Kabanata 28

2.6K 83 3
                                    

Habang abala si Jose sa ginagawa sa kusina'y hindi matanggal ang tingin ko kina Manuel at Julius. Pagkatapos libutin ng kanilang paningin sa buong bahay ay sabay silang napatingin sa 'kin.

"Sorry kung pumasok kami rito nang walang paalam. Bigla kasing umulan kanina kaya kailangan namin sumilong." ani Manuel.

"Saan ba kayo galing?" tanong naman ni Julius.

Hindi ako nagsalita dahil masyadong nalunod ang utak ko sa mga tanong na gusto kong ibato sa kanila ngunit, ayaw kong itanong ang mga 'yon ngayon. Mamaya na lang siguro.

Ilang saglit pa'y dumating na si Jose. May dala siyang dalawang tasa ng kape. Maingat niya itong nilahad sa dalawang bisita.

"Salamat." nakangiting wika ni Manuel.

Tumango lang si Jose bago ako tabihan. Dalawang upuan na ginagamit sa hapag-kainan ang inupuan namin. Pinuwesto namin ito sa tapat ng mahabang kahoy kung saan doon nakaupo sina Manuel at Julius.

"Pasensya na kung hindi niyo kami naabutan dito kanina." tinig ni Jose.

"Ayos lang. Mukha ngang kumuha kayo ng makakain sa gubat.." tugon ni Manuel sabay tingin sa mga saging na nasa lamesa. Tipid na ngiti lang ang ginanti ni Jose.

"Bakit sinama mo pa si Carina? Alam mo namang hindi siya dapat mapahamak." malamig na boses ni Julius.

"Paano niyo nalaman na nandito kami?" tanong ko na kanina pa gumugulo sa isip ko.

Sabay silang napatingin sa gawi ko. Ang kaninang maaliwalas na mukha ni Manuel ay mabilis napalitan ng pagkaseryoso. Hindi naman nagbago ang ekspresyon ng mukha ni Julius.

"Nasa Catalina ka, Ms. Carina. Nang marinig ko ang balitang may bagong dating sa maliit na baryo sa La Sosana, agad akong nagpunta rito. Tinanong ko sina Nanay Rosing at Tatay Kaloy kung sino ang mga bagong dating at sinabi nila ang mga pangalan niyo. Sinabi ko na rin kay Kuya Julius kung nasaan kayo dahil hinahanap niya rin kayo." sagot ni Manuel.

"Huwag kayong mag-alala, nasa mabuting kalagayan si Carina. Hindi siya mapapahamak hanggat nasa tabi niya ako." mariing sambit ni Jose habang nakatitig ng diretso kay Julius. Ramdam ko ang tensyon sa pagitan nilang dalawa kaya tumikhim ako at umayos ng upo.

"Alam ko, Jose." tugon ni Julius bago ibaba ang tasa ng kape sa tabi. "Bukod sa gusto kong makita ang kalagayan ni Carina, gusto ko ring malaman mo na kailangan mo na siyang ibalik sa mansyon."

Natigilan kami ni Jose. Napuno na naman ng tanong ang utak ko ngunit mas pinili kong manahimik.

"Balita ko'y hindi pa maayos ang Elena. Sa katunayan nga'y wala pang nangyayaring aksyon sa mga problemang kinakaharap ngayon ng gobernador."

Binalewala ni Julius ang sinabi ng kanyang pinsan. Nanatiling diretso ang tingin niya sa 'min ni Jose.

"Tapatin mo nga ako, Julius." hamon ko. "Ano na ba'ng nangyayari sa Elena? Ano'ng nangyayari sa mga magulang ko?"

"Dumating ang mga rebeldeng grupo galing sa ibang bansa," pag-amin ni Julius. "Nalaman nila ang kaguluhang nangyayari sa Elena kaya tinanggap nila ang paghingi ng tulong ng mga rebeldeng Pilipino upang pabagsakin ang gobyerno at pagharian ang ating teritoryo."

Nakita ko ang pamumutla ni Jose sa narinig. Ito ang unang beses na makita ko siyang kinabahan at natakot dahil sa isang balita.

"Una silang nagpasabog ng bomba sa Santa Fe. Kahapon nila isinagawa ang panggugulo roon upang magpapansin sa pamahalaan. Hinostage rin nila ang ilang inosenteng Pilipino. Ang ilang kababaihan nama'y pinagsamantalahan nila." dagdag pa ni Julius.

My Knight in Dirty Combat Shoes (Published under Ukiyoto Publishing)Where stories live. Discover now