Juana Dela Cruz: Tampulan ng Sisi't Kasalanan

667 2 0
                                    

Juana Dela Cruz: Tampulan ng Sisi't Kasalanan

Habang karamihan ng mga komyuters sa pampublikong-sasakyan ang nagngingitngit sa init ng paligid, mayroong Juana Dela Cruz na ninanais magreklamo sa mainit na titig ng estrangherong hindi naman niya kakilala. Sa bawat taong nahihintakutang dumaan sa mga madidilim na lugar, mayroong Juana Dela Cruz na napapanglaw sa mga sipol na naririnig niya mula sa mga lalaki sa tabi ng kalsada na tila leong nag-aambang umatake. Ngunit ito nga ba ay kanilang kasalanan? Juana Dela Cruz, ikaw ba ang dapat maging tampulan ng sisi't kasalanan?

Isa sa mga maiinit na isyung bumubulusok sa telebisyon, diyaryo, radyo, at social media ang paksa ukol sa tinatawag ng karamihan na 'catcalling'. Ayon sa datos na nakalap ng senador na si Risa Hontiveros, 88 porsyento ng babaeng Pilipino na may edad 18 hanggang 24 ang nakakaranas nito. Ito ay isang uri ng seksuwal na pangliligalig na sinasalita o ibinabato gamit ang paningin, lalong-lalo na sa mga pampublikong lugar. Isa ang mga ipinaskil ni Mica Reyes, isang netizen sa Facebook, ang tumatalakay sa ganitong uri ng pangyayari. Umani ito ng napakaraming reaksyon mula sa mga tao. Ayon kasi sa kan'ya, "Walang babae ang natutuwa rito. Hindi ito compliment. Ito ay nakakabastos at pwedeng maituring na harassment dahil ito ay agresibo at sexual na panghihimasok sa emosyonal na espasyo ng isang tao." Marami man ang nagbigay ng positibong komento, mayroon din namang mga sumalungat. Mayroong nagsasabi na gugustuhin din naman iyon ng mga kababaihan lalong-lalo na kung may hitsura at sasakyan ang lalaking gumawa nito sa kanila at saka lamang magrereklamo kung ito ay isang 'kanto boy' lamang. May ilan din namang nagpahiwatig na nasa pagdadala ng damit ng isang babae nakasalalay kung magmumukha siyang babastusin o hindi.

Mas lalo pang uminit ang isyu nang makarating sa mga kinauukulan ang aktibidad sa isang pribadong grupo sa Facebook na tinatawag na Pastor Hokage. Ayon sa grupong 'Catcalled in the Philippines,' nagpapaskil ang mga miyembro nito ng mga sekswal na larawan ng mga babae at kalauna'y pag-uusapan nila kung ano ang gusto nilang gawin sa mga ito kahit na menor de edad ang nasa litrato. Ayon pa kay Koko Rodriguez na isa sa mga binantayan ang kilos ng Facebook group, gumagamit sila ng mga relihiyosong terminolohiya katulad na lamang ng Amen na ang ibig sabihin ay sumasang-ayon ang mga ito sa mga nakikita at nababasa nila.

Dahil na rin sa mga insidenteng katulad nito, kaagad umaksyon si Senador Risa Hontiveros upang gumawa ng hakbang upang tuldukan ang anumang aktibidad na maaaring makasira sa puri ng isang babae, bata o miyembro ng LGBTQ+ katulad na lamang ng Senate Bill 1251 o ang Anti-Gender-Based Electronic Violence (GBEV) Bill na magpaparusa sa sinumang magbibitaw ng salitang seksuwal patungkol sa isang tao. Multang P100,000 hanggang P500,000 at lime hanggang sampung taong pagkakakulong ang naghihintay sa sinumang lalabag dito.

Kaunti lamang iyan sa mga kaso ng 'catcalling' at pambabastos sa mga makabagong Juana Dela Cruz ngunit hati pa rin ang opinyon ng mga Pilipino sa isyung ito. May mga taong nagsasabi na hindi ito kasalanan ng mga babae sapagkat mayroon silang kalayaang isuot ang damit na kanilang gusto at nasa lalaki ang pagkontrol sa panibugho ng damdamin sa kababaihan. Mayroon din namang nagsasabi na nasa anyo at postura ni Juana Dela Cruz kung mababastos siya ng ibang tao. Ang tanging malinaw lamang sa isyung ito ay ang katotohanan na walang itong naidudulot na maganda lalong-lalo na sa mga kababaihan sapagkat ito ay gawaing imoral at nakasisira ng puri. Higit sa lahat, maaari itong makaapekto sa emosyon at pag-iisip ng isang tao. At sa huling pagkakataon ay isang tanong pa rin ang uukit sa isipan ng karamihan. "Tama bang maging tampulan ng sisi at kasalanan si Juana Dela Cruz na biktima ng pangliligalig at karahasang sekswal?" 

Feature ArticlesWhere stories live. Discover now