya sa pagkakataong iyon sa kanyang sarili. Dapat ay sa silid na lamang sila kagabi naglagi ngunit sa banyo pa sila pumuwesto. Baka lalong nalamigan ito dahil doon.

Nakatulog kaagad ito. Siya naman ay nagbantay lamang dito hanggang sa makatulog na rin siya. Nang magising siya kinabukasan ay wala na ito sa kanyang tabi. Bumalikwas siya ng bangon. Wala na ito sa buong kabahayan. Isang sulat ang nakadikit sa pinto ng refrigerator. Honey, I told you last night I would try my best and I did. I woke up this morning feeling great and I decided to work. I'm okay. No worries. I love you.

Napailing na lamang siya.


___

You may say thanks for the free reads by liking these pages:

www.facebook.com/vanessachubby

www.facebook.com/theromancetribe

Ang Lalaking Nagmahal sa Akin (COMPLETED)Donde viven las historias. Descúbrelo ahora