Chapter 1

1.1K 32 1
                                    

Laila's POV

Tumayo ako sa likod ni Nicola at nginitian siya sa salamin. Ngumiti din siya at patuloy pa din ang pagsusuklay sa curly niyang buhok. "Male-late ka na. First day mo sa school di ba?" Paalala ko sa kanya kahit alam ko naman na hindi siya titigil sa pagsuklay hanggang hindi yata kumikinang ang buhok niya. Mayamaya ay marahang binaba ni Nicola ang suklay at humarap sa akin. "Excited na 'ko ate."

"E-Excited din ako para sa'yo." Alanganin kong sagot. Natural lang naman na ma-excite sa unang araw ng pasukan. Pero takot ang nararamdaman ko para sa kapatid ko. Dahil hindi lang ito ang unang araw ng pasukan kundi ito rin ang unang araw niya na papasok sa isang school, isang public high school na may populasyon na halos isang libong estudyante. Ito rin ang unang araw niya na mawawala ng halos walang oras sa bahay na mag-isa lang siya at kasama ang mga hindi pamilyar na tao. Ito ang unang araw na mamumuhay ng normal ang kapatid ko!

"Okay na ba tong suot ko?"inosenteng tanong ni Nicola.

"O-oo. Para kang si Princess Sara."

"Talaga?" Namilog ang bilugan ng mga mata niya at kumislap sa saya.

Dahil hindi normal na maiituring, syempre pa ay hindi marunong tumanggap ng joke ang kapatid ko, papuri ang dating noon sa kanya. Pero totoo naman kasi na para siyang si Princess Sara. Naka-bestida siya na kulay dilaw na may ribbon sa gitna ng kwelyo at may ruffles sa laylayan na umabot sa tuhod. Naka-medyas siya na puti sa brown leather na sapatos. Ang backpack ay leather din. At ang dumagdag sa outfit niya at isa ding indikasyon na malayo sa mundo ng mga normal at ordinaryo ang kapatid ko ay ang mahabang buhok niya na curly sa dulo at may pink na ribbon pa sa gilid. Samantalang lahat yata ng kabataan ngayon ay nagpapa-straight. Sa totoo lang ay bagay naman kay Nicola ang get-up dahil napakaganda niya. Malalim ang mapupungay na bilugang mata, matangos na maliit na ilong at mapupulang labi. Mukha talagang manika na galing sa Pransya. Maganda man siya pero sana kasi ay limang taong gulang pa lang siya para kakatuwaan pa ng makakakita ang get-up niya pero labinglimang taon na siya. Ang mga ka-edad niya ay mahihiya ng magsuot ng bestida at mas ginagaya na ang outfit ni Hana Montana...

Napabuntong-hininga ako. Huli na kasi nang ma-enroll si Nicola kaya nagkaubusan na ng uniform na ini-issue ang school.

"Tara na."

Lumabas na kami ng bahay at kinuha ko na rin ang mga gamit ko. First day ko rin sa school at nasa huling taon na 'ko sa college. Kung sana lang ay iisa kami ng school na papasukan para mabantayan ko si Nicola. Kaso nasa pinaka-city ang papasukan ko samantalang ilang kanto lang ang school niya. Mabuti na rin iyon para malapit dito sa bahay namin. At madali siyang makakauwi.

Nasa terrace si Nicola at nagpapaalam kay Papang na nakaupo sa tumba-tumba. Hindi na nakakapagsalita ang ama namin simula nang ma-stroke noong isang taon. Panay ungol na lang ang ginagawa.

"Bye, Papa. Papasok na kami." Masuyong hinalikan ni Nicola si Papa sa ulo.

"Alis na kami, Pa." Paalam ko din. Tinuturing kong normal ang sarili ko pero pakiramdam ko ay hindi ako normal na anak. Hindi ko kasi kayang magpakita ng paglalambing sa mga magulang namin.

Nakita ko ang Inay na nasa ibaba ng hagdan at nagwawalis.

"Bye, Aling Myla." Paalam ni Nicola dito.

Napangiwi ako. Isa pang komplikasyon ng pamilyang 'to. Hindi alam ni Nicola na nanay ko si Aling Myla na kilala niya bilang 'house-help' daw, ayon mismo sa salita niya.

Kasalanan ko din naman at ng buong bahay na to dahil walang nagtatama kay Nicola sa akala. Okay lang din naman yata kay Inay. Iisa lang naman ang dahilan, komplikado ang paliwanag at hindi namin maatim na sabihin iyon kay Nicola dahil masisira ang kinalakihan nitong sariling pantasya.

Ang Pag-ibig ng BarumbadoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon