Chapter 1

731 53 110
                                    

"Dy, pakitingnan iyong kanin na sinaing ko sandali," utos ko kay Miro na kasalukuyang nakaupo lang sa kama, pinagmamasdan akong mag-blowdry ng aking buhok.

"Sige," tipid niyang sagot at mabilis na inabot ang kanyang saklay na nakasandal sa headboard ng kama.

Walang isang salitang naglakad siya palabas ng kwarto namin, suportado ng saklay ang bawat mabigat na hakbang. Napabuntong-hininga na lamang ako habang sinusundan siya ng tingin patungo sa sala hanggang lumiko siya sa kusina.

Isang palapag lamang ang aming bahay. Pangarap ko noong magpatayo ng bahay na may dalawa o tatlong palapag. May blueprint na nga sanang nagawa si Papa noong eighteen pa ako, bago ko pa naging boyfriend si Miro. Ngunit noong naging kami at nagkasundong magpakasal, hindi ko na itinuloy dahil alam kong mahihirapan ang asawa ko.

Pagkatapos kong mag-ayos ay sumunod din ako sa kusina. Nadatnan ko si Miro doon na nagsasandok ng kanin mula sa rice cooker gamit lamang ang isa niyang kamay. Ang isa naman ay nakakapit sa saklay. Tila may tumusok sa puso ko nang makita siyang nahihirapan sa ginagawa kaya mabilis ko siyang nilapitan. Agad na dumapo ang tingin ko namumula niyang pala-pulsuhan.

"Tulungan na kita," puno ng pagsuyo kong sambit at marahang hinawakan ang sandok na hawak din niya.

Umungot siya at agad na umilag. Napasinghap ako nang tumama ang kanyang siko sa aking braso. Mapuwersa ang pagkasagi nito kaya napahawak ako sa parteng natamaan. Mabilis na lumipad ang kanyang tingin sa kamay ko na tumatabon sa aking braso.

"Sorry, ang kulit mo kasi," turan niya sa napipikong boses.

Ngumiti na lamang ako at sinabing okay lang. Agad din siyang nag-iwas ng tingin at ibinalik na ang lid ng rice cooker. Ipinatong niya sa ibabaw nito ang sandok. Hawak pa rin ang braso'y sinundan ko na lamang siya ng tingin habang inaayos niya ang kapit sa kanyang kaliwang saklay.

Mukhang hindi maganda ang gising ng asawa ko ngayon.

Bitbit sa kanang kamay, marahang inilapag ni Miro ang bowl ng kanin sa counter. Sumilay ang matamis na ngiti sa aking labi. Ang kaunting bigat ng kalooban kanina'y nabura at muling sumulat sa puso't isipan ko ang pagmamahal para sa kanya.

Mabilis akong lumapit kay Miro at niyakap siya mula sa likuran. Napansin ko ang paninigas ng kanyang katawan, senyales ng kanyang pagkabigla. Napahagikhik ako nang mahina. Para namang hindi na ito nasanay. Agad kong isinandal ang aking ulo sa malapad na likod ng aking asawa.

Hinigpitan ko pa ang aking pagyakap, 'di alintana ang sakit ng braso na bahagyang naiipit ng saklay. "Ang sweet ng asawa ko."

"Jean..." Napabitaw ako nang nahimigan ang lamig sa kanyang boses. Muling naglaho ang ngiti sa aking labi. "Kumain ka na."

Nangunot ang aking noo. Imbes na sumunod ay marahan ko siyang hinawakan sa braso at pilit na pinaharap sa akin. Tamang puwersa lamang upang 'di siya matumba o ano man.

Pilit kong pinalambing ang aking boses sa kabila ng inis na nararamdaman. "May problema ba, Miro?"

Sinubukan kong hulihin ang kanyang mata ngunit nanatili ang kanyang tingin sa gilid ng counter. Tila ba ayaw niyang makita ako.

"Miro..." Marahan kong hinaplos ang kanyang pisngi.

Mabilis niyang iniwas ang kanyang mukha. "Kumain ka na at baka ma-late ka pa sa trabaho mo."

Tila may kumurot sa aking puso nang umatras siya't ako ay tinalikuran. Tears pooled in the corner of my eyes. Isang buntong hininga ang aking pinakawalan habang pinagmamasdan siyang maglakad palabas ng kusina. Diretso ang kanyang lakad ngunit hindi no'n maitago ang hirap sa bawat pag-alsa ng kanyang saklay.

tender touchWhere stories live. Discover now