Chapter 5.3

1 0 0
                                    

IKALAWANG gabi pa lamang ni Alexis sa hacienda subalit ito ang unang gabing hindi nakapagpatulog sa kanya dahil sa labis-labis na katanungang nasa kanyang isipan na hindi agad mahahanapan ng kasagutan. Idagdag pa ang mga sikretong alaala nila ni Angela na muli niyang nakikita sa kanyang isipan na nagpapaigting sa init na ilang taon din niyang ikinubli sa kanyang sarili.

Lalong-lalo na ang tungkol sa misteryong bumabalot sa diary na pag-aari ng kanilang ninuno. Hindi na niya alam kung saan pa ibabaling ang kanyang isipan para magawang resolbahan ang mga bagay na biglang sumulpot sa kanya ngayong nagbalik na nga siya sa hacienda.

Litong umalis sa kanyang kama si Alexis at tila wala sa sariling tinungo ang hallway papunta sa dulong silid. Ang silid ni Angela.

Nag-aalangan pa siyang kumatok sa pinto ng silid nang siya'y makarating na roon. Subalit nang makita niyang maliwanag mula sa siwang ng pinto sa ilalim, alam niyang may tao pa sa loob ng naturang silid.

Pinili niyang maghintay kung may lalabas sa silid na iyon. Nang walang marinig ni mahinang kaluskos, bahagya niyang itinulak ang pinto at sumilip.

Wala siyang nakitang tao sa loob kaya nagpatuloy na siya sa pagpasok at pagpunta sa kama ni Angela.

Malambot ang sahig dahil sa carpet kaya hindi marinig ang yabag ng mga paa ni Alexis.

Natagpuan niya ang sarili na matamang tinititigan ang payapang pagtulog ni Angela habang siya'y nakaupo sa gilid ng kama nito. At sa pagtitig na ginawa niya rito ay isang bagay ang nasiguro niya sa sarili.

'Hanggang ngayon, hindi ko talaga maitatangging mahal na mahal pa rin kita, Angela. Kahit noong mga panahon na akala kong patay ka na, nanatili pa rin ang pag-ibig na iyon sa puso ko. At ngayong muli kitang nasilayan, hinding-hindi na kita hahayaang mawala sa buhay ko.'

Kung gaano katagal niyang tinitigan si Angela, hindi niya alam. Basta natagpuan na lang niya ang sarili na masuyong hinahaplos ang pisngi ng dalaga.

'Hindi ka pa rin nagbabago, Angela. Parang hindi lumipas ang sampung taon. Kung may pagbabago man sa 'yo, sa tingin ko ay lalo kang gumanda.'

Dahan-dahang inilapit ni Alexis ang kanyang mukha sa mukha ng dalaga at ilang sandali pa ay masuyong inilapat niya ang kanyang mga labi sa nakapinid na mga labi ni Angela.

Banayad lang ang halik na iyon na ilang sandali lang nagtagal.

"I'm sorry kung hinalikan kita sa ganitong kalagayan. Maraming taon kong pinangarap na gawin ulit sa iyo ang bagay na ito, kung alam mo lang. Kung wala tayo sa ganitong sitwasyon, baka sakaling natupad na ang pangarap ko noon pa man na pakasalan ka. I never thought of marrying anyone else all this time, kung alam mo lang," wika niya sa dalagang natutulog pa rin. "That's how much I want you in my life even back them. So, please... Please, bumalik ka na. Bumalik ka na sa buhay ko, Angela. Hindi ko na kakayaning mawala ka pa sa buhay ko sa ikalawang pagkakataon. Sapat na ang sampung taong pangungulila ko sa 'yo."

Pagkatapos niyon ay kinitalan niya ang mga labi ng dalaga ng isang mabilis na halik.

Saka siya tumayo at lumabas ng silid na iyon.

xxxxxx

LINGID sa kaalaman ni Alexis, nauulinigan ni Angela ang mga sinabi ng binata sa kanya.

Ang totoo, hindi pa siya talaga natutulog. Nakapikit nga ang kanyang mga mata subalit hindi nakikisama ang kanyang utak.

Hindi malaman ng dalaga kung ano ang magiging reaksyon sa mga sinabi ni Alexis kanina. Halo-halong emosyon ang namamayani sa kanyang dibdib ng mga sandaling iyon.

Kilig, tuwa, at takot.

Kilig at tuwa dahil hindi niya akalain na hanggang sa mga sandaling iyon ay pareho pa rin pala sila ng nararamdaman ng kababata. Noon pa man, mahal na niya si Alexis subalit wala siyang lakas ng loob na sabihin ang bagay na iyon sa binata noon. Kahit ilang beses nang muntik may mangyari sa kanilang dalawa.

Dalawang muntikang pangyayari na hanggang ngayon ay hindi mawala sa kanyang isipan. Kahit nang mawala ang kanyang alaala noon ay ilang beses na nagpapakita ang mga iyon sa kanyang mga panaginip.

Kaya naman matinding kalungkutan ang sumasakanya nang magbalik siya sa hacienda tatlong taon matapos ang aksidente at hindi niya naabutan doon ang binata.

Ngunit mas namamayani ang takot sa kanyang puso. Takot na hindi na gumaling pa at hindi na muling makakilos na kagaya ng dati. Takot na hindi na maamin pa kay Alexis ang tunay niyang damdamin para rito. Na sana ay nagawa na niya noon pa bago pa mangyari ang trahedya.

At sa isiping iyon, nalaglag ang dalawang patak ng luha sa kanyang nakapikit na mga mata.

Hindi siya maaaring manatiling ganito ang kanyang kalagayan... lalo pa't siya lamang ang makakatulong sa mga kapatid at kababata upang tuklasin ang lihim na nakapaloob sa diary ng dalawang angkan.

Kaya kinakailangan niyang makabalik.

Pero kailan pa mangyayari iyon?

✔ | CHRONICLES OF THE ROSES BOOK 1: I Won't Ever Leave YouWhere stories live. Discover now