Chapter 15

139 3 6
                                    

It's been three days at nandito pa rin kami sa Dubai. Kahapon pa dapat kami nakauwi pero may mga 'di inaasahang pagkakataon talagang bumabali sa plano. Nahirapan kasi si Sir Wade na i-close ang deal sa pagitan nila ng isang kilalang businessman dito sa Dubai dahil sobrang metikuloso nito at hindi agad nakukumbinsi, kaya ayun, delayed. Buti ngayon ay naging matagumpay ang naging meeting at finally, nakaprinta na sa kontratang inilahad ni Sir Wade ang pirma ng businessman na iyon.

At kasalukuyan din kaming palabas na sa company building nila. Napapalingon pa ako sa likod dahil sobrang nakakalula sa laki at sa gara ng disenyo nito. Noong ibinalik ko ang tingin sa unahan ay nahagip ko ang ngisi ni Sir Wade habang nakatitig sa aking mukha. Tila umakyat ang dugo sa aking mga pisngi sa hiya. Baka isipin pa ni Sir Wade na sobra kong ignorante.

"Gusto mong magpicture?" alok niya habang nilalabas ang kanyang cellphone.

"Ah..." napakamot ako ng ulo at nahihiyang tumawa. "Hindi po, namamangha lang kasi talaga ako sa building kaya tinatanaw ko."

"Minsan lang tayong makapunta rito kaya dali na. Picturan kita."

Napatango na lamang ako at nahihiyang inabot sa kanya ang cellphone ko. "Ito nalang po gamitin niyo, Sir. Thank you po."

Lumayo siya bahagya sa akin upang siguro ay makita nang kabuuan ng building. Hindi ko na alintana ang mga taong naglalabasan mula doon. Ngiting-ngiti lang ako sa harap ng camera. Tatlong takes, at lumapit nang muli sa akin si Sir Wade. Pinakita niya ang kuhang pictures. Nakadukwang ako sa cellphone na nasa pagitan namin upang makita ng klaro ang kuha niya. Ramdam ko naman ang pagtama ng kanyang hininga sa buhok ko sa likod.

"Ang ganda mo dito..." nangingiti niyang sambit na siyang dahilan ng bahagyang panginginig ng aking kalamnan. Mabilis akong umayos ng tayo.

"Salamat po," mahina kong sambit at pekeng tumawa. "Ah, halika na Sir, sobrang init na dito."

Inabot lang ni Sir Wade sa akin ang aking cellphone at niyaya akong magpalamig muna sa isang restaurant na nasa tapat lang nitong building. Doon na rin daw kami kakain ng pananghalian. Hindi naman ako makahindi. Siya na nga itong nagbabayad ng lahat ng expenses sa trip na 'to tapos aarte pa ako?

"Talaga bang 'yan lang kakainin mo?" tukoy ni Sir Wade sa inorder kong beef steak. "You can order some other recipes."

Umiling lamang ako habang hinihiwa ang aking ulam at magalang na sumagot, "Huwag na, Sir. Sapat na sa akin 'to. Salamat."

Gustuhin ko man na kumain nang marami, hindi naman ako pamilyar sa pagkaing nasa menu, tapos baka di ko pala magustuhan ang lasa masasayang lang. Isa pa, nakakahiya kay Sir Wade.

"Ikaw bahala. Basta kung gusto mo pang mag-order, don't hesitate, okay?" pangungulit niya pa. "Minsan lang naman 'to."

"Sige Sir," tipid kong sambit at pinagkaabalahan na ang aking pagkain.

"Nga pala. I'm thankful that you're here."

Natigil ako sa pagnguya at mabilis na lumipad ang tingin ko sa kanya, sa kanyang mga nangungusap na mata. May matamis na ngiting nakaguhit sa kanyang mukha.

Sinuklian ko na lang din ito ng ngiti sabay sabing, "Trabaho ko pong pagaanin ang trabaho niyo, Sir, bilang sekretarya mo."

"That's what I like about you, Jean," makahulugan niyang sagot at inabot ang kanyang glass upang sumimsim ng wine. "Anyway, congratulations to us for having closed the deal with a well-established company."

"Congratulations, Sir," bati ko rin sa kanya. Syempre suportado ko rin ang boss ko.

Matapos kumain ay dumiretso na kami sa kanya kanyang hotel room upang makapagcheck-out at sabay nang magtungo sa airport. Naghintay lang kami doon ng kalahating oras at ayun na, lumilipad na ang eroplano pabalik sa Pilipinas.

Buong biyahe, si Miro lang ang nasa isip ko at napapangiti nalang ako. Mukha namang napansin iyon ni Sir Wade nang magkomento siya.

"You look more excited now kesa noong papunta pa tayong Dubai," natatawang sambit niya sa aking tabi. Nakasandal ang ulo niya sa backrest pero nasa akin naman ang kanyang tingin.

Napatango na lang ako at tinanaw mula sa bintana ang nadadaanang mga ulap. "I just miss home, Sir. Minsan lang kasi akong umalis nang bahay nang ganito katagal."

Buntong-hininga. Napalingon ako sa kanya dahil sa narinig. Ang lalim din noon ah.

"May problema po ba?" tanong ko, 'di maipagkaila ang kuryosidad sa akong boses.

"Wala, I just thought ang swerte ng asawa mo sa'yo."

Para akong nabilaukan sa sarili kong laway dahil sa narinig.

"Po?" iyon lang ang nasabi ko.

"I said, maswerte ang asawa mo sa'yo."

Ngumiti siya sa akin pero hindi naman abot sa kanyang tenga. Pagkatapos ay inayos niya ang kanyang pagkakaupo bago ipinikit niya na ang kanyang mga mata. Hindi ko mapigilang tumitig sa kanyang mukha kasabay ng pangungunot ng noo ko. Hindi nalang ako nagsalita hanggang sa dumating kami sa airport.

"Isasabay na kita pauwi, Jean, para di na hassle sa'yo ang magcommute," suhestiyon ni Sir Wade nang tuluyang makalabas kami sa airport. Itinuro niya ang kanyang kotse na nakaparada na sa gilid. Mukhang kanina pa naghihintay ang driver.

Napakamot ako sa ulo at magalang na tumanggi, "Naku, Sir, okay na po ako dito. Magtataxi nalang ako."

"No, I insist. Halika na. Alam ko namang pagod ka kaya mas mainam na may kasama kang pauwi."

Napapailing ako pero sumuko na lang din. Ewan ko anong connect ng pagod at may kasama. Pero sige, dahil gusto ko na rin talagang makauwi agad.

Tahimik lang din naman kami sa byahe. Pagdating namin sa bahay, agad akong nagpasalamat sa kanya bago bumaba. Ngumiti lang din naman siya at nagpasalamat din. Kung para saan, siguro dahil sa pagsama ko sa kanya. Hinintay ko munang sumibad na ang kotse bago ako pumasok ng bahay.

Awtomatikong kumurba ang labi ko sa isang malapad na ngiti nang salubungin ako ni Miro sa hamba ng pintuan. Dapit-hapon pa naman kaya narito pa siya. Basa pa ang kanyang buhok at hawak ang saklay sa magkabilang kamay.

Ah, my Miro. I felt like it's been years that we were away. I miss him so much. Inilang hakbang ko ang distansya sa pagitan naming dalawa, at kinulong ko sa aking nanlilimos na yakap. Para akong muling binuhay ng presensiya niya. Nawala lahat ng pagod ko mula sa byahe.

Kampanteng nakasandal ang ulo sa kanyang dibdib habang ninanamnam ang sarap ng pakiramdam na makapiling ko siyang muli ngunit agad akong napahiwalay sa kanya nang mariin niyang sinabing, "Hindi ka na sana umuwi."

tender touchWhere stories live. Discover now