Chapter Thirty-Seven

14.2K 1K 284
                                    

Chapter Thirty-Seven


Pagbukas ng mga mata ni Solan, kaagad siyang nasilaw sa liwanag na bumati sa kanya. Napakurap siya hanggang sa mai-adjust ang kanyang paningin. Nakita niya ang isang pamilyar na lugar. Nandito siya sa mismong pwesto kung saan siya namatay.

Nakabalik na siya!

Tumingin si Solan sa paligid, hinahanap ng kanyang mga mata ang naiwang kapatid na si Vivian. Tumingin siya sa pwesto kung saan nandoon ang higanteng puno. Namangha siya nang makita ang mga sirang kabahayan sa paligid nito. Parang may buhawi na dumating at sinira ang mga bahay. Sa gitna non ay ang higanteng puno ng balete, hindi na ito gumagalaw at ang mga dahon nito ay nalagas na. Ang katawan nito ay natuyot na parang ilang taon nang patay.

"Solandis..."

Narinig ni Solan ang mahinang pagtawag sa kanyang panglan. Nakita niya si Alastair hindi kalayuan sa kanya. Nakatingin ang binata sa kanya na parang hindi sigurado sa nakikita. Wala ang mapaglarong ngiti na palagi nitong ipinapakita tuwing kaharap siya.

Mabagal itong naglakad palapit sa kanya, unti-unti iyong bumilis hanggang sa marating siya nito sa kanyang kinatatayuan.

"You're back," bulong nito sa tono na puno ng hindi kasiguraduhan.

Na-estatwa si Solan habang kasalubong ang mga mata ni Alastair. May kung anong emosyon siyang nakita sa mga mata nito na hindi niya maipaliwanag. Mabilis iyong nawala at napalitan ng tingin na nabibilang sa isang mabangis na hayop. Puno iyon ng pagkagutom at tila ba gusto siyang kainin nito.

Napaatras si Solan dahil sa pag-iiba ng aura ng lalaki, madilim na katulad sa nagbabadyang bagyo. Para siyang nakatingin sa ahas, hindi siya makagalaw at tuluyan na siyang nalunod sa mga mata ng binata. Napasinghap siya nang bigla na lang siya nitong hapitin sa kanyang baywang at yakapin nang mahigpit. Para bang gusto siya nitong ibaon sa katawan nito.

Muntik nang lumabas ang kanyang puso mula sa kanyang dibdib dahil sa takot. Ang akala niya ay gusto siya nitong patayin. Bakit ba parang nakaramdam siya ng galit mula kay Alastair? Para bang may nagawa siyang malaking kasalanan dito?

Saglit na nablanko ang kanyang isip. Ramdam na ramdam niya ang init ng katawan ng binata. Ramdam niya ang katawan nito. Napuno ng pagkalito ang kanyang isip. Hindi niya magawang itulak palayo ang lalaki. Siguro ay dahil sa boses nito... o sa higpit ng yakap nito.

Hindi niya gustong aminin na napuno rin siya ng takot noong mamatay siya sa laro. Ang akala niya ay hindi na siya makakabalik pa. Natakot siya para sa kapatid na si Vivian. At ngayong tapos na ang lahat, ngayong nakabalik na siya, ang mainit na yakap ni Alastair ay nagbigay sa kanya ng magaan na pakiramdam.

"ATEEE!!!"

Naramdaman ni Solan ang pagbunggo sa kanyang binti. May mahigpit na yumakap mula sa kanyang tagiliran. Bigla niyang naitulak palayo si Alastair.

"Vivian! Okay ka lang ba?" tanong niya sa kapatid. Lumuhod siya at ininspeksyon ang katawan nito. Nakahinga siya nang maluwag nang makita na wala itong sugat.

Pinunasan niya ang mukha nitong basang basa ng luha. Mugtong mugto ang mga mata nito at nahihirapan makahinga dahil sa sobrang pag-iyak. Nakaramdam si Solan ng kirot sa kanyang puso para sa kapatid.

"Ate... a-akala ko hindi ka na babalik... hwag mo akong iwan..." iyak ni Vivian sa kanya saka siya muling niyakap. Pinulupot nito ang mga braso sa kanyang leeg at isiniksik ang mukha sa gilid nito. Binuhat niya ang bata at hinagod ang likod upang pakalmahin.

"Sorry, Vivian. Hindi na ulit aalis si ate. Hwag ka nang umiyak."

Habang abala si Solan sa pagpapatahan sa kanyang kapatid, halos lumuwa naman ang mga mata ni Lucille sa nasaksihan kanina. Bahagya pang nakabukas ang kanyang bibig dahil sa gulat. Sobrang daming tanong sa kanyang isip, para siyang isang lumang computer na nag-freeze. Hindi niya magawang i-process nang mabuti ang pumasok na data sa kanyang utak.

They Came from the SkyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon