Chapter 6

24 2 0
                                    

SA KANYANG silid naman, balisa pa rin si Alexis. Ang ginawa niyang paghalik kay Angela ay lalong hindi nakapagpatulog sa kanya. Lalo pa't muli na naman niyang naalala ang kapangahasang minsan na nilang pinagsaluhan ng dalaga bago pa ito mawala sa buhay niya noon.

Subalit pinili niyang ipikit muli ang mga mata sapagkat kailangan niyang magpahinga para makapagsimula sa pag-iimbestiga tungkol sa diary. At ilang sandali pa ay nakatulog na siya.

Ngunit sa pagpikit ng kanyang mga mata, muling nagbalik sa kanyang gunita ang ginawang kapangahasan sa dalaga. At kasabay niyon, isang bangungot ang labis na nakapagpabalisa sa kanya nang magising siya kinabukasan.

Nakita niya roon si Angela na nabaril daw ng mga taong tumutugis sa kanila.

Napatay ito dahil ito raw ang sumalo ng balang dapat ay sa kanya tatama. Bago ito malagutan ng hininga, patuloy ito sa paghingi ng tawad at saka nagtapat ng tunay nitong nararamdaman sa kanya.

Patuloy naman ang pag-iyak niya nang matiyak niyang patay na ito.

Doon siya humihingal na napabalikwas ng bangon.

'Oh, God! Bakit ganoon ang panaginip ko? Ano'ng ibig sabihin niyon?' litong tanong niya sa sarili. 'Sana naman, hindi magkatotoo iyon. Hindi ako papayag na mangyari iyon sa kanya. Ako muna ang kailangan nilang mapatay bago si Angela. Pero... pero kung sakali mang... magkatotoo iyon, baka tuluyan na akong mabaliw. Sapat nang napatay si Mama na hanggang ngayon ay hindi pa malaman kung sino ang tunay na salarin. Hindi ko na makakaya pa kung tuluyan nang mawala si Angela sa buhay ko.'

Sa dami ng kanyang isipin, pinili ni Alexis na magtungo muna sa kabayanan upang makapag-relax. At kahit papaano ay maialis sa isipan niya ang matinding alalahanin para kay Angela.

Gamit ang kotse ni Joel na kanyang hiniram, tinahak niya ang daan patungo sa kabayanan. Sementado na ang mga daan papunta roon kaya naman hindi na siya nahirapan pang baybayin iyon.

Nang makarating na siya roon ay ipinarada niya sa isang tabi ang kotse at lumabas na.

Maraming napatingin sa kanya nang makababa na siya sa kotse. Kahit na doon na siya lumaki at nagkaisip, ang sampung taong pagkawala niya sa kinilalang bayan ay sapat na marahil upang maging isang estranghero siya sa mga tao rito.

Nagpatuloy lang siya sa pagmamasid sa paligid habang palakad-lakad nang biglang huminto sa kanyang harapan ang tatlong lalaki na mahihinuha niyang nasa labing-siyam na ang edad ng bawat isa.

Ang nasa kaliwa ay nasa 5'2" ang taas at medyo kalbo. Pinakamatangkad naman ang nasa gitna na mahihinuhang 5'7" ang height. Mas guwapo ang lalaking iyon sa tatlo. Mas malaki rin ang katawan nito dahil sa malapad na dibdib at mga muscles. Samantalang ang pangatlong lalaki ay medyo mataba at kasingtangkad ng unang lalaki.

Sa pagkatitig ni Alexis sa tatlong lalaki, alam niyang kilala niya ang mga ito. Hindi lang niya matandaan kung paano at kailan niya nakilala ang mga ito.

"Kuya Alexis?" Nananantiyang tanong ng lalaking nasa gitna.

"O-oo. Sino kayo?"

"Kami 'yong mga batang tinuturuan n'yo ng martial arts noon. 'Yong lagi kayong kinukulit para turuan kami."

Bahagyang kumunot ang kanyang noo.

May naaalala nga siyang mga batang nasa siyam na taong gulang ang edad na tinuruan niya ng martial arts noon.

Hindi nga siya nagkamali. Kilala nga niya ang mga ito.

"Celso?" Tanong niya sabay turo sa pinakamatangkad.

Nabakasan ng katuwaan ang binata.

"Opo. Ako nga po si Celso. Ito naman po sina Butch at Marcus." Inuna nitong ipakilala ang kalbo bago ang lalaking may katabaan.

✔ | CHRONICLES OF THE ROSES BOOK 1: I Won't Ever Leave YouWhere stories live. Discover now